Nang naligaw si Angelnawalangpakpak sa Public Health

Oo na.

Malaki ang kasalanan ko sa inyo.

Matagal-tagal din akong nawala.

Nalumong na kasi ako sa pagiging isang careergirl.

Isa na ako ngayong kawani ng gobyerno.

Isang malaking “Huh?” nga diyan.

At di tulad ng aking ibang mga kaklase na nakabase na ngayon sa mga ospital, ngpapayaman sa pamamagitan ng pagiging sunud-sunuran sa mga inuutos ng mga duktor na espesyalista, kakaiba ang pinili kong trabahuhin. Hindi ako umiintindi ng mga maysakit, hindi rin ako nakatambay sa ospital, hindi rin ako laging may hawak na stethoscope at naniningil ng professional fee.

Sa halip, ako ay nakaupo sa opisina, pumapasok 8-5, Lunes hanggang Biyernes, nakaharap ang laptop habang gumagawa ng Provincial Preparedness at Response Plan, nagreresearch ukol sa Swine Flu, nag-oorganize ng mga training, nagpapalakad ng mga health policies, nakikipagmiting sa mga chief of hospital, nakikipagplastikan sa mga pulitiko at nakikipagPR sa mga taga-DOH, taga-NDCC, taga-Red Cross, taga-DSWD, taga-AFP, taga-DOLE, mga municipal health officers, at iba pang mga kawani ng local health sector at government units.

BORING!!!

Yan ang trabaho sa Public Health. Hindi ako clinician, tagaimplement ako ng mga health policies.

Oo na, uulitin ko na naman, BORING!!!

Nakakapagod ipaliwanag kung bakit pinili ko ang trabahong ito sa dami ng mga inofferan sa akin. At dahil nakikita ko ang kakulangan ng serbisyong medical sa probinya, mas pinili kong magtrabaho sa labas ng syudad. At oo na, palagala talaga ako, kahit bukid man ang pinapasyalan ko. At kahit na mas malaki ang aking makukuha kung sa syudad ako mgtratrabaho, aanhin ko naman ang pera kung alam kong mga mayayaman lang ang nakakakuha ng serbisyo ko.

Kung gusto kong magpayaman, mag-aasawa na lang ako ng mayaman.

JOKE LANG! 

Pero kung totohanin niyo, pwede rin. Pakiforward na lang ang inyong mga application, biodata with passport size picture tsaka Income Tax Records sa aking e-mail address.

JOKE JOKE JOKE!   

Seryoso na. Kaya’t andito ako ngayon sa probinsya, duktora sa isang provincial health office, isang pencil pusher, nagtratrabaho upang mas maraming tao ang magkaroon ng access sa mga progamang pangkalusugan na ibinibigay naman ng libre ng gobyerno.

Oh my gulay! Angel, ikaw ba yan?

Oo. Ako nga ito.

Sa totoo lang, noong una, para akong kumakapa sa trabaho. Wala akong alam sa organizational structure ng local health sector, hindi ako pamilyar sa mga katagang “establishing network linkages” at “resource management”. Haller! Duktor ako, hindi ako Management graduate! Pwede bang tanungan niyo na lang ako sa pathophysiology ng Diabetes Mellitus o di kaya’y ipatrace niyo sa akin ang Circle of Willis sa halip na tanungin niyo ako tungkol sa kung paano magpromote ng advocacy upang mapagsakatunayan ang proyekto ukol sa Health Emergency Management? At nang inassign sa akin ang isang nurse upang maging staff ko sa isang programang pangkalusugan at nang kinausap ko siya ay mukhang mas marami pa syang alam sa akin, sa totoo lang, gusto ko nang magresign.

“Ano ba talaga ang ginagawa ko dito?”

“Ano bang job description ko?”

“Sigurado ba ako sa ginawa ko?”

Iilan lang yan sa isang libong katanungan na tinanong ko sa aking sarili pagkatapos ng unang araw ko sa trabaho.

Hay naku, isang understatement ang sabihing hindi ko alam ang aking ginagawa. Nagpapasalamat na lamang ako na kahit baklita ang aking bosing at kilala siya bilang isang tera queen, mabait siya sa akin (marunong akong mag-PR eh, hehehe…). Sa puntong ito, inip akong matoxic. Gusto kong dagdagan niya naman ang mga inaassign niyang trabaho sa akin (oo na, weird ako!) at ichallenge niya naman ako, subalit ang sabi niya lang sa akin:

“Angel, tine-train pa kita. Wag kang mainip diyan. Darating ang araw baka ikaw na rin ang susuko sa dami ng trabaho mo.”

Kaya eto ako ngayon, sa kabilang rehiyon, pinadala ng boss ko upang umattend ng training. Mga kasama ko, mga matatanda ng ilang dekada sa akin. Karamihan ay mga katrabaho, kaibigan at kabarkada pa ng mga magulang ko. Tanong sila bakit pinili kong magtrabaho sa provincial office, kung pwede naman akong papasukin ng aking mga magulang sa regional office sa syudad sa pamamagitan ng mga koneksyon nila doon.

Yun ang talagang ayaw na ayaw kong mangyari.

Heller. Para ko na rin sinabing tanga ako at kailangan ko pang gamitin ang koneksyon ng aking mga magulang upang makapasok sa trabaho. May prinsipyo rin akong tao at mas gugustuhin ko pang magtrabaho sa probinsiya kaysa magtrabaho sa syudad na kung saan may posibilidad pa ring may mga marurumi ang isip na maghihinalang dinaan ko sa konekyon at palakasan ang pagtanggap sa akin sa trabaho kung doon ako sa regional office naassign.

At sinong magsasabing sa mga probinsya lang nangyayari ang palakasan?

 Hindi ko rin ipagkakailang ilang beses kong kinailangang ijustify ang aking sarili sa ibang tao kung bakit ito ang pinili kong trabaho. Mayroon pa ngang nagsabing “You’re too young for this job.”

At ang sagot ko naman sa kanya: “Sir, I only look young but I’m very much older and wiser than my age.”

Charles ko lang yun. Wish ko lang na yun ang sinabi ko. Hahaha.. Actually ang sinabi ko talaga ay: “Sir, I know that despite my age, I am more than qualified for this job. I’m a licensed physical therapist, a licensed physician and I have a Masteral degree in Public Health. I graduated at the top of my class and as group leader during our community training, I know that I have the experience for this position. It may not be sufficient but I am very much willing to be trained to be more efficient in this job.”

In other words, nadala sila sa lakas ng bilib ko sa sarili. Nasabi ko na bang magaling akong magpabilog ng ulo? Hehehe…

Kaya ayun, di na nila ako pinakawalan.

Oo na, hindi na rin ako magpapaipokrita. Mataas ang posisyon para sa isang bagong lisensyadong duktor na katulad ko. Mataas din ang sweldo (Yipeee!!! May pang Internet na ako!). Subalit kaakibat nito ang sakit ng ulo na kailangan mong umintindi araw-araw sa mga mas nakakatanda sa iyo na matigas ang ulo at tinatrato kang tila isang batang uhugin na masarap pisil-pisilin ang pisngi at guluhin ang buhok. Parang reminiscent ng mga panahong bata pa ako at kapag may mga bisita ang aking mga magulang ay sinasabihan ako nila Mader na, “Anak, dance daw for us, beh. Dance daw.”

At syempre, dahil sunod-sunuran ako, dance naman ako.

Hay naku…

Sa ngayon hindi ko pa masasabing kaya kong tumagal sa ganitong trabaho. Alam ko kasing sa linya ng aking trabaho, darating ang araw at kakailanganin ko ring mamulitika.

AYOKO.

Ayokong madumihan ang aking puri at pagkabirhen (birhen daw o!) ng baho ng pulitika.

Subalit sa tuwing may medical outreach kami at nakikita ko ang dami ng mga taong nakapila at galak na galak na makita kami kahit na kinailangan pa naming maglakbay ng malayo upang makaabot lamang sa kanilang mga bukid-bukid na kuta rin ng mga rebelde, at masayang-masaya sila kahit na multivitamins, paracetamol at mefenamic acid lamang ang matatanggap nilang gamot, nagagalak din ang aking puso at napapawi na rin ang aking mga sakit ng ulo sa trabaho.

Naalala ko tuloy si Manang noong isang medical outreach, nang sinabi ko sa kanyang pakitaas ang kanyang T-shirt at kailangan kong icheck ang kanyang likod upang maicheck ko ang kanyang baga gamit ang aking stethoscope, bigla ba naman niyang hinubad ang kanyang T-shirt at halos maghubo na sa harap ko at sa madaming tao.

Sa gulat ko, sabi ko sa kanya: “Oh my God, Manang. Isuot mo nga ulit ang T-shirt mo at tila gusto mo yatang makipagkompetensiya kay Katrina Halili!”

Natawa na lang si Manang.

Sinong makapagsasabing hindi up-to-date ang mga taga-bukid ukol sa isyu tungkol kay Hayden Kho?

Advertisements