Mahirap Maging Babae

Kani-kanina lang, nalaman kong isa sa mga garantisadong paraan upang hindi lumaspag at bumagsak ang iyong dalawang sisterettes diyan sa iyong harapan (mga boobs mo, in short), ay ang huwag kalimutang magsuot ng bra tuwing ika’y matutulog.

 

Hay naku…

 

Kami na nga ang dinudugo ng regla kada buwan, kami na nga ang maaksayang nagpapalit ng napkin tatlo o apat na beses sa isang araw, kami na nga ang mabubuntis at magdadala ng sanggol sa aming bahay-punlaan, buhay na nga namin ang mapapahinto ng siyam na buwan, pekpek na nga namin ang mahihiwa sa panganganak, suso na namin ang masasaktan habang nagpapadodo sa aming anak, eh, pati ba naman ang PAGTULOG namin, ang tanging panahon na pwede kaming magrelaks at maging “malaya” sa loob ng isang araw, kukunin pa talaga sa amin?

 

Bwisit.

 

Sana naging seahorse na lang ako. 

 

At least, ang mga seahorse, lalake ang nabubuntis.

Advertisements
Ipinaskil sa galit ako sa mundo . Mga kataga , , , . 16 Comments »

Hindi Ako Nag-aral Upang Maging Abortionist Lamang

Warning: Mahaba ito…

 

 

Noong clerk  pa ako at nakatoka ako sa Surgery Department ng ER, natatandaan ko noong tinawag ako ng isa kong co-clerk na assigned naman sa Obi-Gyne. Dahil walang lasing na magpapatahi ng kanyang basag na mukha sa akin noong mga oras na yon, sumama naman ako sa kanya doon sa Inspection Room, kung saan niya pinapahiga at pinapabukaka ang kanyang mga babaeng pasyente. Akala ko nung una, papakitaan nya ako ng isang kyut na kyut na bagong panganak na sanggol.

 

Fetus pala ang ipinakita niya.

 

Sa kalagitnaan ng mga pabalot ng disposable na gloves ay ang isang 11-week old na newly-aborted fetus, mainit-init pa dahil kalalabas lamang nito mula sa uterus ng kanyang ina. Kita na ang malalaking mata ng fetus at ang kanyang kyut na kyut na mga kamay at paa. Nakakapangilabot. Nakakaawa. Nakakapanlumo. Naaalala ko tuloy noong nasa elementarya pa ako na pumapasok ako ng Adoration Chapel (nang hindi pa ako napapaso o nalulusaw na parang abo) sa tabi ng simbahan ng aming eskuwelahan. Sa hallway papasok ng Adoration Chapel ay maraming mga posters ukol sa abortion, kasama na rito ang mga ubod ng graphic na mga larawan ng mga pinaabort na fetus sa iba’t ibang edad sabay ng mga katagang “Pro-life” at “No to Abortion.”

 

Dinala ko yata sa aking paglaki ang mga imaheng iyon kung kaya’t nag-iinit talaga ang aking mga singit kapag nakakatanggap ako ng mga pasyenteng mga 16-17 years old na putlain at profuse vaginal bleeding ang inirereklamo. Tatanungin mo kung buntis, sasabihan ka ng ina nila na hinde at NBSB pa raw ang anak nila. Siyempre, tahimik lang si Ineng. Ganyan naman lagi ang mga guilty. Sasalpakan mo siya ng pregnancy test at kung positive, hala na, saka na niya aamininin sayo na alam niyang buntis siya at kesyo nagpahilot siya sa albularyo/uminom siya ng pinadikdik at pinakulong dahon ng ewan/may ininom siyang gamot na pampalaglag na nirekomenda ng kanyang boypren na second year Nursing student. Alam na yata ng kahit sinong Nursing student ngayon ang mga gamut na pampalaglag at kahit pinagbabawal itong mabili over the counter ay nakakalusot pa rin ang ilan. At kahit itali niyo pa ako ngayon at isabit sa puno ng acacia ng nakatiwarik ay hindi ko sasabihin sa inyo kung ano ang gamot na iyon. Isa lang ang masasabi ko, hindi siya gaanong mabisa pag iniinom, isinisilid ito sa pagkalalim-lalim at pagkaliit-liit na butas ng cervix. Unless kamag-anak mo si Lastikman o di kaya’y may lithotomy bed ka sa bahay niyo, kahit ang mga duktor, hirap itong ipasok sa lecheng butas na iyon kung kaya’t ilang beses itong inuulit at mas nararapat talagang sa hospital ito ginagawa bilang bahagi ng management sa isang tunay na nangangailangan nito.

 

Bilang isang duktor, marami rin akong mga kaibigang lalake ang lumalapit sa akin upang magtanong ukol sa paglalag. Ganito ang karaniwang kinalalabasan ng aming pag-uusap:

 

Manyak na friend: Huy angel. Pwede bang magtanong?

 

Angel: O pare. Anong problema?

 

Manyak na friend: Kasi may kabarkada ako… Eh, nabuntis yung syota niya.

 

Angel: Ganon?

 

Manyak na friend:  Tapos pareho pa silang nag-aaral.

 

Angel: Ayan, kasi naman… Ilang buwan na daw?

 

Manyak na friend: Mga dalawang buwan ata.

 

Angel: Sigurado ka bang hindi ikaw yan at sinasabi mo lang na kabarkada mo?

 

Manyak na friend: Lukaret. Hinde ah.

 

Angel: Eh, tapos?

 

Manyak na friend: Anong pwedeng inumin ng babae para malaglag yung baby?

 

Angel: Lason. Magpakamatay na muna siya bago ko sasagutin ang tanong na yan

 

Wala akong pakialam kung gusto mong ikalat ang iyong mga punla kahit hindi ka pa kasal, wala ka pang trabaho o di kaya’y sadya ka lang talagang manyakis. Hindi rin ako magpapakaipokrita at magsasabi sayo’ng huwag ka na munang makipagsex hangga’t hindi ka pa kasal. Naiintindihan ko namang masarap talaga ang magpainit ng katawan at malunod sa mundo ng kahalayan kahit pa nga ba ito ay masasabi nating bawal. Ang sa akin lang, wag mo kong idamay at gamitin ang aking propesyon at ang ating pagkakaibigan sa iyong pagkakamali at katangahan. Susuportahan kita sa lahat ng bagay, kung alam mo na ang dapat mong gawin, sasamahan pa kitang bumili nito (inaamin kong sinamahan ko ang isa kong kaibigang duktor dati na bumili ng isang klase ng herbal vitamin daw na pamparegla) pero kung iniisip mong sa akin manggagaling mismo ang kinakailangan mo ay wag ka nang umasa dahil hinding-hindi kita reresetahan ng gamot na magagamit mo sa paggawa ng kamalian sa isa nang pagkakamali.

 

Kaya’t kung ikaw ay may iniirog at ayaw mong mabuntis o makabuntis, isa lang ang pinapayo ko: MAGSUOT NG KAPOTE. Hindi condom kasi 99% effective lang yan. Ang ibig kong sabihin ay raincoat. Ewan ko lang kung titigasin pa ang inyong etits at gaganahin pa kayong makipagsex niyan pag suot niyo na yung mga malalaki at mabibigat na dilaw o di kaya’y dark green na raincoat ng mga pulis at sundalo.

 

What a turn-off.        

 

Isa pang pahabol na kuwento. Noong clerk ako sa Internal Medicine, may isang maitim at matabang 16-year old na babae, kasama ang kanyang ina ang lumapit sa akin dahil buong araw na raw masakit ang kanyang tiyan. Dahil nanghinala akong melasma ang dahilan ng pangingitim sa kanyang mukha at tila bilog na bilog ang kanyang tiyan, tinanong ko si Neneng kung buntis siya. Ang sabi ng ina, mataba lang daw talaga ang anak niya at estudyante pa na wala naman daw boypren. Sabi ko, ipapregnancy test ko muna siya. Patakaran rin kasi ng departamento ng Internal Medicine na ipapregnancy test muna ang mga kaso ng abdominal pain sa isang babaeng nasa reproductive age pa at saka ipapasa sa kung anong departamento dapat ang humawak sa kaso niya. Nagpumilit, hindi naman daw buntis ang anak. Hindi ko raw ba puwedeng bigyan na lang kaagad ng gamot. Hindi naman ako tanga para magbigay kaagad ng gamot para sa sakit ng tiyan ng hindi ko pa naeexamine ang pasyente ng mabuti. Kaya sabi ko, manang, hindi talaga pwede. Buti na lang, naiihi na si Neneng. Sabi niya balik lang daw sila, ihi daw muna siya sa CR sa labas ng ER.

 

Maya-maya, nagsisigawan na ang mga tao sa labas.

 

Habang umiihi si Neneng sa toilet bowl ay sabay labas naman ng kanyang bagong panganak na sanggol. Mabuti na lang ay nahila niya kaagad ang umbilical cord na nagdudugtong sa tiyan ng kanyang sanggol at sa kanyang bahay-punlaan, kung hindi ay tumama na sana ang ulo ng bata doon sa toilet bowl.

 

Muntikan pang tuluyang magsawsaw sa mga ihi at tae ng ibang tao ang kanyang dinedeny-to-death na newborn baby.  

 

At ang nanay ni Neneng, halos wala nang pagmumukhang maipakita sa akin habang sabay sabing, “Mahilig kasi yan silang mag-overnight swimming ng mga kabarkada niya. Baka may sperm na lumalangoy-langoy sa pool na pumasok sa ari niya kaya nabuntis.”

 

Si nanay talaga. Ayaw pang tanggaping malandi talaga ang anak niya.  

Para Kay [He-Who-Should-Not-Be-Named]

Hindi ata maganda ang araw na ito para sa akin.

 

Ala-1 ng hapon pa dapat ang review class namin. Dahil feeling masipag ako ngayon, naisipan kong pumunta ng eskuwelahan ng alas-10 ng umaga para doon na lang tumambay at magbasa-basa habang inaantay na mag-ala-1. Pagdating ko ng eskuwelahan, saka ko lang nalaman na katatapos lang daw pala ng aming klase na nagsimula kaninang 8 AM. Nagpapass the message daw kagabi ang class president via text.

 

Obviously, walang nagtext sa akin.

 

Nanlumo ako. Wala na ba talaga akong friends? Simula ng lumipat ako sa Smart mula sa Globe ay madalas na hindi na ako nakakatanggap ng mga importanteng text messages mula sa aking mga walangkwentang kaklase. Paano ba naman kasi, halos mga Globe Unlitext subscribers silang lahat. Hindi na ata nila makayanang magwaldas ng piso para itext man lang ako na pinalitan pala ang skedyul ng klase sa mas maaga.

 

Mga kuripot! Lamunin niyo yang mga piso ninyo! Sana mabilaukan kayong lahat! 

 

At syempre, tatanungin niyo, Bakit kasi hindi na lang din ako lumipat ng Globe? Kahit gustuhin ko man, dahil sa liit ng lungsod namin, wala pa raw program ang lahat ng cellphone repair shop dito sa amin na pwedeng magpa-open line sa aking Nokia 6969 [Real name withheld due to legal purposes]. Hindi ko rin pwedeng magamit ang aking lumang openline na cellphone dahil bumigay na talaga siya. Hindi na siya virgin. Kailangan na nya ng major colporrhapy at dahil poor ako, wala akong pambayad ng pang-ospital niya. Eniweyz, imbes na mag-fetal position at umiyak sa isang tabi sa sobrang tampo, napag-isipan ko na lamang magpalamig ng ulo sa aming state-of-the-art daw na library na kapanahunan pa yata ng pagduduktor ni Rizal sa Dapitan ang mga librong pangmedisina dito.

 

At dahil may libreng Internet doon, sinilip ko na rin ang aking blog at nagbloghop.

 

Haayyy…. Drama at Emo mode na mala-Pacquiao na ang susunod kaya at least, winarningan ko kayo.

 

Humihingi ako sayo ng paumanhin. Paulit-ulit ko talagang binasa ang aking kinomento sa iyong blog upang malinawan ang aking murang isip kung bakit na lamang ganun ang iyong reply sa akin. Siguro nga, may pagka-offensive para sayo. Inaamin ko rin naman na may pagkataklesa din talaga ako paminsan. Basta na lang ako type ng type. Spontaneous ako magcomment, hindi tulad ng aking mga posts sa aking blog na halatang pinag-isipan ko talaga (Hmmm… Halata nga ba? Pansinin niyo na lamang na Times New Roman Font12 ang mga post ko, pang Microsoft Word talaga). Kung naoffend ka man sa comment ko, sorry. Siguro nga medyo may pagkamapanlait ang dating. Kaya, sorry ulit at sa susunod, puros happy thoughts at pagpupuri na lamang ang maririnig mo sa akin. Hindi ko naman intensyon na galitin ka. Hindi naman ako naghahanap ng away. Isa lamang ako sa iyong mga tagahanga na napadpad sa iyong blog na trip lang mag-iwan ng komento sa pagkakataong iyon. Hindi ko lang talaga alam bakit kinailangan mo pa akong murahin. Marami naman sigurong ibang paraan upang ipadama mo sa akin na hindi mo nagustuhan ang aking comment. Pwede rin namang idinelete mo na lang sana. Hindi naman ako yung tipong nangungulit at sakim sa airtime kapag nakita kong hindi naipost ang aking komento. Kahit bago pa lang ako, hindi ako ganid para sa plugging ng aking blog. Nungka akong nagkomento sa blog ng iba ng “Care to exlink?” Kaya kong mabuhay mag-isa ipost mo man o hinde ang comment ko sa blog mo. Madali akong kausap. Kinailangan mo pa ba talaga akong murahin?

 

Babae ako. Kahit ganito ako umasta, kahit ganito ako magsalita, kahit paminsan, hindi ako karespe-respeto sa mga sinusulat ko sa aking blog, ang pagkakaalam ko, babae pa rin ako. Kailan pa ba naging kaaya-aya ang murahin ang isang babae?

 

As far as I know, I did not deserve that.

 

Hindi naman siguro ka-OA-an ang aking naging reaksyon. Huwag mo ring isiping  umaandar lang ang pagka-manang ko at hindi lang ako sanay na makarinig ng mura. Sanay ako, hindi nga lang kung ito’y patukoy sa akin. Huwag mo ring isiping epekto lang yan ng aking pagiging Catholic School subscriber halos buong buhay ko. Wala naman yatang koneksyon ang mga pagtuturo ng mga Hesuita sa mga pagmumura. Siguro nga ito ay dahil bago pa lamang talaga ako dito sa blogosphere at hindi pa ako sanay sa mga ganitong bagay. Palibhasa wala naman talaga akong pangalan sa mundo ng mga tanyag na blogista, kung kaya’t naisip mong hindi mo naman talaga kinailangang magpakita ng respeto sa akin. Napatanga tuloy ako. Sensitibo na kung sensitibo pero dinamdam ko talaga ang sinabi mo. Parang gusto ko tuloy bumalik na lamang sa sinapupunan ng nanay ko at iwaldas ang natitira kong buhay sa paglangoy-langoy na lamang sa amniotic fluid. Kaso hindi puwede dahil maliban sa hindi na ako kakasya sa kanyang vajayjay ay matagal ng tinanggalan ng uterus ang nanay ko. Kaya wala akong magawa kundi ang mag-Emo na lamang at ilunod ang aking pagmumukha sa pagkonsumo ng balde-balde ng comfort foods. Marahil kahawig ang aking karanasan sa kadalasang nangyayari sa ilan sa mga bloggers na tumitigil na sa pagsusulat. Dahil masyado nang bumababa ang kanilang self-esteem dala ng anik-anik na panggugulo at paninira sa kanila at sa kanilang mga blogs, naiisipan tuloy nila ang tumigil na o di kaya’y maghiatus.

 

So, dapat ko ba silang sundan? O dapat ba talaga akong masanay na lang na ganyan ka? O dapat ko na lang bang tigilan na ang pagcocomment pa sa blog mo at sa blog ng ibang tao? O dapat ko na bang ikandado sa loob ng baul na lang itong blog ko at wag nang buksan pa ito ulit?

 

Pasensya ka. Hindi mo pag-aari ang world wide web. 

 

Sa pagkakaalam ko, may karapatan din ako dito.

 

Kaya sige, humihingi ako sayo ng paumanhin. Pero murahin mo pa ako ulit at kahit maliit lang ako, makakatikim ka talaga sa akin.

 

Wala man akong dugong Muslim pero iba pa rin ang bagsik ng isang tubong Mindanao tulad ko pag magalit.  

Mga Balitang Krimen sa Land Down Under

Nakakabuwisit.


Baka mapagkakamalan ng “Rant Blog” itong blog ko.


Ayoko na sanang dagdagan ang laki ng “galit ako sa mundo” na tag sa aking tag cloud pero hindi ko ata kayang palampasin ito.


Hindi carry ng aking katauhan ang tumahimik na lamang ng malaman ko ang balitang ito.


Itago natin siya sa pangalang GRACIA.


Si Gracia ay isang bading na trabahador ng karinderya sa tabi ng ospital na aking dating pinagtratrabahuhan. Dahil mura, malinis at masarap (at kuripot naman kami) ang mga luto sa karinderyang iyon na pinagmamay-ari ng isa rin sa mga trabahante doon sa ospital ay madalas naming nakakasalamuha si Gracia. Siya ang taga-hatid sa hospital ng mga ulam at meryendang inorder namin mula sa karinderya through phone patch, sa mga panahong dinudumog kami ng mga pasyente at nilalamon kami ng buhay ng aming mga residente sa aming duty. Hindi ganap na palakwento si Gracia lalo na kung ikaw ay pinanganak na may Y Chromosome, pero kung bibiruin mo siya ay bibiruin ka rin niya. Madalas na nakikita si Gracia na rumarampa sa ospital suot ang kanyang tank top at boot-legged jeans at nakangiting magtatanong sa iyo ng “Meryenda, doc?”


Dahil unti-unti na akong nilalamon ng malungkot na mundo ng board review, may ilang buwan na rin mula nang huli akong pumunta sa ospital at nakita si Gracia.


Noong isang linggo ay may nabalitaang may natagpuang naaagnas ng bangkay ng isang di kinikilalang lalake sa may dalampasigan ilang metro ang layo mula sa bayan. Walang nakakakilala kung sino ito, at ang mga markang makakapag-kilala dito ay tanging ang kanyang tattoo sa braso.


Si Gracia pala iyon.


Walang kamag-anak si Gracia sa aming lungsod. Tanging ang pamilya ng may-ari lamang ng karinderya ang masasabing pinakamalapit na kaibigan niya. Ilang araw na raw pala itong hindi pumapasok sa trabaho at nang napanood ng may-ari ang balita sa telebisyon, saka pa lamang niya nalaman ang tunay na dahilan ng pagkaabsent ni Gracia sa trabaho.


Pinatay si Gracia.


Ayon sa balita, ilang saksak ng kutsilyo ang tinamo ni Gracia. Ayon naman sa chismis, nilapastangan daw ang kanyang ang kanyang pagkavavaeh, dahil wasak na wasak daw ang kanyang puwet. Nagulantang kaming lahat ng aking mga kaklase ng malaman namin ito. Sa aming palagay, mga gago ang gumawa nun kay Gracia. Hindi namin alam ang dahilan paano napadpad si Gracia sa sitwasyong kinailangan siyang ihantong sa isang malamig na bangkay. Ito ba ay gawa ng mga lulon sa droga? Mga maton na may galit sa mga bading? Bahagi ng isang initiation ng fraternity? Nakuha pa ngang magbiro ng isa kong kaklase na baka naman nagpanggap na babae si Gracia sa isang textmate at nang nakipag-eyeball ito sa may boulevard ay nainsulto ang kanyang textmate ng makitang bading pala si Gracia kung kaya’t pinagsasasaksak ito at tinapon ang bangkay sa boulevard, na tuluyan na lang nadala ng mga alon papunta sa dalampasigan kung saan natagpuan ang kanyang bangkay.


Oo, nakakatawa siyang isipin na resulta lamang ng panloloko ang lahat. Pero hinde kung alam mong bali-baligtarin man ang mundo, hindi wasto ang pumatay ng tao. At lalong hinde nakakatawa kung kilala mo yung namatay na tao.

Sabi ko sa mga kaibigan kong bading, mag-astang lalake na lamang muna sila pag nasa harap ng masa. Umiwas na muna sa pakikipag-eyeball sa textmate ng gabi. At huwag kalimutan ang bilin sa atin ng ating mga magulang, ang don’t talk to strangers. Baka kako ang karumal-dumal na nangyari kay Gracia ay resulta ng mga grupong nangtritriping ng mga bading. Mahirap na. Mas mabuti na rin ang safe.


— Hindi yan si Gracia, ha? Natuwa lang ako sa pose ng bading na yan —


Masyado na talagang talamak ang krimen ngayon sa aming lugar. Noong isang araw rin ay aming nabalitaang may kinidnap na naman, bading na estudyante rin sa unibersidad na aking pinapasukan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw siya naisasauli sa kanyang mga magulang. Nung isang buwan naman, isang nars na nagtratrabaho sa isang pribadong hospital. Nung nakaraang taon naman, anak ng presidente ng isang pampublikong unibersidad. Kung tutuusin, kung buong buhay kang naninirahan sa aming lunsod, parang obituaries sa newspaper na dinededma na lang ang mga balitang may nakidnap dahil sawang-sawa ka ng makarinig ng mga tungkol sa kidnapan. Ewan ko kung totoo pero mukhang kami na ata ang nagiging Kidnapping Central of the South, dahil magmula bata ako ay left-and-right ang mga balita ng kidnapan sa amin. Nakakabuwisit dahil hindi tuloy kami nabibiyayaan ni Lord ng SM Megamall sa takot ng mga investors na makidnap habang sila’y nandito. Isama pa natin ang kalokohan ng MOA at MILF at tuloy parang gusto ko ng magmadaling makapagtrabaho ng makaalis na dito.


Pero, joke lang. Mahal ko ang lungsod ko. Dito ako lumaki at pinalaki (kahit hindi na ako lumaki pa dahil hanggang ngayon ay kulang pa rin ako sa height) ng aking mga magulang. May layp na rin dito at umuusbong na rin ang ekonomiya dito, kumpara sa mga karatig nitong probinsya. Mahal ko ito kahit uso kidnapan dito. Love your own, ika nga. Nakakabuwisit lang dahil kapag pumupunta ako dati ng Maynila at sinasabi ko kung taga-saan ako, ang laging tinatanong sa akin ay, “Marami bang bomba doon?”


Oo, kinakain pa nga namin yan sa almusal araw-araw.


Pero, napapangiti na lang ako. Gusto kong sabihing, Bomba, not really. Kidnap, oo.


Ewan ko na lang kung gugustuhin pang bumisita dito ng kausap ko kung sinabi ko yun.


Naalala ko tuloy nung isang araw, nakasalubong ko ang aking kaklaseng si IdealMan. Ito ang aming pag-uusap.


IdealMan: Hoy, Angel. Kita ko na naman Mommy mo sa TV.

Angel: Ah, ininterview na naman si Mader? Baka may chenes chenes eklavoo na naman ang office nila na kailangang ilabas sa TV.

IdealMan: Regional Director na pala ang Mommy mo?

Angel: Hoy, hinde ah. Officer in Charge lang.

IdealMan: Eh, sabi sa TV, Regional Director na siya.

Angel: Heh! Siguro naman kung ginawa na siyang Regional Director eh sasabihin niya yun sa amin, no?

IdealMan: Baka secret lang… Kaw ha? Big-time na pala Mommy mo.

Angel: Yaks. Yoko nga. Ayokong maging kidnapable.

Hindi po Regional Director ang nanay ko. Kaya please lang, huwag niyo na akong isipang ipakidnap. Wala kaming maibabayad sa mga kidnappers kung hindi mga gabi, niyog, kamote, saging at kung ano-anong prutas mula sa lupa ng yumaong lola ko. Magiging healthy man ang mga kidnappers dahil sa fortified ng vitamins and minerals ang maibibigay naming pang-bayad ransom, eh, baka hindi pa rin nila mapipigilan ang kanilang sariling isoli ako sa mga magulang ko na latoy-latoy na rin ang aking pagkababae. Hindi ko rin kayang magkunwari tulad ng ginawa ni Ces Drillon.


Maawa na kayo. Virgin pa ang uterus ko.


*Photo taken from creepygerry.blogspot.com

Mahal Ko Ang Trenta Pesos Ko

Katatapos ko lang magbayad ng aking tumataginting na P60 sa isang Internet shop nang naisip kong sumakay ng tricycle para umuwi sa amin. Liban sa bumigay na ang aking japeyks na Louise Vuitton bag na kung saan lumuluwa na ang aking mga pamalit na damit galing overnight, mga board reviewers at nagsisikapalang libro ng anatomy at surgery ay tinatamad na rin kasi akong lumakad kahit na medyo hindi naman kalayuan ang Internet shop na yun sa bahay namin.


Dahil katabi lamang ng Internet shop ang isang bus terminal kung saan maraming mga nakapark na tricycle, doon na ako lumapit at saka nagpapansin sa mga tricycle driver.


Isang mamang walang buhok ang lumapit sa akin. “Tricy?”


Tumango ako, umupo na sa kanyang sasakyan at sinabi ang address ng bahay namin.


“Trenta.”


Huwaaat? Bago pa magsilabasan ang kung ano-anong pagmumura sa bibig ko, napigilan ko pa ang sarili ko. Napatingin muna ako sa kanya, naninigurado kung tama ba ang sinabi niya sa akin.


“Ha?”


“Trenta lang.”


Oo, madalas napagkakamalan akong tanga. Tanga sa pag-ibig, tanga sa mga gawaing-bahay, tanga sa mga kabalastugan at kagontsohan ng mga taong mahilig umalipusta ng kanilang kapwa. Pero, hindi rin ako pinanganak na gago. Kagaguhan ang magbayad ng P30 para lang sa pamasahe na halagang P10-P15 lamang. Mas lalo nang kagaguhan ang humingi ng bayad na doble sa tunay na halaga nito.


Okey lang siya?


Hindi naman sa hindi ko kaya ang magbayad ng P30. Hindi naman ako ganon ka-poor at may pera naman ako. Pero kagaguhan ang gustong mangyari ng tricycle driver na yon. Malamang napagkamalan niya akong promdi dahil sa may harap ako ng bus terminal nanggaling, may dala akong malaking bag at mukha siguro akong uhuging bata dahil kulang ako sa tulog at kumakaway-kaway sa kanya ang aking naglalakihang eyebags, pero hindi pa rin yun sapat na dahilan upang mabigyan siya ng karapatang linlangin ako.


— Sali ako? —


Sabihin na nating, oo, tumaas na ngayon ang presyo ng gasolina. Pero tama ba namang kung kaninang umaga ay P15 lang ang binayad ko papuntang terminal, eh pagdating ng hapon ay doble na kaagad ang babayarin ko? May emergency increase na ba ng gasolina na hindi ko pa alam? Naghohoarding na ba sila ng langis sa ibang bansa kaya sobrang quickie ang pagtaas ng presyo ng gasolina? Nauubos na ba ang mga reservoir ng langis sa UAE at ganun na lang kabilis na tumaas ang presyo nito?


Kilala ang lungsod namin sa pagkakaroon ng pinakaganid at garapal na mga tricycle drivers. Noong napadpad ako sa Dipolog at Pagadian noong nakaraang taon ay hindi ang mga nagagandahang tourist spots ang nagpatibok sa puso ko, kundi ang mga tricycle drivers dito. Kras ko kayo, mga tricycle drivers ng Dipolog at Pagadian. Namangha talaga ako sa baba ng presyo ng pamasahe na sinisingil ng mga tricycle drivers doon. Hindi tulad dito sa amin. Sa isang araw, halos sa pamasahe ko sa tricycle lang nauubos ang allowance ko. Hindi na tuloy katakataka na baong oatmeal at tubig na lamang ang pinangtatanghalian ko pagdating ng lunch break. Hindi ko na nga alam kung saan ko pa nahuhugot ang pera pambili ng load at yosi. Sa savings ko ata. Malamang ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin umaabot ang aking ipon para maging sapat na ipangbangko.


Nabuwisit ako kay Manong. Para akong si Incredible Hulk na pagkatapos ng matagal na pagtitimpi, ay saka lamang nagkaroon ng lakas upang ilabas ang kanyang tunay na mga saloobin. Rumatsada na ang aking bibig na galit na galit na nagpuputak tungkol sa kanyang pagiging isang sakim. Habang abala ako sa aking paglilitanya tungkol sa kanyang walang pusong paggogontso sa isang hamak na estudyanteng tulad ko, na hindi man lang niya kayang bigyan ng 10% Student Discount fare, nagsibalik sa aking isip ang mga insidente at taong dati na ring nanggoyo sa akin at dahil isa akong peace-loving na tao (in short, loser) ay hindi man lang ako nagpumiglas ng goyohin nila ako.


Sa matandang bading na gumupit ng buhok ko nung isang taon at nagsabing “Ang ganda-ganda mo, Ate!” kahit nagmukha naman akong batang 80’s sa bangs na binigay niya sa akin. P.U.


Sa driver ng jeepney na nagkunwaring nakalimutan niyang ibigay ang sukli kong P1.50. P.U.


Sa kapitbahay naming nagparelax ng buhok ko sa halagang P3,000 na sabi niya ay tatagal ng anim na buwan. Apat na buwan pa lang ngayon, pero kumukulot na siya ulit. P.U.


Sa mga kaklase kong kuripot na hindi ako tineteks kung wala kaming pasok dahil Smart ako at Globe sila, kaya’t napapagastos ako ng pamasahe papuntang eskuwelahan kahit wala namang klase. P.U.


Sa teacher ko nung Grade 5 na araw-araw na nagcocollect ng pera para pambili daw ng pansit, floor wax, kurtina o di kaya’y Christmas tree para sa classroom daw namin na hindi man lamang namin nasilayan at napakinabangan at sa pagbebenta niya sa amin ng raffle tickets kapalit ng pagiging excempted daw namin sa periodic exam. P.U.


Sa mga professor ko dati sa UP na binagsak ako sa Chemistry 101 at Neuroanatomy, sinira niyo record ko. P.U.


Sa mga lalakeng nanggoyo ng aking puso. Isang tumataginting na P.U. sa inyo.


Kay Airsoft, ang hari ng pakipot. P.U.


At sa pasimuno at nagbigay inspirasyon sa blog na ito, ang kalbong mamang driver ng tricycle na pula na nakapark sa harap ng terminal kaninang alas-5 ng hapon, harinaway Diyos na ang bahala sa yo.


Pero, oo, P.U. din sayo.

* Photo taken from P.base.com


Dapat Namatay Na Lamang si Mr.Big

 

 

Kasalukuyan akong nagpapalipad-oras sa pagchachannelsurfing nang napansin ko na palabas pala sa Velvet ang reruns ng Sex and The City. Dahil isa ito sa aking mga paboritong palabas sa telebisyon, napagpasyahan kong panoorin muna ito kahit na ilang beses ko na itong napanood. Kasalukuyang pinapalabas noon ang isang eksena na kinabibilangan ni Mr. Big at ang bida ng palabas na si Carrie Bradshaw, kung saan iiwan na naman ni Mr. Big si Carrie, sa ika-pang ilang beses ng pagkakataon.

 

Kung hindi niyo pa napapanood ang Sex and The City: The Movie, hayaan ninyong sabihin ko na sa inyo ang ending: Nagpakasal rin sa bandang huli si Carrie at si Mr. Big.

 

Praise the Lord, hallelujah. Sigurado akong marami ang natuwa dahil matagal ng pinag-aabangan ang pangyayaring iyon, ang kung magkakatuluyan din ba talaga sa huli ang dalawang magsing-irog.

 

Nasambit sa aking isipan ang magmuni-muni ukol sa mga nagdaang episodes ng Sex and The City, hanggang sa kinahanatnan ng huling kwento nito ayon sa ipinalabas sa pelikula. Habang pinag-iisipan ko kung kailangan ko bang magmix ng Cosmopolitan habang isinasagawa ang pagmumuning yon, isa lang talaga ang pumasok sa isip ko.

 

GAGO SI MR. BIG.

 

Isa siyang malaking gago na pinaglaruan ang puso at pagmamahal ni Carrie sa loob ng anim na taon. Ang kanilang relasyon ay isang walang kamatayang kalokohan na sana ay matagal na nilang tinapos at hindi na pinayagang paulit-ulit na mabuhay pa. Dahil dito, paulit-ulit rin nilang pinaglaruan ang kanilang mga damdamin, ilang beses rin silang nasaktan at hinayaang magkandaleche-leche ang buhay ng isa’t-isa. Pumatol si Mr. Big kay Carrie kahit ito ay may asawa na. Si Carrie naman ay nagpakatanga, pabalik-balik na tinanggap si Mr. Big sa buhay niya. Kahit sabihin nating sila ay talagang itinakda ng tadhana para sa isa’t-isa, hindi pa rin natin maisakakatuwa na malaking kagaguhan ang paglaro ni Mr. Big sa puso ni Carrie ng anim na taon. Para sa akin, hindi na sila dapat nagpakasal at nabigyan ng happy ending.

 

Dapat namatay na lang si Mr. Big.

 

Hindi tama ang anim na taon mong paglalaruan ang puso ng isang babae. Kahit pa ba sabihin nating si Carrie ay hindi nagpakita ng katiting na lungkot at depresyon sa kada beses na umalis si Mr. Big sa buhay niya dahil nalusaw na sa alcohol at sa kaiinom ng Cosmopolitan ang utak ni Carrie kaya tanggap niya ng maluwag na mas masaya siya sa buhay single, alam naman nating lahat na commitment pa rin ang pinakahahangad ni Carrie at hindi kayang ibigay ni Mr. Big sa kanya sa loob ng anim na taon.     

 

Ewan ko ba kung bakit kinailangan pa nilang magmamaang-maangan na mahal talaga nila ang isa’t-isa. Walang gustong magparaya at maunang umamin na mahalaga ang isa sa buhay niya. Walang gustong gumawa ng pangunang hakbang upang sabihin sa isa na handa siyang magmahal ng taos-puso. Kaya sa loob ng anim na taon ay nahayaan nilang maging parang laro ng pingpong ang buhay nila, walang katapusang itinatanggap at ibinabalik, sinasalo at muling tinatapon.

 

Oo, madalas nating nakikitang ngumingiti lang si Carrie kada beses na umalis si Mr. Big. Oo, marami ring dumating na ibang lalake sa buhay ni Carrie nung wala si Mr. Big. Oo, tanga rin si Carrie dahil paulit-ulit siyang sumasakay na itim na limousine ni Mr. Big at  binubukas ang pintuan ng puso niya kada beses na nagpapacute na naman sa kanya si Mr. Big. Pero kung tutuusin, kung mahal mo ang isang tao, hindi mo naman talaga kasalanan na tanggapin siya kahit paulit-ulit ka na niyang sinaktan. Kung talagang mahal mo siya,  mahirap talaga ang pigilin ang iyong sarili na mahalin mo pa rin siya.

 

Para sa akin, ang tunay na gago ay kung sino ang paulit-ulit na umaalis at hindi ang paulit-ulit na tumatanggap.

 

Ang sarap sigurong tirisin si Mr. Big na parang kuto.

 

Oo, madrama ako ngayon. Malamang ito ay dahil napagdesisyonan ko nang tigilan ang isang relasyon sa buhay ko na walang katuturan. Mamamaalam na ako sa kanya. Ayokong maging katulad siya ni Mr. Big sa buhay ko. At mas lalong ayoko ring maging katulad ako ni Carrie sa buhay niya.

 

Ang problema ko na lang ngayon ay kung paano ko papalitan ang pangalan ko sa e-mail address at website. Ayoko nang maging si thefilipinamistress. Gusto ko nang maging si angelnawalangpakpak. Sa totoo lang, naging resulta ng aking pagkalulon sa pag-ibig sa lalakeng alam ko namang hindi kailanman maaring maging akin ang pagsusulat sa mga blog na ito. Dati akong isang matatawag na open book, palakwento, madaldal at masayahin. Pero magsimula nang magumon ako sa aking mga kalokohan sa mga walang kwentang lalakeng hinayaan ko lang na paglaruan ang puso ko, parang nag-iba na ako. Madalas na akong balisa at madaling daluyan ng lungkot. Ang dating masiglahin at kwelang si Angel aka [Mistress] ay naging isang closed-book, dahilan ng pagtatago ng masyadong maraming sikreto sa kanyang buhay. Ang resulta ng aking pagkalulon sa mga bawal na pag-ibig ay ang ang unti-unting paglaho ng aking tunay na pagkatao.

 

Ipagpapaliban ko na lamang ang buhay ko sa ngayon sa Diyos at susundin ko na lang muna ang paulit-ulit na binibilin ni Mader: BAWAL MUNA ANG MAGKA-BOYPREN.

 

Kailangan ko na munang makita ang sarili ko.

 

Kailangan ko na munang balikan ang tunay na ako.

 

Kailangan ko na munang angkinin ang tunay kong pagkatao.

 

Paalam Philip. Mas mahal ko ang sarili ko kaysa sa iyo…

Hiatus

 

 

Ewan ko ba kung bakit ang sarap-sarap pakinggan ang salitang HIATUS.

 

HI-atus. Hi-A-tus. Hia-TUS. All together now, HAAAYAATUUUSSS.

 

Kung hindi mo pa nahuhulaan sa ngayon kung bakit ito ang title ng post ko sa ngayon, pwes, huwag mo ng sayangin ang iyong neurons sa pag-iisip at sasabihin ko na lang sayo. Ano nga ba ang dahilan kung bakit namemention ng isang blogger ang salitang hiatus? Obviously, kasi kailangan niyang mag-blog leave.

 

Yes. Tama ang iyong narinig. Ako ay kinakailangang magblog leave upang makapagfocus sa saking pag-aaral. Ako ay kasalukuyang kailangang magfocus sa pagrereview para sa board exams. Sa mundo kasi ng pagduduktor, ang isang nakapagtapos na ng apat na taon sa medisina at isang taon na internship ay matatawag nang General Practitioner. Subalit, hanggang sa hindi ka pa pumapasa ng board exams at wala ka pang lisensya, maraming mga ospital ang hindi mo pa pwedeng aply-an, hindi ka pa pwedeng magsimula ng iyong residency training, hindi ka pa ganap na matatanggap ng Medical Society at ang pinakaimportante sa lahat, dededmahin ka pa ng mga malalanding medrep (medical representatives) na nagbibigay ng free dinner, airline tickets, ballpen, prescription pad, at kung ano-anong giveaways at eklavus.    .  

 

Kaya ko naman actually ang isabay ang pagbloblog at ang pagrereview kasi alam ko, matalino ako. Naks. Yabang. Hehe. Pero hindi naman sa pagyayabang pero isa ako sa mga pinakamatalino sa klase. Well, 20 lang naman kami sa klase kaya statistically speaking, mas malaki talaga ang probabilities na mapunta ka sa Top 10. Hehehe. At kung ikukumpara sa kolehiyo kung saan mga valedictorian at salutatorian galing sa iba’t-iba’t-bang prestigious highschools in the Philippines ang mga kaklase ko kaya tuloy wala ako masyadong drive noon na makipagsabayan at makikompetensya sa kanila, iilan lang ngayon sa mga kaklase ko ang gumraduate ng college ng cum laude at karamihan pa ay galing sa kung saang uhuging unibersidad sa probinsya. Kaya hindi na nakapagtataka na kahit latak lang ako ng UP nung college (muntik pa nga akong hindi matanggap sa kursong gusto ko talaga dahil quota course siya at nandun ako sa mga last on their list. Salamat, kung sino ka mang nagdrop-out sa course ko at nag-enroll sa ibang school), isa naman ako sa mga pinakamatalino (daw) sa klase ngayon.

 

Ang pinakanakakabwisit lang kung nandun ka sa pinakatuktok ay hindi ang nagiging popular ka at maraming nagtitiliang fans pag pumapasok ka ng library. Hindi rin ang pressure na inihahain sayo araw-araw ng mga propesor at Dean ng school na kilala ka lang dahil sa pangalan mo na madalas na katabi ang highest grades sa mga exams doon sa bulletin board at hindi ka na kilala sa mukha pag dumaan ka sa harap nila at maggreet sa kanila ng “Good morning, doc.” Hindi rin ang ilusyon ng mga faculty at graduate ng school na malampasan mo ang pagtop ng isa sa mga graduates from last year’s batch na kumuha ng board exams.

 

Ang pinakanakakabuwisit pag nandon ka sa taas ay kapag may mga kaklase kang nakikipagplastikan sayo.

 

Close kami ng mga kaklase ko. As in, close na close to the maximum level. Halos wala na kaming nararamdamang malisya pag naghahalubilo ang mga babae at lalake dahil parang magkakapatid na lang ang turingan naming lahat. Kahit araw-araw pang maghubad sila ng T-shirt sa harap namin o makitaan ng mga boys ang mga kulay ng panty namin, sa sobrang close namin, halos wala na kaming nararamdamang libog sa isa’t-isa. Kaya nakapagtataka at nakakapanlumanay kung merong isa o dalawang makikipagplastikan sayo dahil sa matalino ka.

 

Dahil alam ko namang hindi niya ito mababasa, hayaan niyo na lang akong maglabas ng aking sama ng loob dito.

 

Tama ba naman na dahil sa lagi akong pumapasa ng exam ay hindi na siya magshashare sayo ng mga reading materials? Tama ba namang hindi na ako tinetext kung meron siyang librong iphophotocopy para sa susunod na exam? Tama ba naman na kahit na kusa kong pinapahiram sa kanila para ipaphotocopy ang mga books ko na pinabili ko pa sa aking mabutihing sister na nagtiyagang magkalkal sa mga inaalikabok na libro sa Recto, eh, nagkakanya-kanya naman ang ilan sa mga kaklase ko ngayon?

 

Where’s the justice in that?

 

Parang kasalanan ko pa ngayon na mas nag-aaral ako sa kanya.

 

Samahan pa natin ang kauna-unahang pagtanggap ko ng failing grade sa buong buhay ko sa medical school noong isang linggo sa aming mock-board exam sa Internal Medicine. At the end of each topic kasi, may pagsusulit na binibigay. Karaniwan 5-8 people lang ang pumapasa nito. Maliban sa Internal Medicine, 5 topics na ang natapos namin. Pasado ako sa lahat ng yun, ako ang nakakuha ng pinakamataas na grado sa 2 out of the 5 topics. So you can’t blame me if medyo nagdradrama ako ngayon at nasa-Emo mode dahil sa aking hindi pagpasa sa aming huling exam. Sa aking sobrang page-Emo, hindi ko tuloy malaman kung saan napunta ang aking English-spokening neurons kaya nagta-Tagalog na lang ako ngayon. Deadma na lang sa sangkatutak na mga red curly lines na hudyat ng Microsoft Word na masyado na akong maraming wrong spelling. Hindi ko talaga matanggap ang mga pangyayari na 42% lang ang nakuha ko, o 21 correct out of 50.  

 

Oo, sabihin mo mang ang OA ko kasi di pa naman yun totoong boards. Pero masakit pa rin yun para sa akin. Henyo ako, okey? Henyo ako! Hindi bumabagsak ang mga henyo!

 

Hehe. Joke lang. Average lang ang IQ ko, no?

 

Actually, tanggap ko na kasalanan ko naman talaga ang lahat. Masyado akong nagpabaya at imbes na magbasa ng photocopies ng mga medical books na inaanay na (Promise talaga. Kilala na ako sa class na nagdadala ng mga librong ginawa ng breakfast, lunch at dinner ng mga anay ang mga pahina), ako ay nagblog, gumimik, nagblog, lumandi, nanood ng TV, nagblog, kumerengkeng, nagblog, nanood ng maraming DVDs at nagblog. Kaya mukhang kailangan ko na talagang maghiatus at magfocus sa aking chosen career, kung gusto kong yumaman at magkapera para sa tuluyan kong pagpapasexy through Belo Medical Services balang araw.

 

Pero hindi ako magbloblog-leave. Heller! Ngayon ko nga lang binuksan tong bagong blog na ito dahil busy ako dun sa isa the past few days, tapos titigilan ko na? Kailangan ko lang tumigil, oo, pero malamang hindi ko rin gagawin. Kailan ba naman ako gumawa ng bagay na talagang dapat? Eh, ang tigas-tigas nga ng ulo ko.

 

Hanggang may Internet shop pa na nagpaparenta ng computer ng P10/hour, tuloy lang ang ligaya ni [Mistress]!!!