Ang Doktorang May Memory Gap

Mga ilang buwan na rin ang nakalipas mula noong nagduduty pa ako sa ospital.   Namimiss ko na ito. Kahit na madalas ay halos kumakapa-kapa lang yata ako at nagdudunong-dunungan, iba pa rin talaga kapag tinuturing kang duktor at tila nabibigyang halaga ang apat na taong ginugod ko sa pag-aaral ng medisina. Kada beses na sinusuot ko ang aking puting blazer, feeling ko para akong isang superhero na nagsuot ng costume na may tatak na SD as in Super Doctora, ang Alagad ng Kalusugan, tagatuli ng mga supot, tagapanganak ng mga buntis, tagapaggamot ng mga nagtatae, tagapagtanggol ng mga sinisipon laban sa kampon ng mikrobyo.

 

Namimiss ko ang mga makukulit na pasyente na kahit lasing, duguan ang mga mukha at sumasabit na lamang ang natitira nilang dadalawang ngipin sa kanilang ngalangala at kasalukuyan kong hinahanda ang silk 3.0 na ipantatahi ko sa mukha nila para magic-in ang kanilang pagiging mukhang tao uli ay nakakaya pa nilang lumandi at tanungin kung pwede ba nila akong maging textmate. Namimiss ko ang mga Samal na nanay na linggo-linggo ay nagdadala ng mga anak nilang nagtatae, habang karga-karga ang kanilang bunsong anak at sunud-sunuran pa sa laylayan ng kanilang palda ang isang dosena nilang mga anak na lahat mukhang uhugin at ilang araw ng hindi naliligo, na sa dami ng mga anak nila, kung tatanungin mo kung kailan pinanganak ang mga ito o pang-ilan ito sa magkakapatid ay hindi ka nila masagot dahil hindi nila matandaan. Namimiss ko ang mainit-init pang Cheesebread na laging shineshare sa akin ng mga nars sa ER (O ayan, anakngpiso, sabi ko sayo, lab ako ng mga nars sa amin. Hehehe. Hindi naman ako defensive, no?) sa tuwing gabing nagduduty ako. Namimiss ko ang masabihan ng mga nanay na “Doktora, may boyfriend ka na? May anak akong binata. Bagay na bagay kayo,” na para bang halos lahat na lang yata ng mga inang may binatang anak ay nangangarap na magkaroon ng manugang na duktora. Namimiss ko ang mapagsabihan ng “Salamat talaga, duktora” at ang makasalamuha sa mga tao bilang isang ginagalang na manggamot, na sa pamamagitan lamang ng pagsuot ko ng aking puting blazer ay tila napapatransform ako mula sa isang ordinaryong babaeng masyado pa raw mukhang bata para maging duktor, sa isang kagalang-galang na duktora na magbibigay lunas sa mga sinasambit ng kanilang katawan.       

 

Dinaanan ko na yata ang lahat ng mga kadramahan ng pagiging isang duktor, mula sa mga mala-Emo na “Bakit pa ba ako nagduktor? Sana nag-abroad na lang ako. Mas madali pa yata matutong magsalita ng Arabo kaysa magduktor” ek-ek, sa mga PU moments na kinakausap ko ang aking konsensya at sinasabi kong “Shyet. Hindi ko alam ang gagawin ko. Bahala na. Trial and error na lang ito. Wag na lang magpahalata. Dapat confi para hindi obvious sa pasyente na nagkukunwari lang akong may alam,” sa mga pagpapacute ko at pajoke-joke-joke tuwing endorsements para sakaling makalusot at hindi mahalatang hindi ko naman talaga alam ang sagot sa tinatanong sakin ng residente ko. Nadaanan ko na rin ang mga pagdurusa at ang mga paghihinagpis, ang masigaw-sigawan ng watcher ng pasyente habang nakamasid ang buong ER dahil pinaantay ko raw sila ng matagal (na hindi ko naman talaga kasalanan kung hindi kasalanan ng residente ko), ang sukdulang ipahiya ako ng aking residente sa harap ng aking mga co-intern na bilib na bilib pa naman sana sa akin sa dahilang pinagtataka ko pa rin hanggang ngayon, ang hindi makatingin ng maayos sa watcher ng pasyente dahil hindi ko makayanang sabihing wala pang gamut na naimbento sa buong mundo na makapagpagaling sa kamag-anak nila, ang matulog ng nakatayo, nakaupo, nakadekwatro, nakabaliktad, nakasirko-sirko, o kahit ano pang posibleng posisyon basta lang makaidlip sandali, ang mawalan ng social layp, lablayp, family layp, at pati na rin sexlayp, este, text layp.    

 

Sa dami-dami na ng dinaanan ko sa aking kagustuhang maging karapat-dapat sa MD na nasa dulo ng pangalan ko, iisa lang ang hanggang ngayon ay hindi nagbabago.

 

Hanggang ngayon, feeling ko, wala pa rin akong alam.

 

Normal daw iyon, sabi ng mga ibang duktor. Wala naman talagang duktor na alam ang lahat. Kaya nga ginawa ang sistema ng pagrereferral sa mga karapat-dapat na fields of specialization dahil ang kakayahan at talino ng tao ay may hangganan. May limitasyon. Hindi lahat ng kaalaman sa mundo ng medisina ay kayang higupin ng utak ng isang karaniwang tao.  Kung may kakilala kayong duktor na nagsasabing marami silang alam, hay naku. Wag kayong magpagamot sa kanila. Hindi lang siya mayabang, nagdudunong-dunungan pa siya. Marami ring duktor ang ganyan. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako mahilig makipaglandian sa kapwa ko duktor, mga know-it-all kasi ang karamihan (hindi lahat, ha? Pero karamihan lang naman) sa mga lalakeng duktor. Kung si Socrates nga na isang tanyag na pilosopo ay nakilala dahil sa kanyang pag-aaming wala talaga siyang alam, matuto rin dapat ang isang duktor na umamin na hindi niya alam ang lahat.   

 

Kaya umaamin ako, wala akong masyadong alam. Kung may alam man ako, madalas nakakalimutan ko rin ito.

 

Bakit ba nakakalimutan ko lagi ang dosage ng Trimethoprim-Sulfamethoxazole? Ano nga ba ang makikita sa X-ray pag Osteosarcoma at sa Osteoid Osteoma? Anong mga gamut ang binibigay kapag nagchechemotherapy sa isang may Wilm’s Tumor? Ano nga bang enzyme ang wala ang mga batang may Tay-Sach’s Disease? Ilang taon na nga ba ang isang karaniwang sanggol na Filipino upang maging marunong na siyang magdrowing ng kros? 

 

Yan ay ilan lamang sa aking mga binabasa at pinag-aaralan ngayong nagrereview ako para sa Board Exams. Iilan lang yan sa mga kababasa ko lang at memoryado ko pa noong isang linggo na ngayon ay hindi ko na naman matandaan.

 

Syetness. Memory gap.

 

Sabi ko na nga ba. Ito na nga yata ang epekto ng aking pagiging isang double-coil cord baby noong pinanganak ako. 

Ang Palm Reading ni Manong Fortune Teller

 

1998 noon. Pagkatapos naming mag quick lunch sa foodcourt kung saan umorder ako ng walang kamatayang Budget Meal No. 2 (2 putol ng pork chop, kanin at maliit na baso ng Iced tea), handa na kami ng mga kaklase ko para bumalik ng eskuwelahan para sa aming post-prandial na pag-aabang at pagpapansin sa nagguguwapuhang mga kalalakihan ng Intarmed na dumaan sa hallways ng AS building. Habang naglalakad kami sa may Padre Faura, dinaanan naming ang isang mamang nakaupo sa tabi ng isang malaking kahon na kanyang ginagamit bilang mesa.

Ang sabi sa sign na katabi niya ay “FORTUNE TELLER: Will read palm for P50.”

Actually, sa pagkakatanda ko ay may wrong grammar yun doon sa sign niya pero 10 taon na ang nakalipas ng nangyari itong insidenteng ito kaya nagka-memory gap na ang isipan ko tungkol sa exact words na ginamit ni Manong Fortune Teller. Pero para sa kinabubuti nitong kuwento, gamitin na lang natin ang sarili kong mga salita. Walang pakialaman. Paki mo. Blog ko to. Pak yu.

Si Kikay ang unang naexcite sa aming magkaklase. “Uy, pahula tayo!”

Pumayag ang lahat at naexcite din. Naexcite ang lahat, maliban sa akin. Habang kinakalkula ko sa aking isipan kung magkano na lang ang naiiwan sa aking allowance – One peso plus one peso = two pesos, one hundred pesos minus fifty pesos = fifty pesos, fifty pesos minus fifty pesos = maglalakad ako mula Taft hanggang Quezon City – at inaalala ko kung napadala na ba ni Mader ang ang aking allowance para sa susunod na buwan sa aking ATM, kinulit naman ako ng kinulit nang aking mga kaklase. Alam kong hindi ako puwedeng mag-aksaya pa ng pera. Tapos, kuripot rin ako kaya ayoko na lang sanang magpahula. Wala rin namang kasing kahihinatnan. Makakain ko ba yung hula na yan? Maiuuwi ba ako ng hula ni Manong papuntang QC? Of course not!

Habang isa-isa nang nagpahula ang mga kaklase ko at natuwa sila sa halos pare-parehas lang na sinabing hula sa kanila ni Manong Fortune Teller, mas lalo naman nila akong kinulit na magpahula din. Para tumigil na lang sila at hindi na ako mabansagang killjoy, pinagbigyan ko na lang sila.

Peer pressure sucks.

Ibigay mo yung dalawang kamay mo, iha.”

Ito ang iyong guhit ng swerte. Magiging maswerte ka, iha, sa iyong magiging trabaho at sa pag-ibig.”

 

Hmmm… Inisip ko, ganyan din ang sinabi mo sa mga kaklase ko, Manong Fortune Teller.

Kung ungkol sa iyong pag-aaral, titigil ka sa pag-aaral ng ilang buwan. May isang importanteng bagay ang mangyayari kaya hindi ka makaka-graduate sa tamang oras.

Sana lang hindi ibig sabihin niyan ay mabubuntis ako ng wala sa oras.

Kung tungkol sa iyong magiging propesyon, hindi ka makakapagdesisyon sa una at maglilipat-lipat ka ng trabaho. Pero sa banding huli, ikaw ay magiging matagumpay at mayamang-mayaman. Magiging tanyag ka sa iyong propesyon kapag nasa bandang mid-30’s ka na.

“Wow,” sambid ng mga kaklase kong excited. Ang isip ko naman, Shiyet! Ang tanda ko na non. 

Kung tungkol sa iyong kalusugan, kailangan mong ingatan ang iyong baga at ang iyong mga paa. Ito ang mga tiyak na magdudulot ng kahinaan sa iyong pangangatawan.

Tumawa si Lee Lee. “Manong, kamusta ang lovelife niya?

Sinasabi dito na marami kang mapapaiyak. Maraming beses ka ring iiyak.Magkakaroon ka ng anim na boyfriend. Ang isa doon ay kamag-anak mo.

Ewww….

Magkakaroon ka ng maraming fling-fling. Pero ang talagang mapapakasalan mo ay hindi taga dito. Kinakailangan niya pang tumawid ng dalampasigan galing sa ibang bansa para magkakilala kayo. Galing siya sa isa sa mga bansa sa Asya, at may dugong Oriental.

Oohhh… Foreigner… “Ay, Intsik ba?” Napaismid ako. Hindi ako naguguwapuhan sa mga Intsik.

Hinde. Di siya Intsik, pero may dugong Oriental. Tipong Koreano, Malayo, Thai…

Kailan ako magpapakasal sa kanya?

Mga mid-30’s. Pag mga 36 years old ka na. Ito rin yung panahong nasa pinaka-peak ka ng tagumpay sa iyong propesyon. ”

What the F— Thirty-six na ako bago ako magpapakasal? Goodness gracious, mukhang ako na yata ang magiging The Last Woman Standing sa aming magbabarkada! Sa ganyang edad, baka kahit si Mader na ayaw muna akong magkaboyfriend at pag-asawahin hanggang ngayon ay mas mararapatin nang ibugaw ako at ibribe ang mga anak na lalake ng kanyang mga officemates na pakasalan ako.

Hayyy, mga iho. Matalino yang anak ko. Maganda. Malaki ang hinaharap. Maalaga. Di nga lang marunong magluto at tamad sa mga gawaing-bahay pero sobrang talino niyan. At virgin pa yan. Virgin ang uterus dahil hindi pa di pa nabuntis. Ano, i-set ko na ang date niyo? Kahit mukha ka namang taeng tinubuan ng dalawang kamay at paa, okay lang, mayaman ka naman at may trabaho. Maganda naman ang anak ko. Ipag-novena na lang natin na mas malakas ang genes ng pamilya namin kaysa sa pamilya niyo para sa kagandahan at kagwapuhan ng magiging anak niyo. Ano? Okay na ba sayo ang June wedding? Mader, 8 years mula ngayon

 

Sampung taon pagkatapos ng insidenteng yon, isa-isa nating ibalik-tanaw ang mga hula ni Manong Fortune Teller at tingnan kung tama ba ang mga naging hula niya.

Una, hindi ako tumigil sa pag-aaral. Oo, bumagsak nga ako ng Chemistry 101 (General Chemistry), dahil sa aking poor grasp of the basics of chemistry dahilan ng aking walang kwentang background sa highschool. Ang totoo niyan, sinayang ko ang aking oras sa aming Chemistry classes noong highschool sa paggawa ng recycled paper na gawa sa mga damo at lumang newspapers kaysa sa pag-aaral tungkol sa mga ketones at aldehydes. Ang aking pagbagsak sa Chemistry 101 na isang prerequisite course ay nagresulta sa aking pag-reretake at pagiging delayed by one semester. Sa kamalasang palad naman, bumagsak ang halos 75% ng aking original classmates pagdating ng major subjects nila sa third year college habang ipinasa ko ang mga ito ng walang kahirap-hirap kaya nagkitakits pa rin kami sa huli at sabay-sabay pa rin kaming gumradweyt. Yipee!

Pangalawa, careerwise, hindi pa ako masasabing nagtagumpay na. Unless nagpapasweldo na ang mga ospital ngayon sa mga duktor na hindi pa lisensyado, therefore, strictly speaking, wala pa akong career. At this point, kung pumasa ako next year, magpayaman sa pagmomoonlight sa iba’t-ibang hospital ng dalawang taon at magpaalila sa residency training ng 4 years at subspecialty ng 2 years, mukhang tama si Manong Fortune Teller dahil sa edad na 36 years old ay maaring saka pa lang ako maging isa nang ganap na Neurosurgeon. Or Trauma Specialist. Or Pediatric Neurologist. Or Gyne-Oncologist. Ewan ko. Sa totoo lang, hindi pa ako nakapagdecide kung ano talaga ang gusto ko. Mahabang usapan yan. Next blog na lang natin pag-usapan.

 

Three, healthwise, nagyoyosi ako ng 3-4 sticks a day. Oo alam ko, doctor ako, alam kong hindi dapat kasi masama para sa kalusugan, blah blah blah. Pero masarap talaga ang bawal. Tsaka mahina talaga ang aking EQ kaya tanggap kong may katangahan talaga ang aking pagyoyosi.

Alam niyo bang sa dami-dami ng disadvantages ng smoking ay may advantage din siya sa mga taong may Ulcerative Colitis? Kung ano ang Ulcerative Colitis ay i-search niyo na lang sa Internet. Wala ako sa mood maglecture. Tama na ang may natutunan kayo mula sa akin na may advantage din pala ang smoking. Period.

 

So going back dun sa hula ni Manong Fortune Teller, mukhang ang ikamamatay ko sa future ay Lung Cancer, o di kaya’y makakaranas ako ng Buerger’s Disease, Chronic Obstructive Pulmonary Disease, Hypertrophic Osteoarthropathy or Deep Venous Thrombosis. Nice one, Manong. At least ngayon alam ko na kung aling statistic ako mapupunta sa Top 10 Causes of Mortality in the Philippines pag mamamatay na ako.

Four, lovelife. Kahit na umaapaw ang hotness at kagwapuhan ng ilan sa aking mga pinsang lalake (siyempre, kung itratrace mo ang aming family tree ay galing lang kami sa iisang gene pool), hindi ko naman pinangarap na makasuhan ng incest o magkaanak ng mga supling na abnormal. Ewww to the nth level. Oo, nagkaroon nga ako ng ilang flings pero so far, lampas na sa anim ang naging boyfriend ko. Mas konti pa kung bibilangin lang ang yung mga nakaexchange ko ng bodily fluids. At mas konti pa kung ang bibilangin lang ay yung napakanta ako ng truly madly deeply. Hindi ko rin pinapangarap na maging mongha at magsuot ng chastity belt hanggang sa umabot ako ng 36 kaya, more or less, pwede pang dumami ang bilang na yan. As for meeting the love of my life, wala pa akong nakikilalang Oriental foreigner na may potensyal para maging Mr. Right ko. Hindi rin ako particularly attracted sa mga Oriental guys, resulta ng pagpapaturn-off ko sa general Oriental-looking male population dahil sa kasalanan ng isang geeky Chinese klasmeyt ko noong highschool na kamukha ni William Hung na nagsusuot ng mga pantalong ala-Michael Jackson at kumakain ng boogers (Hindi burgers, okay? BOOGERS po ang tinutukoy ko) for lunch.

Hindi naman sa sinasabi kong lahat ng mga Oriental-looking males ay tulad ng kaklase ko. Hot naman si Diether Ocampo at ang ilan sa mga kalalakihang Oriental-looking diyan. I’m just saying hindi lang talaga ako physically attracted sa kanila kumpara sa ibang mga babae.

So, Manong Fortune Teller, so far, may tsansa ka pang maging tama. Tingnan lang natin kung ano ba talaga ang ilalaan ng destiny sa akin in the near future.

Isang soulmate ba na mayamang Intsik?

 

Sangkatutak na salapi?

Katanyagan?

O Lung Cancer?