Paano Hindi Mahuling Nanloloko

dontcheatonyourgirlfriend

“Everybody cheats.” — Dr. Gregory House

 

Masyado kasing seryoso (?) ang aking mga itinala noong nakalipas na mga araw, kung kaya’t kwentong lablayp naman tayo.

 

Hindi lablayp ko dahil mas magulo pa yung kwentong yun (liban sa walang kakwenta-kwenta) kaysa sa estado ng pulitika sa Mindanao, kung hindi ang lablayp ng ibang tao. Ganyan kasi ang mga taong ganap na chismosa tulad ko. Mga lablayp ng ibang tao ang gustong pakialaman.   

 

Nabasa ko kasi yung ipinost ni Taps kanina tungkol sa mga requirements ng isang malusog na paglalabing-labing. Naalala ko rin yung ipinost ni Joshmarie ukol sa lab istori nila Karyll, Dingdong at Marian. Kahit na hindi naman talaga ako miyembro ng fans’ club ng kahit ni isa sa kanilang tatlo (hindi dahil sa kapamilya ako pero dahil sa hindi ko lang talaga nakahiligan na ang showbiz simula ng nawala na ang That’s Entertainment at Ang TV), naisip ko tuloy ang konsepto ng panloloko o ang pag-tututaym. Cheating, ika nga, sa salitang Ingles.

 

Marami sa mga kakilala kong duktor ang guilty sa panloloko. Mga confy kasi ang karaniwan sa aming mga duktor, akala mo kung sinong henyo na kamukha ni Jericho Rosales. Syetness. Hindi naman. Mukhang fungi naman pala. Hindi rin ako ipokrita at magmamalinis na hindi ko rin ito nagawa dati. Oo, tama ang narinig niyo. Guilty ako sa panloloko dati. Oo nga’t feeling mo, isa ka talagang dyosang ubod ng ganda na pinagnanasaan (kahit na hindi naman) at kinaiinggitan ng marami pero sasabihin ko sayo, kalokohan talaga ang gawing yon. Bali-baligtarin mo man ang mundo, alam mong mali talaga ang ginagawa mo at sa bandang huli, para ka lang maiinis sa sarili mo dahil tinuringan kang matalino pero nagpakatanga ka para lang sa wala.  

 

Okey. Tama na ang drama. Tapos na yun.

 

Mabalik tayo sa mga kaibigan kong manloloko. Ewan ko ba kung bakit sa dinami-dami ng mga babae sa klase namin, ako mismo ang nakakaalam kung sino sa mga kalalakihan namin ang guilty sa panloloko ng kanilang mga gelpren. Hindi naman siguro dahil sa ganap akong chismosa (ngayon naman, dineny ko. Anuba, ang gulo ko, no?) pero karamihan ay basta na lamang ikinukuwento sa akin ng mga kaibigan ko sa labas ng bilibid, este, medskul, yung tipong “Angel, kilala mo si Doc _____ ? Kabatch mo ata yun. Di ba gelpren nya yung kaklase mo? May nagsabi sa akin na may nililigawan daw siyang nars sa OR.” May ilan namang manloloko na feeling gwapo (kahit na tadtad naman ng icepick ang pagmumukha) at ang kapal ng mukha na kusa pang magkukuwento sa akin tungkol sa kanilang Number 2 at hihingi pa yan sa akin ng payo, dahil alam nilang kumpara sa ibang mga babae sa aming klase ay ako lang ang hindi huhusga at magsusumbong sa gelpren nila. May sarili kasi akong prinsipyo ukol sa kung bakit hindi ako nagsusumbong. Bahala na. Buhay niyo yan, ika nga. Ayokong makialam sa kanila dahil ayoko ring pakialaman nila ang lablayp ko. Hindi ako yung tipong nagsusumbong at kusang magbibigay ng impormasyon sa mga kaibigan ko na niloloko lang siya ng boypren/gelpren niya pero kung tatanungin niya ako kung meron akong alam, narinig o nabalitaan, hindi rin ako magsisinungaling sa kanya.

 

Ayoko talaga ng nanloloko. Inuulit ko, AYOKO.

 

Pero, kung gago ka talaga at gusto mo talagang makaranas na manloko, sabay gamit ang excuse na “Parehas naman kaming nag-eenjoy. It’s not as if pakakasalan ko na siya o iiwan ko ang girlfriend/asawa ko dahil sa kanya. Bata pa ako, karapatan ko ang makakilala ng iba pang babae habang pwede pa,” puwes, bahala ka sa buhay mo. Kahit sabihin ko pa sayo na matakot ka naman sa karma, sino ba naman talaga ako para pakinggan mo.

 

Kung kaya’t kung manloloko ka na rin man lang, kaibigan, ito lang ang masasabi ko.

 

SANA LANG HUWAG KANG MAGPAHULI.

 

On that note, eto ang ilan sa mga paraan upang hindi ka mahuli ng iyong Number 1. Hindi ito dahil sa kinukunsinti ko ang kagustuhan mong manloko. Ang sa akin lang, kung pagkatapos mong sundan ang mga tips na ito at isa ka talagang napakalaking tanga na lapitin ng malas dahil nahuli ka pa rin ng misis/girlfriend mo, siguro naman ay may karapatan na siyang putulin ang etits mo.

 

Enjoy!

 

1. I-organize ang iyong lablayp.

Mainam na gawain upang makaiwas sa gulo ay ang pag-aasign kung sino si Number 1, Number 2, so on and so forth. Siyempre, si Number 1 ang pinakaunahan sa iyong listahan ng mga top priorities sunod sa Diyos, kay Mommy (dahil alam ko namang Mama’s Boy ka. Huwag nang ideny!), pag-aaral/trabaho, pagkain, isports, iyong dinadala mo sa mga outing ng iyong pamilya, ang nagmamay-ari ng litrato na pinapaskil sa iyong wallet, ang kamang iyong pinakamadalas na tinutulugan, ang pinaka-No.1 sa speed dialing features ng iyong cellphone at pinagkakagastusan at taga-ubos ng karamihan sa iyong allowance/sweldo. 

2. Ispot the difference between Number 1 at Number 2.

Upang hindi ka magkamali, siguraduhing magkaiba si Number 2 kay Number 1. Kasama na dito ang itsura, interes at lalong-lalo na ang pangalan. Ayaw mo naman sigurong mahuling bumubulong-bulong ng “Mary” sa tenga ni “Neri”. At katangahan din ang magkaroon ng gelpren na magkamukha dahil doble din ang iyong boredom factor kasi nga nakakasawa. Ikaw daw ang magkaroon ng syotang parehas na kamukha ni Angel Locsin, ewan ko lang kung hindi ka magsawa.

Ah, hindi ba? Key, sori.

3. Iwasan ang paggamit ng cellphone.

Ang pinakamadaling paraan para mahuli ay sa paggamit ng cellphone. Hindi ako mahilig kumalikot ng cellphone ng mga naging boypren ko (sa dahilang, ayoko ring kalikutin nila ang cellphone ko, hindi dahil sa meron pa akong mga tinatagong kalandiang textmate pero dahil sa sensitibo ako pagdating sa aking privacy) pero hindi ko maitatanggi na paminsan, nanggagalaiti ako sa kagustuhang umusisa. Karamihan ng mga gelpren/asawa ay magsasabing karapatan nila ang sumilip sa cellphone ng kanilang boypren/asawa. Para sa mga babaeng nagsasabing hindi nila ito ginagawa, maniwala kayo sa akin, mag-CR lang ang boypren nila sandali, hala, ayun na si babae, nag-uunlock ng pincode ng cellphone ni lalake.

Maiiwasan ang mahulihan ng mga kahina-hinalang text messages sa pamamagitan ng pag-isplika kay Number 2 na hindi ka mahilig magtext, sabay sabing napakaimpersonal na gawain ito. Kung katulad ka rin ng halos 90% ng mga binata sa Pinas, malamang bahagi ng iyong strategy sa pambibiktima, este, panliligaw ay ang pagteteks at ang pagdaan sa pagiging isang textmate, pwes, siguraduhin lamang na ibubura mo ang iyong mga mensahe sa Inbox. Mahirap na ang mahulihan ng mga napakainit na text messages niyo ni Number 2. Huwag ring kalimutang i-activate ang automatic na pagbubura ng mga mensahe sa iyong Sent Messages folder.

4. Kalimutan ang Friendster.

Sabihin mo kay Number 2 na wala kang Friendster. Malamang kasi, kung patay na patay siya sa iyo ay isesearch ka niya at sisilip-silipin ang iyong profile ng paulit-ulit. Siyempre, kung si Number 1 ay may IQ na lampas sa 100, malamang, alam niya ang password mo at thanks to “Who Viewed Your Profile?” ay mapapansin niyang itong si Number 2 ay madalas sumilip sa profile mo. Si Number 1 ay maaring:

a) magtatanong sa iyo tungkol kay Number 2 (in which case, magpakamatay ka na dahil gyera na ang sunod nito dahil let’s face it, wala kang talento sa pagsisinungaling kaya ka nga nagbabasa nito)

b) makikipag-away kay Number 2 at pagkatapos ay sayo naman makikipag-away (in which case, mas mabuti na lang na bangkay ka na niyang aabutin).

Subalit kung adik ka talaga sa Friendster at hindi mo talaga ito pwedeng iwasan, mas mabuti pang kalikutin mo yung Settings at palitan mo ang iyong default name sa —CHICBOYZ— o di kaya’y B_O_Y_P_O_G_I para hindi ka talaga  mahanap ni Number 2 sa Friendster ng basta-basta.  

5. Gawing lalake ang pangalan ni Number 2 sa iyong cellphone.

Kung si Number 2 ay yung tipo ng babaeng mahilig tumawag sa cellphone mo, palitan ang kanyang pangalan sa pangalang lalake. Para kahit pa ba etong si “Pareng Mike” ay madalas tawag ng tawag sa iyo ng disoras ng gabi habang nasa kalagitnaan ka ng happy hour (nakaw kay Utakmunggo) kasama si Number 1, hindi siya magsususpetsa kahit na pumupunta ka pa ng CR para sumagot ng tawag at kakagat siya sa iyong over sa pagkalamyang excuse na iniinsomnia lang si “Pareng Mike” at kailangan lang ng makausap.

6. Huwag ilimita ang sarili.

Huwag nang magplanong diskartehan ang dalawang babaeng galing sa iisang organization, tulad ng mga sororities. Chismosa kasi ang karamihan sa aming mga babae (oo, sige na nga, kasama ako doon) kaya sa ibang sorority mo na lang dalhin yang kalibogan mo. Umiwas ding makipaglandian sa mga kaibigan ng iyong Number 1, lalong-lalo na sa mga bespren niya doon… Huwag mo namang patusan ang lahat ng malapit sayo na nakapalda. Siguro naman, ayaw mo ring mabansagan kang cheap.  Hindi ka naman siguro muubusan. Sa pagkakaalam ko, abot 40 million na ang populasyon ng mga babae sa Pilipnas.

7. The farther, the better.

Humanap ng Number 2 na nakatira ng malayo kay Number 1. Ganun din ang ukol sa eskuwelahan, trabaho at madalas na tambayan nila. Mas lumalaki kasi ang posibilidad na ikaw ay mahuli kapag binibisita mo si Number 2 na nakatira lang pala malapit kay Number 1. Katangahan na lang ang magkaroon ng dalawang gelpren na galing sa iisang baryo o kaya’y baranggay dahil malamang magkakakilala ang mga ito, at kung mamalasin ka pa, magkamag-anak pa pala.

8. Isa-isahin lang ang pagbisita

Gumugugol kaming mga babae ng oras sa pagmemeyk-up, pagpapabango at pagpapakyut bago kami makipagdeyt sa aming mga boylalu. Siyempre, sa kakikiskis ng mga kalalakihan ng kanilang pagmumukha at iba pang bahagi ng kanilang katawan na hindi ko na sasabihin dito, sa kanilang kagustuhang makipaglandian din sa amin, ay naiiwang ebidensya ang aming pabango, foundation at lipstick sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan. Kaya upang hindi magkaroon ng ebidensya, huwag makipagkita sa dalawa o tatlong babae sa isang araw. Ang mantsa ng lipstick sa iyong kuwelyo na  hindi naman sa kulay na karaniwang ginagamit niya ay hindi nakasisiyahang  paraan upang batiin ang iyong gelpren. At sa totoo lang, wala naman talagang magandang excuse na magagamit kung paano napunta yun doon, bulok na ang sabihing nakipagbeso-beso ka sa nanay mo. Oh, come on, huwag niyo naman kaming gawing tanga…

Isa pa, kung ikaw ay wala na sa iyong early 20’s, babagsak na rin ang iyong performance level pagdating ng ikatlo o ikaapat na round kung kaya’t huwag ka nang umasang tatayo pa si Junior pagkatapos ng ika-ilang round kahit nagmamahika na at nagtutumbling-tumbling si gelpren, dahil kaibigan, mapapahiya ka lamang.

9. Sabihin kay Number 2 ang totoo.

Kung kagustuhan mo talaga ang manloko, mas iwas-gulo ang umamin kay Number 2 na hindi siya ang nag-iisang babae sa buhay mo. Kung hindi ito nagbunga ng mag-asawang sampal galing sa kanya, pwes, solb ka na. Para sa akin, kung pinalaki siya ng tama, hindi niya tatanggapin ang iyong panloloko sa kanya ng kalmado at nakaupo lang. Kung hindi ka niya sinampal, malamang obsessed siya sa iyo (meaning, i-enjoy mo na lang ang mga masasayang araw habang masaya pa dahil ito ay susundan ng ilang buwan ng psychotic behavior kung saan ipinapakita niya ang kanyang tunay na kulay bilang isang istalker) o di kaya’y hindi ka ganun kahalaga sa kanya tulad ng iyong inaakala (in which case, masanay kang lumalasap ng sperm at tamod ng iba dahil malamang hindi lang ikaw ang nag-iisang lalake sa buhay niya).

10. Shadup!

Huwag nang dalhin si Number 2 sa beerday party ng iyong kaklase habang nagbabakasyon si Number 1 kasama ang kanyang mga magulang sa probinsya. Makuntento ka nang may Number 2 ka, huwag na itong ipagmalaki pa sa iyong mga kaibigan. Oo na, mas astig ka kapag marami kang chiks. Dahil sa lecheng male-dominated society natin, parang diyos ang tingin sayo ng ibang mga kalalakihan kung marami kang nagogoyong dilag. At isa pa, kampante kang magmalaki ng iyong Number 2 sa mga pagmumukha ng iyong mga kaibigang lalake dahil ang mga lalake, sagot ang kapwa nila lalake. They’ve got your back, ika nga. Kaso, taliwas sa pagkakaalam ng karamihan, mas chismoso ang mga lalake kaysa sa mga babae (O, wag nang magreact. Blog ko ‘to. Bumawi na lang kayo dun sa blog niyo). Kaya mag-ingat sa kung kaninong pagmumukha mo pinangangalandakan ang cleavage at mala-artistahing (pwede ring mala-anghel pero baka sabihin niyong napaka-bias ko) pagmumukha ng iyong Number 2. Baka hindi mo alam, siya pala ang lasing na magkukuwento sa kaibigan ng kaibigan ng kaibigan ng Number 1 mo.

 

Naniniwala akong walang absolute rule sa panloloko liban sa huwag magpahuli. Isa rin ako sa mga naniniwalang pagdating sa larangan ng pag-ibig, walang black and white. Laging mayroong grey areas. Hindi naman lahat ng panloloko ay masama. Subalit, tulad ng aking sinabi kanina, hindi ko kinokunsinti ang panloloko. AYOKO talaga ang nanloloko, lalo na kung ikaw ay nasa isang seryosong relasyon.

Subalit, kung wala ka naman sa isang seryosong relasyon at alam mo at ng iyong katipan na hindi seryoso ang inyong relasyon, by all means, manloko ka. 

Buhay mo yan. Paki ko sayo.

 

 

 

 

P.S. Inuuulit ko lang. Pagkatapos mong mabasa ito at mahuli pa namin kayo, magpaalam ka na sa etits mo.

 

 

P.P.S. May mga babae ring manloloko.

 

 

 

 

 

 

 

 

Inspirasyon galing sa College OTR.

Litrato mula sa Life Is A Joke.

Mr. X

Kasalukuyan akong nagbabacktrack sa aking personal blog sa Friendster nang nakita ko ang isa sa mga una kong naisulat, noong mga taong clerk pa ako sa ospital. Dahil English ko ito sinulat ng mga panahong iyon, minabuti ko na lamang itranslate ito sa Tagalog nang hindi naman siya masyadong out-of-place dito sa blog ko. Pagpasensyahan niyo na kung mayroong mga katagang hindi ko na alam kung paano maitranslate sa Tagalog. Sa totoo lang, Filipino kasi talaga ang lowest subject ko nung hayskul at kahit nag-aral nga ako sa unibersidad na pinagmomodelan ng lolo ni Fernando Poe, wala naman kaming kinuhang Filipino subject nung nasa kolehiyo na ako.

 

Pero bago ang lahat, ito muna ang Definition of Terms upang mas maintindihan niyo ang aking post:

 

Clerk – medical student na atchay ng intern

 

Intern – gradweyt na ng medical school, hindi pa pumapasa sa board exams at sya ring atchay ng residente

 

Residente – lisensyadong duktor na siya namang kasalukuyang nagtratraining sa kanyang field of specialization at pinapasweldo na ng hospital subalit atchay naman ng consultant

 

Consultant – ang pinakabosing na duktor sa isang departamento, na sa sobrang taas na ng ihi ay nakakayanan ng iwaldas ang karamihan ng kanyang oras sa paggogolf (para sa mga kalalakihan) o di kaya’y sa pagbebelly-dancing (para sa mga kababaihan)

 

Watcher – Kasamahan ng pasyenteng pumupunta sa ospital, maaaring  kapamilya, kamag-anak, kapitbahay, kaibigan, kalaguyo o kahit sinong kakilala na makapagsasabi ng kahit pangalan man lamang ng pasyente. Karaniwang nagiging tagabili ng gamut sa pharmacy, tagalakad ng lab requests ng pasyente sa kabilang building kung nasaan ang laboratory at tagalimos ng discount para sa pasyente sa MSS (Medical Social Services)

 

 

Mr. X

 

 

 

dying_candle_0Hindi ako kumportable kapag konsepto na ng kamatayan ang pag-uusapan.

 

Oo nga, noong isa pa akong neneng nagrerebelde nung kapanahunan pa ng aking mga growing up years, tulad ng isang ordinaryong tinedyer, napagtanto ko at namuni-muni ko rin ang magpakamatay at mamatay ng bata pa. Subalit datapwat ngunit, sino ba namang kinse anyos ang seryoso sa kagustuhang magpakamatay at hindi nagpapapansin lamang?

 

Hindi pa naman uso ang Emo nung mga panahong iyon.

 

Sa katunayan, takot talaga akong tumingin sa mga bangkay sa loob ng mga bukas na kabaong. Tuwing mga lamay, sinisigurado kong maglaan ng distanyang dalawang metro mula sa sarili ko at sa kabaong. Nakayanan ko ring magkunwaring matapang tuwing kinakaharap ko ang mga umaalingasaw sa formalin na cadaver sa Anatomy Lab, sa halip na kumaripas ng takbo palabas ng gusali.

 

Ngunit ito yata ay sadyang isang bagay na kinailangan ko talagang harapin.

 

Sa alas-kwatro ng umagang iyon, sa kauna-unahang pagkakataon, nakasaksi ako ng isang taong namatay mismo sa harap ko…

 

Noong clerk pa ako sa Surgery Department, isang di kilalang matandaang lalake na pinangalan naming Mr. X ang dinala sa ER. Wala siyang watcher na kasama at siya ay natagpuan lamang daw sa gitna ng kalye, isang hinihinalaang biktima ng hit and run. Habang unti-unting naglipana na ang mga student nurses na nakiusisero sa pasyenteng nasa stretcher (kasi nga, mukhang hindi naman pala nila ito magagamit para sa cases na kanilang inilalagay sa kanilang index cards), saka ko pa nakita ang kanyang kalahatan. Nakasplint ang parehas na binti, mula sa hip joint hanggang sa sakong, sangkatutak na mga sariwang sugat ang pumapalibot sa kanyang katawan, at habang may mga gurgling sounds na maririnig mula  sa kanyang lalamunan, patuloy na umaagos ang sariwang dugo mula sa kanyang bunganga. Dilated ang kanyang mga pupils, 20 palpable lang ang kanyang blood pressure at halos hindi na marinig ang tibok ng kanyang puso.

 

Hinigop namin ang dugo mula sa kanyang lalamunan gamit ang suction machine, pinilit na ipasok ang oxygen sa kanyang baga sa pamamagitan ng Ambu-bagging, nag-CPR, hanggang sa halos magkanda pagod at nginig na ang aming mga kalamnan. Subalit kahit anong gawin namin upang manatili lamang siyang buhay, pagkatapos ng kinse minutos, nalagutan din siya ng hininga at namatay. Ang mamang ito, who could have been someone’s lolo, tatay o asawa, ay namatay mag-isa nang wala man lang kamag-anak na kasakasama sa tabi niya hanggang sa kanyang huling paghinga. Ni wala man lang siyang pangalan na maisusulat man lamang namin sa kanyang death certificate. Malay natin, sa mga oras na iyon ay hinahanap na siya ng kanyang anak, asawa o apo na wala man lang kaalam-alam na patay na pala ang hinahanap nila. 

 

Wala na akong mas nakita pang kalunos-lunos na pangyayari liban diyan.

 

Si Mr. X ngayon ay naging isa na lamang malamig na bangkay sa ilalim ng puting kumot. Naisip kong ang lungkot siguro ng mamatay nang walang pangalan, walang kasamang pamilya, nang walang identity, nang walang kadigni-dignidad.  

 

Tinabihan ko na lamang ang bangkay niya, hinawakan ang kanyang malamig na kamay at nag-sign of the cross ako.

 

Mr. X, sana nalagay ka na rin sa tahimik.

 

Ipinaskil sa Emo mode . Mga kataga , , , . 15 Comments »

Para Kay [He-Who-Should-Not-Be-Named]

Hindi ata maganda ang araw na ito para sa akin.

 

Ala-1 ng hapon pa dapat ang review class namin. Dahil feeling masipag ako ngayon, naisipan kong pumunta ng eskuwelahan ng alas-10 ng umaga para doon na lang tumambay at magbasa-basa habang inaantay na mag-ala-1. Pagdating ko ng eskuwelahan, saka ko lang nalaman na katatapos lang daw pala ng aming klase na nagsimula kaninang 8 AM. Nagpapass the message daw kagabi ang class president via text.

 

Obviously, walang nagtext sa akin.

 

Nanlumo ako. Wala na ba talaga akong friends? Simula ng lumipat ako sa Smart mula sa Globe ay madalas na hindi na ako nakakatanggap ng mga importanteng text messages mula sa aking mga walangkwentang kaklase. Paano ba naman kasi, halos mga Globe Unlitext subscribers silang lahat. Hindi na ata nila makayanang magwaldas ng piso para itext man lang ako na pinalitan pala ang skedyul ng klase sa mas maaga.

 

Mga kuripot! Lamunin niyo yang mga piso ninyo! Sana mabilaukan kayong lahat! 

 

At syempre, tatanungin niyo, Bakit kasi hindi na lang din ako lumipat ng Globe? Kahit gustuhin ko man, dahil sa liit ng lungsod namin, wala pa raw program ang lahat ng cellphone repair shop dito sa amin na pwedeng magpa-open line sa aking Nokia 6969 [Real name withheld due to legal purposes]. Hindi ko rin pwedeng magamit ang aking lumang openline na cellphone dahil bumigay na talaga siya. Hindi na siya virgin. Kailangan na nya ng major colporrhapy at dahil poor ako, wala akong pambayad ng pang-ospital niya. Eniweyz, imbes na mag-fetal position at umiyak sa isang tabi sa sobrang tampo, napag-isipan ko na lamang magpalamig ng ulo sa aming state-of-the-art daw na library na kapanahunan pa yata ng pagduduktor ni Rizal sa Dapitan ang mga librong pangmedisina dito.

 

At dahil may libreng Internet doon, sinilip ko na rin ang aking blog at nagbloghop.

 

Haayyy…. Drama at Emo mode na mala-Pacquiao na ang susunod kaya at least, winarningan ko kayo.

 

Humihingi ako sayo ng paumanhin. Paulit-ulit ko talagang binasa ang aking kinomento sa iyong blog upang malinawan ang aking murang isip kung bakit na lamang ganun ang iyong reply sa akin. Siguro nga, may pagka-offensive para sayo. Inaamin ko rin naman na may pagkataklesa din talaga ako paminsan. Basta na lang ako type ng type. Spontaneous ako magcomment, hindi tulad ng aking mga posts sa aking blog na halatang pinag-isipan ko talaga (Hmmm… Halata nga ba? Pansinin niyo na lamang na Times New Roman Font12 ang mga post ko, pang Microsoft Word talaga). Kung naoffend ka man sa comment ko, sorry. Siguro nga medyo may pagkamapanlait ang dating. Kaya, sorry ulit at sa susunod, puros happy thoughts at pagpupuri na lamang ang maririnig mo sa akin. Hindi ko naman intensyon na galitin ka. Hindi naman ako naghahanap ng away. Isa lamang ako sa iyong mga tagahanga na napadpad sa iyong blog na trip lang mag-iwan ng komento sa pagkakataong iyon. Hindi ko lang talaga alam bakit kinailangan mo pa akong murahin. Marami naman sigurong ibang paraan upang ipadama mo sa akin na hindi mo nagustuhan ang aking comment. Pwede rin namang idinelete mo na lang sana. Hindi naman ako yung tipong nangungulit at sakim sa airtime kapag nakita kong hindi naipost ang aking komento. Kahit bago pa lang ako, hindi ako ganid para sa plugging ng aking blog. Nungka akong nagkomento sa blog ng iba ng “Care to exlink?” Kaya kong mabuhay mag-isa ipost mo man o hinde ang comment ko sa blog mo. Madali akong kausap. Kinailangan mo pa ba talaga akong murahin?

 

Babae ako. Kahit ganito ako umasta, kahit ganito ako magsalita, kahit paminsan, hindi ako karespe-respeto sa mga sinusulat ko sa aking blog, ang pagkakaalam ko, babae pa rin ako. Kailan pa ba naging kaaya-aya ang murahin ang isang babae?

 

As far as I know, I did not deserve that.

 

Hindi naman siguro ka-OA-an ang aking naging reaksyon. Huwag mo ring isiping  umaandar lang ang pagka-manang ko at hindi lang ako sanay na makarinig ng mura. Sanay ako, hindi nga lang kung ito’y patukoy sa akin. Huwag mo ring isiping epekto lang yan ng aking pagiging Catholic School subscriber halos buong buhay ko. Wala naman yatang koneksyon ang mga pagtuturo ng mga Hesuita sa mga pagmumura. Siguro nga ito ay dahil bago pa lamang talaga ako dito sa blogosphere at hindi pa ako sanay sa mga ganitong bagay. Palibhasa wala naman talaga akong pangalan sa mundo ng mga tanyag na blogista, kung kaya’t naisip mong hindi mo naman talaga kinailangang magpakita ng respeto sa akin. Napatanga tuloy ako. Sensitibo na kung sensitibo pero dinamdam ko talaga ang sinabi mo. Parang gusto ko tuloy bumalik na lamang sa sinapupunan ng nanay ko at iwaldas ang natitira kong buhay sa paglangoy-langoy na lamang sa amniotic fluid. Kaso hindi puwede dahil maliban sa hindi na ako kakasya sa kanyang vajayjay ay matagal ng tinanggalan ng uterus ang nanay ko. Kaya wala akong magawa kundi ang mag-Emo na lamang at ilunod ang aking pagmumukha sa pagkonsumo ng balde-balde ng comfort foods. Marahil kahawig ang aking karanasan sa kadalasang nangyayari sa ilan sa mga bloggers na tumitigil na sa pagsusulat. Dahil masyado nang bumababa ang kanilang self-esteem dala ng anik-anik na panggugulo at paninira sa kanila at sa kanilang mga blogs, naiisipan tuloy nila ang tumigil na o di kaya’y maghiatus.

 

So, dapat ko ba silang sundan? O dapat ba talaga akong masanay na lang na ganyan ka? O dapat ko na lang bang tigilan na ang pagcocomment pa sa blog mo at sa blog ng ibang tao? O dapat ko na bang ikandado sa loob ng baul na lang itong blog ko at wag nang buksan pa ito ulit?

 

Pasensya ka. Hindi mo pag-aari ang world wide web. 

 

Sa pagkakaalam ko, may karapatan din ako dito.

 

Kaya sige, humihingi ako sayo ng paumanhin. Pero murahin mo pa ako ulit at kahit maliit lang ako, makakatikim ka talaga sa akin.

 

Wala man akong dugong Muslim pero iba pa rin ang bagsik ng isang tubong Mindanao tulad ko pag magalit.  

Dapat Namatay Na Lamang si Mr.Big

 

 

Kasalukuyan akong nagpapalipad-oras sa pagchachannelsurfing nang napansin ko na palabas pala sa Velvet ang reruns ng Sex and The City. Dahil isa ito sa aking mga paboritong palabas sa telebisyon, napagpasyahan kong panoorin muna ito kahit na ilang beses ko na itong napanood. Kasalukuyang pinapalabas noon ang isang eksena na kinabibilangan ni Mr. Big at ang bida ng palabas na si Carrie Bradshaw, kung saan iiwan na naman ni Mr. Big si Carrie, sa ika-pang ilang beses ng pagkakataon.

 

Kung hindi niyo pa napapanood ang Sex and The City: The Movie, hayaan ninyong sabihin ko na sa inyo ang ending: Nagpakasal rin sa bandang huli si Carrie at si Mr. Big.

 

Praise the Lord, hallelujah. Sigurado akong marami ang natuwa dahil matagal ng pinag-aabangan ang pangyayaring iyon, ang kung magkakatuluyan din ba talaga sa huli ang dalawang magsing-irog.

 

Nasambit sa aking isipan ang magmuni-muni ukol sa mga nagdaang episodes ng Sex and The City, hanggang sa kinahanatnan ng huling kwento nito ayon sa ipinalabas sa pelikula. Habang pinag-iisipan ko kung kailangan ko bang magmix ng Cosmopolitan habang isinasagawa ang pagmumuning yon, isa lang talaga ang pumasok sa isip ko.

 

GAGO SI MR. BIG.

 

Isa siyang malaking gago na pinaglaruan ang puso at pagmamahal ni Carrie sa loob ng anim na taon. Ang kanilang relasyon ay isang walang kamatayang kalokohan na sana ay matagal na nilang tinapos at hindi na pinayagang paulit-ulit na mabuhay pa. Dahil dito, paulit-ulit rin nilang pinaglaruan ang kanilang mga damdamin, ilang beses rin silang nasaktan at hinayaang magkandaleche-leche ang buhay ng isa’t-isa. Pumatol si Mr. Big kay Carrie kahit ito ay may asawa na. Si Carrie naman ay nagpakatanga, pabalik-balik na tinanggap si Mr. Big sa buhay niya. Kahit sabihin nating sila ay talagang itinakda ng tadhana para sa isa’t-isa, hindi pa rin natin maisakakatuwa na malaking kagaguhan ang paglaro ni Mr. Big sa puso ni Carrie ng anim na taon. Para sa akin, hindi na sila dapat nagpakasal at nabigyan ng happy ending.

 

Dapat namatay na lang si Mr. Big.

 

Hindi tama ang anim na taon mong paglalaruan ang puso ng isang babae. Kahit pa ba sabihin nating si Carrie ay hindi nagpakita ng katiting na lungkot at depresyon sa kada beses na umalis si Mr. Big sa buhay niya dahil nalusaw na sa alcohol at sa kaiinom ng Cosmopolitan ang utak ni Carrie kaya tanggap niya ng maluwag na mas masaya siya sa buhay single, alam naman nating lahat na commitment pa rin ang pinakahahangad ni Carrie at hindi kayang ibigay ni Mr. Big sa kanya sa loob ng anim na taon.     

 

Ewan ko ba kung bakit kinailangan pa nilang magmamaang-maangan na mahal talaga nila ang isa’t-isa. Walang gustong magparaya at maunang umamin na mahalaga ang isa sa buhay niya. Walang gustong gumawa ng pangunang hakbang upang sabihin sa isa na handa siyang magmahal ng taos-puso. Kaya sa loob ng anim na taon ay nahayaan nilang maging parang laro ng pingpong ang buhay nila, walang katapusang itinatanggap at ibinabalik, sinasalo at muling tinatapon.

 

Oo, madalas nating nakikitang ngumingiti lang si Carrie kada beses na umalis si Mr. Big. Oo, marami ring dumating na ibang lalake sa buhay ni Carrie nung wala si Mr. Big. Oo, tanga rin si Carrie dahil paulit-ulit siyang sumasakay na itim na limousine ni Mr. Big at  binubukas ang pintuan ng puso niya kada beses na nagpapacute na naman sa kanya si Mr. Big. Pero kung tutuusin, kung mahal mo ang isang tao, hindi mo naman talaga kasalanan na tanggapin siya kahit paulit-ulit ka na niyang sinaktan. Kung talagang mahal mo siya,  mahirap talaga ang pigilin ang iyong sarili na mahalin mo pa rin siya.

 

Para sa akin, ang tunay na gago ay kung sino ang paulit-ulit na umaalis at hindi ang paulit-ulit na tumatanggap.

 

Ang sarap sigurong tirisin si Mr. Big na parang kuto.

 

Oo, madrama ako ngayon. Malamang ito ay dahil napagdesisyonan ko nang tigilan ang isang relasyon sa buhay ko na walang katuturan. Mamamaalam na ako sa kanya. Ayokong maging katulad siya ni Mr. Big sa buhay ko. At mas lalong ayoko ring maging katulad ako ni Carrie sa buhay niya.

 

Ang problema ko na lang ngayon ay kung paano ko papalitan ang pangalan ko sa e-mail address at website. Ayoko nang maging si thefilipinamistress. Gusto ko nang maging si angelnawalangpakpak. Sa totoo lang, naging resulta ng aking pagkalulon sa pag-ibig sa lalakeng alam ko namang hindi kailanman maaring maging akin ang pagsusulat sa mga blog na ito. Dati akong isang matatawag na open book, palakwento, madaldal at masayahin. Pero magsimula nang magumon ako sa aking mga kalokohan sa mga walang kwentang lalakeng hinayaan ko lang na paglaruan ang puso ko, parang nag-iba na ako. Madalas na akong balisa at madaling daluyan ng lungkot. Ang dating masiglahin at kwelang si Angel aka [Mistress] ay naging isang closed-book, dahilan ng pagtatago ng masyadong maraming sikreto sa kanyang buhay. Ang resulta ng aking pagkalulon sa mga bawal na pag-ibig ay ang ang unti-unting paglaho ng aking tunay na pagkatao.

 

Ipagpapaliban ko na lamang ang buhay ko sa ngayon sa Diyos at susundin ko na lang muna ang paulit-ulit na binibilin ni Mader: BAWAL MUNA ANG MAGKA-BOYPREN.

 

Kailangan ko na munang makita ang sarili ko.

 

Kailangan ko na munang balikan ang tunay na ako.

 

Kailangan ko na munang angkinin ang tunay kong pagkatao.

 

Paalam Philip. Mas mahal ko ang sarili ko kaysa sa iyo…