“Mamahalin Mo Pa Rin Kaya Ako Kahit Mataba Na Ako?” — Sam Milby (Big Love)

Belated Merry Christmas everybody!

Una sa lahat, may dalawang comments sa Kuwentong Kubeta na sa aking katangahan ay sa halip na iapprove ko ay accidentally ko pang nadelete. Sakali mang mapabisita ka ulit dito sa aking pamamahay at mapansin mong hindi ko naipost ang comment mo, sori talaga. Pasensya na. Paminsan talaga, hindi matatakpan ng aking kagandahan at alindog ng katawan (Wahaha! Pagbigyan niyo na ako. Christmas gift niyo na sa akin ang pagbigyan ako sa mga ilusyon ko!) ang aking pagiging tanga. Baka sabihin mo, suplada ako. Hinde ah. Tanga lang talaga. Pakisulat na lamang ulit ang iyong comment. Yan ay kung hindi ka lang naman tamarin.

So, kamusta naman ang mga pasko ninyo?

Masaya ako ngayong pasko dahil umuwi dito sa amin ang kapatid kong si Sis K. Sa Maynila kasi siya nagtratrabaho bilang isang social worker-slash-psychologist. At dahil Pebrero pa noong huli kaming nagkita, nagulantang na lamang ako sa laki niya ngayon. Tabain na si Sis K at kung sa pag-aakala naming papayat na rin siya sa wakas sa pagtratrabaho niya sa Maynila, eh, isa pala itong malaking pagkakamali dahil lalo lamang siyang tumaba ngayon. At ang masama pa nito, pagkakita niya sa akin ay ito ang una niyang sinabi sa akin:

“ANO NANG SIZE NG SHIRT MO NGAYON?”

Syetness. Obviously, kung ang mataba may nakikita nang kapintasan sa akin, isa lang ang ibig sabihin nito.

MATABA NA  RIN AKO.

Huhuhuhuhu…

May insecurity na nga ako dahil sa hindi ako rich kid at hindi ako naregaluhan nila Mader at Pader ng braces kung kaya’t lumaki akong sungki ang ngipin ko, pati ba naman sa katawan ko? Ano na lang ang magagamit kong pang-akit nito? Talino? Syet. Mas lalong wala ako non. Kayamanan? Pweh! Umalis ka na nga dito sa harapan ko! Kabaitan? Hay naku, mga babae lang ang naiinlab sa mga lalakeng pangit at mababait dahil bali-baligtarin man natin ang mundo, karamihan ng mga lalake ay superficial (O, wag nang magprotest. Mahahalata lang na guilty ka). Kahit kasya pa naman ang mga damit at pantalon ko, hindi ko maipagkakailang may kasikipan na rin ang mga ito sa akin. At kahit may mga namamansin pa rin naman sa aking boys, hindi ko ring maipagkakailang nabawasan na ang mga members ng Fan’s Club ko. Kung ano-anong tricks na yata ang natutunan ko upang takpan ang mga rolyo ng taba na namumuo sa aking waistline at sa kung saan-saang bahagi pa ng aking katawan. Andyan ang magsuot ng binders, mga empire-cut na blouse, jacket, blazers at iba pa, pero ang totoo, kung magpopost ako ng picture ko dito sa  na nakatwo piece ako, baka magsitakbuhan na kayong lahat at mawalan na ako ng readers dito sa blog ko.

Kaya huwag na kayong mag-alala, magkakamatayan muna tayo bago ko gagawin yun.

Paano naman kasi, kasabay ng pag-aaral ko para sa Board Exams ang kumain ng marami at uminom ng sandamakmak na kape. Siyempre, kailangan ng glucose ang ating mga brain cells dahil doon sila kumukuha ng enerhiya upang makapagfunction ng mabuti. Malamang yan rin ang dahilan kung bakit walang supermodel na rocket scientist, dahil kulang sa glucose ang kanilang mga brain cells. At may nabasa rin akong research dati na nagsasabing ang mga babae, upang makapag-aral ng mabuti, ay kinakailangang sabayin ang pagkain sa pag-aaral. Ang sabi pa nga sa akin ng kaibigan kong si HotNurse dati, mas mabuti nang tumaba ka at pumasa ka ng board exams kaysa sa pumayat ka at sumeksi pero bagsak ka naman.

Ewan ko na lang kung matutuwa pa si HotNurse kung makita niya ako ngayon. Mabuti na lang at nasa Dubai siya ngayon kung hinde ay malamang pagtataguan ko na siya.

Panahon na para mamaalam na ako sa mga panahong puwede pa akong magtago sa deskripsyong “chubby”. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko dahil magbabakasyon ako ng Maynila sa Marso at siguradong magugulantang ang mga kabarkada ko noon sa kolehiyo  pag nakita ako.

Kaya ayun, naisipan ko na lang magsimulang magjogging sa may oval araw-araw.

Hindi pala jogging. Madaya pa rin kasi ako. Brisk walking lang dahil kalahating round pa lang ng pagjojogging eh halos hikain na ako sa paghingal at kung hindi lang ako nahihiyang magpakita ng kahinaan sa mga jogging friends ko ay malamang napahiga na ako sa gitna ng racetrack sa sobrang pagod.

Noong isang araw, katatapos lamang ng klase at naglalakad na ako palabas ng eskuwelahan. Gawain ko na ang pumunta ng oval sa Grandstand araw-araw upang mag brisk walking/jogging ng isang oras pagkatapos ng klase. Habang naglalakad ako, timing namang  nakita ako ni Airsoft at pinara niya yung kanyang Ford sa tabi ko.

“Uy, Angel, hatid na kita.”

Nahiya naman ako. “Sige lang, Airsoft. Huwag na. Nakakahiya naman.”

“Ano ka ba? Halika na. On the way lang naman yung bahay niyo sa bahay namin.”

“Sige lang. Pupunta pa kasi ako ng GrandStand para magjogging.”

“Ganun ba? Sige, hatid na lang kita sa Grandstand.”

“Naku, baka ma-out of the way  ka na niyan.”

“Ano ka ba? Pwede naman akong dumaan ng Grand Stand tapos diretso pa rin yun papunta sa bahay namin.”

“Ay, huwag na, Airsoft. Nakakahiya naman.”

“Heh! Ano ka ba?”

“Huwag na. Thank you na lang.”

“O sige. Ikaw bahala.”

At humarurot na si Airsoft sakay ang kanyang gray na Ford, habang kinain ko na lamang ang abo ng kanyang pag-alis at pinagmasdan ang puwet ng kanyang magarang sasakyan.

Kung bakit pa kasi ako mahilig tumanggi ng grasya.

“Hoy, Airsoft, pakipot ko lang yun. Bumalik ka dito!”

Pero siyempre, hindi na niya ako narinig.

Katulad pa rin ng dati, pagdating kay Airsoft, nasa huli ang aking pagsisi.

P.S. Baka inaakala niyong nag-iinarte lang ako at hindi naman talaga ako mataba, o siya, magpopost ako ng picture ko. Pamasko ko na rin ito sa isang blogistang matagal ng nag-tag sa akin. Galing pa yan sa default pic ng Friendster ko. Kung sasabihin niyo pa ring nag-iinarte lang ako dahil hindi naman ako mukhang dambuhala dito, tol, nasa pagdadala lang yan (Insert EVIL LAUGH here). At syempre, blog ko to. Ang laki ko namang tanga kung magpopost ako ng litrato ko na ampangit-pangit ko. Hmph. Once in a lifetime lang mangyari to kaya, pwede ba? Pagbigyan niyo na lang ako. O siya, kunin niyo na ang inyong magnifying glass at eto na:

1_931323223l

Sa totoo lang, ampangit ko pala talaga. Hahaha… Ewan ko tuloy kung bakit ito ang naisip kong ipost. Bukod sa halata ang sungki ko eh nagmukha tuloy taghiyawat yang mga nunal nasa mukha ko. Oo, kung may nakilala kayong duktor sa ospital na inulan ng nunal sa mukha at sungki ang ngipin, ako na yun. Huwag niyo naman akong takbuhan at matakot na kayong magpakunsulta sa akin. Kailangan ko rin ng pangkain at pangload, okey?

At dahil abala ako sa pgtratrace ng pathway ng mevalonic acid na kinoconvert into 5-pyrophosphomevalonate which will be decarboxylated into isopentenyl pyrophosphate which will then be isomerized to 3,3-dimethylallyl pyrophosphate and then condensed to geranyl pyrophosphate, which will then be condensed to farnesyl pyrophosphate, which when combined with another molecule of farnesyl pyrophosphate will form squalene which will be converted to lanosterol which by shortening of the carbon chain from 30 to 27, removal of the two methyl groups at c-4, migration of the double bond from c-8 to c-5 and reduction of the double bond between C-24 and C-25 will finally result into cholesterol, at mukhang hindi na siguro ako magkakapanahon pang makabalik ulit dito sa blog ko bago magbagong taon, hayaan niyo na ring maaga akong babati sa inyong lahat ng:

HAPPY NEW YEAR!!!

P.P.S. Happy beerday nga pala sa ating blogistang friend na si Potpot na sa aking kamalasan ay nakadiskubre sa isa pa sa aking mga pinakatago-tagong blog. Hehehe. Sori po at hindi ako nakasama sa pakulo mo kahit nagpromise ako. Plug na lang kita dito sa blog ko, okey? At sana’y dumugin ka rin ng mga blogistang babati sayo. Happy beerday ulit! =)

P.P.P.S.  At baka magtampo sa akin ang kaguwapong si Brother Utoy na mas bata pala sa akin ng isang taon. Totoo ba yun? Hmmm… Pakita nga birth certificate, pwede? Happy birthday din sayo, Bro!!! Sigurado rin akong dudumugin ng mga babati sayo sa blog mo. Ang masasabi ko lang sayo: God Bless! Happy birthday ulit! =)

Advertisements

Kuwentong Kubeta

Tatlong araw na akong hindi nakakapag-fufu.

 

Dahil sa aminado akong may pagka-ok-ok (Obsessive-Compulsive) ako at naka-iskedyul na kada alas otso ng umaga ay dapat handa nang magrelaks ang aking anal sphincter at magrelease ng toxins, ewan ko ba kung bakit sa ngayon, mukhang nahihiyang makipaglandian ang aking anal sphincter  sa aming kubeta.

 

Aburido pa naman ako pag hindi ako nakakapag-fufu sa isang araw. Naisip ko tuloy na baka sa tagal na ng fufu sa aking katawan ay baka pilit na lang itong nirerecycle at pinipiga upang mapagkuhanan ng enerhiya, protina, taba at sustanya. Ewww to the nth level, di ba? Sinubukan ko nang magjogging ng 30-45 minuto kada araw, uminom ng kape, green tea, galon-galon ng tubig at halos masusuka na nga ako sa kakakain ng oatmeal, pero sad to say, wala pa rin.

 

Sa totoo lang, hindi masarap ang oatmeal, lalo na kung walang gatas o asukal. Magpakaplastic na kayo sa Quaker Oats hanggang gusto niyo pero hindi rin nila kayo mababayaran sa pagpapaka-Tupperware niyo. Syetness. Ayoko nang kumain ng oatmeal!

 

Hindi rin nakatulong ang panibagong iskedyul ng klase sa Board Review na 8-12 at 1-5 na kung saan mapipilitan akong magpakaprinsesang nakaupo sa kanyang trono ng alas syete ng umaga, sa halip na alas otso. Mas lalo lang nagfetal position ang aking rectum. Sinubukan ko na ring magdala ng toilet paper at mag-look to the left and to the right bago pumasok ng Girls’ Comfort Room sa eskuwelahan namin pero makalipas ang ilang minutong pagmumuni-muni habang nakaupo sa trono, wala ring success story na nangyari liban sa halos lunurin ko na sa halimuyak ng aking utot ang mga nasa kabilang stalls.

 

In fairness, mabango ang halimuyak ng aking tinae. Parang body spray ng Victoria’s Secret.

 

Kung naniwala ka sa sinabi ko, fine. Hindi ka naman siguro bored ano? Malamang ikaw rin yung tipo na naniniwalang pwede kang malasing pag kumain ka ng maraming-maraming ubas. Naman, kailan pa ba nagkaroon ng utot na amoy pabango, aber? At unless may brewery diyan sa iyong atay na puwedeng magundergo ng selective fermentation sa iyong kinain, hindi ka naman malalasing kahit isang kaing pa ng ubas ang iyong lamunin sa sobrang siba mo (Pssst… pashare naman. Tapon mo dito sa akin sa Mindanao!). Pero since magpapasko naman ngayon, pagbibigyan na kita sa mga paniniwala mo. Regalo ko na yun sayo. Merry Christmas!

 

Syempre, nawala na ako sa topic.

 

Dahil kuripot ako at ayoko ring idaan sa gamot aking 8 o’ clock habit, eto tinitiis ko na lang hanggang ngayon ang unti-unting paglaki ng tiyan (Nag-imbento pa ako ng excuse sa laki ng tiyan ko, ano? Hehehe. Oo na, taba talaga yun at hindi dahil sa constipation. Syet ka. Hindi mo man lang ako pinagbigyan. Asan na ang spirit of Christmas mo? Leche!) at matiyaga pa rin akong nag-aantay sa kanyang pagdating. Para tuloy akong nag-aabang ng dalaw galing sa aking pinakamamahal na jebs dahil naeeksayt na akong dumating ang sakit ng tyan na kakambal nito na nagbabantya ng kanyang pagdating. Naiinip na talaga ako. Pramis, pagnakafufu na ako, baka magpakain ako at magpainom sa sobrang tuwa. Yahooo!

 

Naaalala ko na lamang noong nasa probinsya pa kami ng mga kaklase ko nagduduktor-duktoran. Ang problema nila sa probinsya ay hindi tulad ng sa akin. Ang problema nila ay wala silang toilet. Kadalasan, kung darating na ang tawag ng tadhana, si Manang ay kukuha ng plastic na pinaglagyanan niya kanina ng bili niyang isang kilo ng bigas mula sa palengke, maglalakad ng ilang dampa mula sa kanyang bahay-kubo, sa bandang damuhan na walang tao at napapalibutan ng mga punong-kahoy, ilalapag ang nakabukas na plastic sa damuhan, magsusquat at ishushoot sa loob ng plastic ang kanyang masarap na personal sisig. Babalutin ni Manang ang kanyang fufu, itatali ang plastic ng maiigi, at paiikutin ang plastic sa taas ng ulo na tila cowboy na may lubid at PLOK! Ipapalipad na niya ang mahiwagang fufu palayo. Kung may malasin mang taong makapulot sa plastic at mag-akalang may mahalagang bagay sa loob ng tightly-sealed package (Arroz caldo kaya ito? Lumpia shanghai? Kaldereta?) ay tiyak na masusuka na lamang siya sa kanyang makikita. SURPRISE!

 

Siyempre, dahil graded ang aming pagduduktor-duktoran sa probinsya, nagpasya kami ng mga kaklase kong maghanap ng paraan upang mabigyan ng kubeta ang mga mamamayan. Pagkatapos naming mamalimos sa aming mga magulang, mag-ipon ng kickback, magbiyak ng mga piggy bank, magpaalipin sa mga DOM at sumayaw sa mga gay bar, nabigyan din namin ang ilan sa kanila ng toilet bowl. Ipinagdarasal na lamang namin na gagamitin nila ang mga ito sa maayos na paraan, sa halip na gawing sombrero o di kaya’y flower vase.

 

Pramis, meron talagang mga ginawang sombrero o di kaya’y flower vase ang mga water-sealed toilet bowls na pinamigay sa kanila. Malas ko lang at wala akong pictures nun.

 

Pero isa sa mga bilib na bilib talaga ako ay ang nagmamay-ari ng kubetang ito. Sa tingin ko lang, sa kada beses na gagamitin mo ang kubetang ito, kinakailangan mong magdala ng dyaryo. Hindi yung dyaryong tabloid lang na tulad ng Tiktik  di kaya’y Bandera. Dapat yung tipong Inquirer, Philippne Star o di kaya’y Manila Bulletin. Para ano? Click mo na lang dito kung bakit.               

 

Gotta go, sago. Sa wakas, najejebs na rin ako.

 

P.S. Maligayang Pasko sa lahat ng mga kaibigan ko dito sa blogosphere.  I lab yu all! Isang kiss na naglalaway pa ang ipalilipad ko papunta sa mga kabahayanan ninyo. Special mention sa nagkukunwari kong kapatid sa labas na si Helena. Excited na akong irepeat rotation ka. Ehehe, joke!!! Merry Christmas everybody! =)

Happy Beerday

Bente-otso

 

 

Dalawampu’t walong taon ang nakaraan. Kasalukuyang naggrogrocery si Mader at Pader sa Welcome Rotonda ng biglang bumaha sa paanan ni Mader habang siya ay namimili kung anong klaseng tutpaste ang bibilhin niya. Magkatapos sabihan si Pader ng “Dad, my waterbag broke,” nagmadali na ang dalawa upang pumunta ng ospital. Magkatapos ang ilang oras ng pag-iire kasabay ng kanyang pagtatae (na malamang dahilan kung bakit paminsan ay tila isip-tae ako sa sobrang katangahan) at matapos putulin ang umbilical cord na dalawang beses pumulupot sa aking leeg, lumabas na rin sa wakas ang kras ng bayan, este, salot ng lipunan.

 

Oh yes, dats me. Ako na nga yun.

 

Ipinagdiwang ko ang aking ika-dalawampu’t walong kaarawan noong Huwebes, ika-11 ng Disyembre, kasama ang aking mga kaklase sa isang popular na gimikan sa aming lugar. Billiards, Videoke, inuman at kulitan hanggang sa mamaos ang aming boses at manghina ang aming katawan sa katatawa. Taon-taon kong nililibre ang aking mga kaklase tuwing kaarawan ko. Paminsan nga, feeling ko namimihasa na ang mga ito at medyo nahihiya na rin ako sa aking mga magulang dahil ilang taon na rin akong hindi makapagdiwang ng aking kaarawan kasama ang aking pamilya. Paano ba naman, sa sobrang ingay naming magkaklase ay sinisiguro ko na lang na hindi ako sa bahay namin magpapainom dahil maiistorbo ang beauty sleep ng mga kasambahay ko dahil parang mga kuwago pa sa pagdilat ng mga mata ang mga kaklase ko pag nakainom kese hodang alas-dos na ng umaga at maaga pa kaming lahat pipila sa PRC kinabukasan. Paminsan nga, naisip ko, papansinin pa kaya ako ng mga kaklase ko kung hindi ako magdidiwang ng aking kaarawan sa taong ito? Natutukso akong sorpresahin sana sila at hindi na lamang magpakita noong kaarawan ko pero dahil lab ko ang mga damuhong iyon, hindi ko rin sila matiis at ayan, nagpainom nga ako.

 

Sensya na at hindi ko na kayo naimbitahan. Padadalhan ko na lang kayo ng serbesa. Antayin niyo lang yung isang case ng SMB na pinadala ko by LBC. Wala pa ba diyan? Baka itinungga na ng kartero at ng mga manggagawa sa Post Office. Oh, well. Sori. Next year ulit.

 

So, matanong niyo, ano ba ang wish ko sa beerday ko? Madami, actually. Pero kung ililista ko ito lahat ay baka antukin na kayo sa haba ng listahan. Eto na lang ang pinaikling bersyon. At dahil malapit na rin ang Pasko, may panahon pa para tulungan niyo akong matupad ito. Hindi naman ako namimilit, baka lang kasi kako may mga koneksyon kayo. O siya, dami pang satsat. Eto na nga.

 

1. Pumasa ng board exams. Obvious ba? Nakakapagod kaya mag-aral. Ikaw nga magtake two, ewan ko lang kung hindi ka maburn out sa kaaaral at mas gugustuhin na lang maging magsasaka at magtanim ng kamote. Pwede ring alternative career ang maging online stripper, yung tipong “See Me Strip for only $5/minute” pero baka iprotest ng madla ang pangangatawan ko at bayaran na lang akong magbihis sa halip na maghubad kaya, on hold na muna ang alternative career na yan… At dahil sa ibinalita na yata ni Mader at Pader sa buong opisina ng regional office ng DSWD at sa lahat ng mga kamag-anak naming nakakalat sa buong archipelago ng Pilipinas  na kukuha ako ng board exams sa Pebrero, hindi ko alam kung may pagmumukha pa akong maihaharap sa kanila kung hindi ako pumasa. Baka mapilitan tuloy akong magstokwa na lang papuntang Sabah, Malaysia at manirahan na lamang doon bilang isang domestic helper.     

 

2. Panibagong boypren. Masarap kasing ilunod na lamang sa kumunoy ang aking kasalukuyang boylalu (aka lalakeng kalandian). Tama ba namang makalimutan ang petsa ng aking kaarawan at sa 12, sa halip na 11, na ako binati? Pasalamat siya at nasa kabilang probinsya siya ng mga oras na iyon kung hinde, pinasabugan ko na yung bahay nila. Sarap sakalin. At wala man lang pinadalang maski Sampaguita o kuwintas na gawa sa Everlasting man lamang. Hay naku. Ayoko na lang magsalita.

 

3. Mga kaibigang may kwenta. Marami ako nito lalo na sa blogosphere actually (Tulad niyo. Ahaha. Sipsip ko no? Hehehe, joke!) pero naiisip ko rin paminsan na sa dami ng aking mga kaibigang may kwenta ay dumadami na rin ang pumapaligid sa aking mga nagkukunwaring kaibigan. Yung tipong nagsasaya kapag nakita nilang 2 out of 10 ka lang sa quiz habang nakachamba silang makakuha ng 3 out of 10. Yung tipong kung makatingin sayo, akala niya siya na ang pinakamaganda sa klase eh, kung tutuusin kung hindi lang inayos yung cleft palate niya nung bata pa siya eh, sigurado namang hindi siya papansinin ng manliligaw niyang kamukha ni Pacquaio (no offense sa mga Pacquaio fans diyan). Yung tipong dalawang linggo bago ang aking kaarawan eh papipilitan akong sumagot sa inumin sa bertdey parti ng anak niya dahil sabay naman daw kaming magdidiwang ng aming kaarawan kahit na hindi pa naman ako sigurado kung manlilibre nga ako sa mga kaibigan ko dahil hindi ko naman gawain ang kusang humingi ng pera kila Mader at Pader pag beerday ko. Hello! Wala na ako sa highschool!. Gawaing bata lang ang namimilit, no?… Okey, isang tao lang yun actually. Hindi ko lang alam kung paano ko siya sasabihan na tantanan na niya ako… Oo na, aaminin ko. Paminsan-minsan, nagpapaka-Tupperware din ako.        

 

4. Kalusugan para sa aking mga magulang. Diabetic si Mader. Si Pader naman, kahit hindi ko na ipa-lab test ang kanyang Serum Cholesterol ay halata naman sa itsura pa lang na mataas ito. Yoko silang magkasakit. Hindi lang dahil sa mapipilitan silang magretiro na mula sa trabaho (na matagal nang inaalok sa kanila ng gobyerno ng Pilipinas subalit dahil may mga anak pa silang nagtratrabaho ay ayaw pa nilang matukso sa alok na ito), hindi rin dahil sa magastos ang magkasakit (Heller! May Philhealth namang sasalo sa kanila. Ehehe, joke!), pero dahil sa ayoko silang namamalagi lang sa bahay namin. Bukod sa magiging sedentary ang lifestyle nila (at makakadagdag sa kanilang pagiging high-risk sa mga sakit) ay mapapadalas din ang kanilang pagpuna sa mga kalokohan at pakikialam sa mga desisyon sa buhay naming magkakapatid. Don’t get me wrong, mahal ko ang mga magulang ko. Pero maliban kay BBBro na nasa hayskul pa, halos lahat kaming magkakapatid ay masasabing may sariling nang pag-iisip. Kung 24 oras ay namamalagi lamang sa aming pamamahay ang aking mga magulang ay sigurado akong mamimiss ni Mader ang pagiging bosing sa opisina, mababanas sa pakikipag-usap sa kanyang mga orchids at mapapadalas ang pagbubunganga sa aming magkakapatid. Ewan ko na lamang kung anong gagawin ni Pader pag mamamalagi na lamang siya sa bahay subalit nag-aalala akong isiping baka gamitin niya ang panahong ito upang patayin kami sa nerbyos sa kanyang paggugol sa naudlot niyang midlife crisis. Sigurado ring babaha ang mga ubod sa kakornihan  niyang patawa na niplagiarize niya mula kay Gary Lising.

 

Lab yu, Ma at Pa. Hihihi…

 

Hindi na ako magwiwish ng mga materyales na bagay dahil pag pumasa ako ng board exams at matanggap sa trabaho ay siguradong mabibili ko na rin ang mga ito baling araw. Hindi rin naman talaga ako mahilig sa mga mamahaling bagay. Basta umaandar ang cellphone, nakakateks, tawag at nakakakuha ng letrato, solb na ako. Tumatakbo pa rin naman yung DVD player sa bahay at 1 Gig naman ang memory ng cellphone ko kung kaya’t hindi ko rin kailangan ng Ipod Nano. Gustuhin ko man ng sariling laptop na may Internet access, upang hindi na kami mag-uunahan sa bahay sa paggamit ng computer lalong-lalo na kay Pader na adik sa paglaro ng Hearts at Spider Solitaire, kahit lumuha pa siguro ako ng dugo sa harap ng magulang ko ay hindi pa rin nila ako marereguluhan nito. Ilusyonada!

 

Okey, fine. Pag-iipunan ko na lang ang mga ito.

 

Naisip ko, sa susunod na taon, malamang hindi ko na makakasama ang mga kaklase ko sa pagdiwang ng beerday ko. Siyempre, kanya-kanyang buhay na pagkatapos ng board exams. Nakakalungkot isipin na malamang hindi na mabubuo ang aming barkada sa pagdiwang ko ng aking kaarawan sa susunod na taon. Wala ng tawanang nakakapanghina ng katawan. At wala na ring mga matatamis na sandaling tulad nito:

 

kissing1

 

 

Ang sweet nila no? Ginawa nilang gaybar ang beerday ko. Hindi daw yan sila naghahalikan, sabi nila. Mukha lang daw. Hmmm… Palusot.   

Hey Joe… Wanna Have Some Fun? Part 1

 

Noong Grade 5 ako, isang Amerikanong blondie na nangangalang Josh ang nag-enroll sa eskuwelahan namin upang pumasok ng ilang araw ng klase namin sa Filipino. Dahil sa ganap akong petite (pinagandang bersyon na tawag sa mga pandakekok), sa may first row ako nakaupo at dahil sa gusto siyang bigyan ng special treatment ng teacher namin, sa first row rin siya pinaupo, doon sa tabi ko.

 

Dalawang linggo lang namin siyang nakasama, kung kaya’t dalawang linggo ko rin siyang naging seatmate. Siyempre, ang iisipin niyo, naging sobrang close na kami sa dalawang linggong yun dahil wala siyang ibang pwedeng maaasahan at hihingan ng tulong kung hindi ako, at malamang nainlab siya sa akin at napag-isipan niyang magpaiwan na lamang dito sa Pilipinas dahil andito ang tunay na itinitibok ng kanyang pusong gatuta.

 

Mali. Ilusyon ko lang yun.

 

Sa pagkakaalala ko, sa dalawang linggong kaming dalawa ay naging seatmate, iisa lang ang nasabi ko sa kanya.

 

“Hi.”

 

At siyempre, ang sagot niya… “Hello.”

 

Ang galing no? Tinuringan pa naman akong MATALINO.  

Ang Cover. Bow.

 

 

Kasama sa curriculum ng eskuwelahang aking pinapasukan ang sampung buwan na aking pamamalagi sa isang probinsya kung saan Bisaya ang karaniwang wika na kanilang ginagamit. Kinailangan kong isanay ang aking sarili na makisalamuha sa mga mamamayan dito, magsilbi bilang tagapanghatid ng serbisyong medical, matutong kumain ng veggies at sumakay ng mga motorsiklong kayang magdala ng higit pa sa limang pasahero paakyat ng bundok.

 

Ang kwentong ito ay nangyari habang ako ay tumatambay sa labas ng health center kasama si FunnyBoy at ang isa sa aming mga kapitbahay, si Mang Jose.

 

 

Mang Jose: So, ayos lang ang pagtulog niyo dito lahat sa health center?

FunnyBoy: Opo. Masaya naman po kami dito kasi kumpleto ang mga gamit tsaka may malinis na kubeta.

Mang Jose: Ang pagtulog niyo, okey lang?

FunnyBoy: Medyo may kasikipan lang po kasi sabay kaming tabi-tabi sa sahig natutulog pero ayos pa rin naman. 

Mang Jose: (habang paupo sa kanyang motorsiklo) Pupunta ako ng [lungsod kung saan ako nanggaling] bukas. Kailangan ko kasing bumili ng cover.

Mistress: (paeksena, kunwari establish rapport kay Mang Jose) Ah, sabagay. Maraming mga cover ng motor na binebenta sa [lungsod]. Wala ngang binebentang cover dito.

Mang Jose: (habang tumitingin sa akin na para akong nasisiraan ng bait) Oo nga.

 

Nang umalis na si Mang Jose, biglang tumawa si FunnyBoy ng malakas.

 

Mistress: Hoy, pangit. Bat ka tumatawa?

FunnyBoy: Sinabi mo kasi kay Mang Jose, bibili siya ng cover para sa motor niya.

Mistress: So? Anong nakakatawa dun?

FunnyBoy: Hindi siya bibili ng cover, lukaret! Kabir ang bibilhin niya. As in, Kabir na manok.

Mistress: (nosebleed)

 

 

 Sana kasi hindi na lang ako nakieksena.

 

Breast Exam

DocM: So, do you girls do your monthly self-breast examinations?

Girls in class: Yes, doc.

 JaneDoe: Ikaw, [Mistress]? Lagi ka bang gumagawa ng self-breast examinations?

Mistress: Oo naman. Pero pinapagawa ko na lang sa boyfriend ko.

 

Totoo ko talaga sinabi to. Pero joke lang na pinapagawa ko sa boyfriend ko.

Nagpapakawholesome na kasi ako ngayon. LOL.

Ipinaskil sa makulit na bata . Mga kataga . 4 Comments »

Kabadingan at Tawanan Habang Nagkakape

 

 

 

May isa akong kaklase noong highschool na bago lang nagladlad na isa pala siyang miyembro ng Federasyon ay umuwi dito sa aming bayan galing sa Maynila. Si Jack na isang napakagwapong ehemplo ng kalalakihan at tunay na pruweba na kailangan nating magpasalamat sa Diyos dahil nakakalikha siya ng all things bright and beautiful, ay isang closet homosexual halos buong buhay niya at kamakailan lamang nagsimulang mamuhay bading habang siya ay nakatira sa Manila. Dahil ang kanyang pamilya ay isa sa mga most prestigious names dito sa aming lugar at nangangarap pa rin ang kanyang ina na baka sakaling phase lang ang homosexuality ni Jack, sa aming bayan, mga kapamilya at kapuso niya lamang ang nakakaalam tungkol sa kanyang pagiging homosexual.

 

Ang sumusunod ay iilan sa mga pangyayari noong gumimik kami ni Jack at ni HottestMama upang mag-coffee (kunwari, sosyal daw kami) sandali. English-speaking si Jack kaya ihanda na ang inyong Tagalog-English dictionary kung sakaling hindi niyo maintindihan ang dialogue niya.

 

 

Jack: (habang ipinapasa kay HottestMama ang mga binili niyang regalo bilang ninong ng anak nitong 10 months old) Oh, here. I brought these shoes for a 1-year-old. It looks nice and costs P900 but I got it with a 50% discount.

HottestMama: Wow. Ang cute naman.

Jack: And here’s a Dora the Explorer camera. That’s for Izzy and not for you, okay? I’m sure she’ll like it because it’s Dora the Explorer.

 

Hmmmm… Para namang kaya na ng isang 10-month old baby ang humawak sa camera gamit ang kanyang matatabang daliri o di kaya’y makapagfocus sa imahe at pindutin ang maliit na button.

 

Say Cheese, Dadah…

________________________________

                                                                                   

 

Jack: (habang naghahanap ng lugar para ipark ang kanyang SUV) Girls, wait. I’ll look for a good spot to park the vehicle first.

HottestMama: Bat di na lang muna kami baba na ni Mistress ng sasakyan tapos hanap ka na ng lugar para mapark ang sasakyan mo?

Jack: (habang nakatingin kay HottestMama, na dahil sa sinundo namin siya mula sa ospital kung saan siya nagtratrabaho bilang nurse ay naka-scrub suit pa rin ito) I don’t want to drop you off infront of the coffeeshop with you looking like that.

HottestMama: Why?

Jack: Pag lumakad ka sa tabi ni [Mistress], baka isipin ng mga tao ATCHAY ka niya.

 

________________________

 

                                                                                                               

HottestMama: (habang nanonood sa ilang mga babaeng taga-highschool na nagsisitawanan habang bumaba sila ng tricycle at pumasok sa coffeeshop) Ganyan din ba ang itsura natin nung mga bata pa tayo?

Mistress: Siguro. Pero hindi naman tayo madalas lumabas dati nung highschool tayo.

Jack: Don’t you just wish we could go back in time and be our highschool selves once again?

Mistress: Yoko nga. Pangit ako noon at di pako nagkakaboyfriend.

 

____________________________________

 

 

HottestMama: (habang parating ang Waitress sa aming mesa dala ang aming mga inorder na coffee) Andito na pala ang coffee natin.

Jack: (habang abala sa pag-iinspeksyon sa intricate snowflake pattern sa foam ng aking kape) Uhhh… Miss, paano niyo ginawa yung design na yan diyan sa kape?

Waitress: Ewan ko, sir.

Jack: Last question. Bakit Third Cup ang pangalan ng coffeeshop?

Waitress: Ewan ko rin, sir.

 

Tangang waitress. Nagtrabaho ka pa diyan. Wala ka namang alam.

 

___________________________________

 

 

Jack: (habang nagmamasid sa isang lalakeng nakaputing T-shirt na papasok ng coffeeshop kasama ang isa pang lalake) Hey, that’s a girl.

Mistress: Which one?

Jack: The one in the white shirt.

Mistress: Kamukha nga niya yung tibong kabatch ko dati nung elementary.

Jack: Oh, my. That’s a girl who looks so much like a boy.

Mistress: (habang nagmamasid sa lalakeng nakaputing T-shirt habang siya ay nagside view) Wait lang. He’s flat. Wala siyang boobs. Lalake yun.

Jack: Oh.

 

Ang sagwa pag mapagkamalan ang isang babae na bakla. Mas masagwa ata kung ang isang lalake ay mapagkamalang tibo.

 

Naalala ko na lang tuloy yung kwento ng aking idol na si XienahGirl na tungkol sa babaeng bakla vs. lalakeng tibo.

___________________________________

                                                                                                

 

Jack: I’m so bored. I’ll be stuck here for two weeks with nothing to do. Let’s go out again on Saturday night.

HottestMama: Sige. Timing lang kasi darating si Beauty sa Sabado.

Mistress: (habang iniisip si Beauty, ang heartthrob ng buong highschool at class fashionista) Shiyet. Ako naman ang magmumukhang ATCHAY niyo ni Beauty sa Sabado.

 

___________________________________

 

 

Jack: (pagkatapos ikwento sa amin ang tungkol sa kanyang bagong boyfriend) He’s really nice. And the sex is really good. Sometimes you just want to commit in the relationship he’s asked you to commit to because the sex is just soo good.

HottestMama: But does he take care of you? That’s what you wanted right, a guy who will take care of you?

Jack: Yes, he does.

HottestMama: So, sinong babae sa relasyon niyong dalawa?

Jack: Uhmmm… Siya.

Mistress: (dahil hindi ako marunong magmodulate ng boses kahit na in public, walang pakundangang malakas ang boses ko na nagsalita) Hindi ba ikaw ang laging babae sa mga relasyon mo sa ibang lalake?

 

 

 

So, I have officially announced sa lahat ng mga tao sa lugar namin na ang aking kaibigan, ang pinakapanganay na anak ng isang mayamang kilalang pamilya sa amin, ay bading.

 

Ayaw na niya akong kausapin magmula ngayon.