Adventure sa Cebu a.k.a Mga Kapraningan ng Board Exam

Wahahaha… Antagal kong nawala. At sa tagal ng aking pagkawala, hayaan niyo na akong magmalanobela sa aking mga isasaulat dito sa blogasperyo.

Wait lang. Baka magkanda-click na kayo ng mga X diyan sa pinakaupper right hand corner ng window na ito… Hello? Andyan ka pa ba? Magparamdam ka! Yooohoooo….

Hindi ko naman siguro itinago sa inyo na naging abala ako sa aking pagrereview para sa nalalapit kong board exam noong mga nakaraang buwan. Isang linggo bago ang eksaminasyon ay lumipad na kami patungong Cebu.  At dahil mahigit anim na taon na rin mula ng huli akong bumiyahe at sumakay ng eroplano, excited na excited ang lola ninyo kese hodang mukhang lata ng pinagtagpi-tagping aluminum ang eroplanong sinakyan namin. Nagmukha pa akong tangang click ng click sa button sa ibabaw ng aking upuan na inaakala kong reading lamp, yun pala ay button ito na tumatawag sa flight stewardess. At dahil katangahan ko ang dahilan kung bakit napahiwalay ako sa flight ng mga girls kung kaya’t malugid kong tinanggap ang hagikhikan at walang kamatayang asar-talo mula sa mga kaklase kong kalalakihan sa isang oras na byahe ng eroplano. Mabuti na lang ay naging useful din sila sa akin kahit papano dahil pinakarga ko sa kanila ang aking limang hand-carried baggages. Dapat lang. Wala silang choice. Paminsan-minsan naman ay masarap gamitin ang excuse na babae ako at karapatan kong ilabas ang pagka- gentleman ng mga kalalakihan sa paligid ko. Di vah?

Sa unang lingo bago mag-exam, hindi kami masyadong nakapaggala liban sa kalahating araw na pagbisita sa Ayala Center. Nalula kami at ayun na, lumabas ang aming pagka-promdi. Picture dito, picture doon. Nagkandabagsak ang mga panga ng mga kalalakihan namin sa paghalina sa mga naggagandahang legs ng mga chicks sa Cebu, na siguradong makikidnap kung dito sila sa amin magsusuot ng mala-panty sa ikli na shorts na yan. At andami pang Jampong (aka Koreano). Syempre hindi rin mawawala ang mga dirty old foreigners na bitbit ang kanilang mga mga native-looking girlaloos na mukha namang mga yaya. Hay naku, sa totoo lang, ayoko na sanang umalipusta dahil magbabagong-buhay na ako pero ineng, kung mas matanda pa sa lolo mo ang boypren mo, kahit mayaman pa yan at gagawin ka niyang reyna sa kanyang mansion sa Tate, maaatim mo ba talagang makasiping ang amoy-lupang yan?

Eniweys, bago ako masidetrack, dalawang araw bago ang exam, ay nawala na ang coolness ng lola niyo at nagbreak down na ako. Oo, tao lang po, may tear ducts din ako. Bigla na lang pumasok sa aking isipan na kahit andami ko nang librong nabasa, kahit andami ko nang tanong na nasagot, natanto ko na kulang pa rin ang alam ko at hindi pa ako handa. At pinalibutan na ako ng takot. Hindi ko kayang umuwi sa amin at harapin si Mader at sabihan siyang hindi ako pumasa. Ayun, hagulgol to the max na ang nangyari. Dito na pumasok to the rescue ang lalakeng itatago natin sa pangalang Richard Gutierrez. Hindi dahil sa kamukha niya si Richard, hindi rin dahil sa may kakambal siya, kung hindi dahil sa para siyang si Richard Gutierrez sa “When I Met You” sa buhay ko. Ang aking kaklase, kabarkada at katoma na lampas anim na taon ko nang kilala subalit ngayon ko lang naging ka-close.  Ang lalakeng binasahan ako ng mga passages ng bibliya na nagsasabing “Trust in the Lord”, “There is hope” at “His ways are not your ways, His thoughts are not your thoughts”.  Ang lalakeng bumisita ng kwarto namin gabi-gabi upang kuwentuhan ako at tinulungan akong makalimot sa aking mga pangangamba. Ang lalakeng nagpakain sa akin ng brownies na pinadala ng kanyang girlfriend noong Valentine’s Day. Ang lalakeng nahalina yata sa aking angking alindog. Wahahaha, joke lang. Tigilan ko na ngang pag-usapan itong si Richard at baka mademonyo na naman ako. Umiiwas na nga ako sa gulo. Hmph!

O siya, araw na ng exam. Alas-syete daw dapat andun na kami sa testing center. Kasalukuyan akong nagtututhbrush ng biglang tumawag  sa cellphone ko ang Nanay ko. Imagine niyo na lang na habang puno ng toothpaste at bula ang bibig ko ay sa halip na “hello, ma?” ay isang malakas na hagulgol ang narinig ng Nanay ko mula sa akin. Ayun, waterworks early in the morning. At hindi pa natapos dun. Dahil pagkatapos na pagkatapos ng unang eksaminasyon (Biochemistry) ay lumapit ako sa aking bespren at humagulgol ulit. Na, sinong magsasabing isa akong tigasin? Kung makita lang ako ng lahat ng mga naging ex-boyfriend ko noong mga panahong yun, sigurado akong aatakehin sila sa gulat dahil wala sa personalidad ko ang maging iyakin. Hindi ko na nga alam paano ko nagawang ubusin yung pananghalian kong 1-piece chickenjoy at burger habang sige sa pag-iyak, pero malamang dahil matakaw naman talaga ako, kaya ayun, naubos ko rin siya. Kahit noong sinasagot ko na yung pangalawa at pangatlong eksaminasyon sa araw na iyon, ay pabalik-balik pa rin ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. Hindi naman ako nakikipagkontes kay Judai pero drama queen talaga ako noong mga panahong iyon. At ng nakauwi na kami at inaakala kong naubusan na ako ng iluluha, bigla namang tawag ulit si Mader na siyang ilang beses ko na namang hinagulgulan.

Madrama ba?  Oo na, andrama ko. Pero ikaw ba naman, kung ang ineexpect lang sayo ng lahat ay pumasa o mag-top, tapos  12 exams ang kailangan mong ipasa with at least no exam less than 75%, tapos percentile ranking  at iniisip mong, there’s no way na maipapasa mo yung pinakaunang exam, tapos maririnig mo pang nasa samplex lang daw ng ibang mga eskuwelahan sa Cebu  yung 75% ng mga tanong dun sa exam na pinakanahirapan ka talaga, sige nga. Hindi ka ba naman mapraning niyan?

Sa tulong ng Diyos, ni Richard at ng aking mga kaklase, tumahan din naman ako. Or siguro nga, nadehydrate na rin ang mga tear ducts ko at wala na siyang luhang mailabas. Andun na yun. Wala na akong magagawa. Kaya nag-aral na lang ako para sa mga sumunod na exams. Ako yung matutulog pa lamang ng 2 AM kahit na kailangan ko nang gumising by 5 AM para maghanda na para sa susunod na araw ng exam. Tatlong sachet na ng kape ang nilalagay ko sa isang baso para lang sigurado akong matapang na matapang ito. Para kaming mga timang ng bespren kong nagsusumikap na makaubos ng pagquiquick reading sa  700 pages ng Surgical Recall sa gabi bago ang examinasyon sa Surgery. Kami ring dalawa ang huling naiwan sa pension house dahil nagsialisan na silang lahat para pumunta sa testing center, habang nagpupumilit pa kaming magquick review ng Pharmacology. Hanggang sa wakas, natapos din ang apat na araw ng pinakanakakawindang na eksaminasyon sa buong buhay ko.

At syempre, pagkatapos na pagkatapos ng exam, nagyayang lumamyerda na ang mga kaklase ko. May manonood ng sine, magshopping, mamasyal… Si bespren, anong trip? Uminom.  At kahit na antok na antok na ang beauty ng lola niyo, siyempre dapat samahan. Hindi naman kami umalis ng Christian-oriented pension house, ipinuslit lang namin ang dalawang bote ng Tequila paloob lingid sa kaalaman ni Manong Guard at doon kami sa kuwarto ng isang klasmeyt naming nag-inuman. Okey na sana noong una, masaya, kuwentuhan kaming magkaklase, hanggang sa napansin naming medyo knockdown na si bespren. At dahil roommates kami, responsibilidad kong samahan siya pabalik ng kwarto namin. Tama ba namang sa kalagitnaan ng paglalakad namin sa hallway, habang marahan naming sinisigurong walang nakakarinig sa amin habang akay-akay namin siya, ilang talampakan na lamang mula sa pintuan ng kwarto namin, ay saka naman siya nagsusuka? Ayun. Dahil sa takot kong mahuli kaming nag-iinom doon (kasi nga po, bawal), ako na ang kumuha ng dustpan, mop at balde at nagpunas sa kanyang mga isinuka.

 Ganyan ko kamahal ang mga kaibigan ko.

Wahahaha… Leche. Pasalamat siya at lasing na lasing siya dahil kung hinde baka pagmumukha niya ang ginawa kong mop para dun sa mga sinuka niya.

Okey, fastforward na nga tayo. Medyo gabi na at sigurado akong inaantok na kayo. Dalawang araw magkatapos ang araw ng huling exam, kasalukuyan na kaming naghahanda upang matulog. 11 na ng gabi. Nanonood kami ng palabas sa Cinema One ng isang roommate ko habang nasa banyo si bespren nang may narinig akong kaluskos ng mga paa sa may hallway. Ang unang pumasok sa isip ko, “Shit. Baka may sunog.” Tapos, biglang may malakas na kumakatok sa aming pintuan, binukas ko at ang pagmumukha ng aking klasmeyt na bading ang tumambad sa aking mukha. “Girl, may result na.” Kinabahan na ako. At kahit nakapajama na ako ay dali-dali naman kaming tumakbo lahat sa kuwarto ng kaisa-isang kaklase naming may Internet access sa kanyang laptop. Kasalukuyan naman nilang nirorollcall ang mga pangalan ng mga kaklase namin sa listahan ng mga pumasa. Una kong nakita yung pangalan ng kaapelyido ko. Hindi man kita kamag-anak o kakilala, congratulations. Natakpan ng ulo ng kaklase ko yung sumunod na apelyido. Pero natakpan man niya yung sumunod na apelyido, tumambad pa rin yung pangalan ko.

YES!!! PASADO AKO!

Yakap dito at yakap doon. Tawag ako kaagad sa mga magulang ko na gumising yata sa lahat ng mga tao sa bahay namin para lamang sabihing pumasa ako at makausap din ako sa telepono. Ilang yakap na naman mula sa mga kaklase ko. Sigawan, iyakan at mahaba-habang kuwentuhan pa ng matagal. Alas 2 na yata ng umaga ng bumalik kami ulit sa kanya-kanya naming mga kuwarto.

Saka ko lamang napansing nakalimutan ko palang magsuot ulit ng bra at kanina pa pala ako yakap ng yakap sa mga kaklase ko, mapababae man o lalake ng walang kabra-bra.

 Oh well… Sana walang nakapansin. Hehehe…

Advertisements

Pasasalamat Ni Doktora

Sa magulang kong sabay akong iniyakan habang iniiyakan ko sila sa bawat tawag nila sa akin sa telepono.

Sa mga kaklase kong walang sawa akong binusog sa tawa at kakakain ng Da Vinci’s pizza upang kahit ilang minuto lamang sa isang araw ay hindi ko naiisip ang mga lecheng “most common…” at “which of the following…” na yan.

Sa mabait na Manong  na masipag na winawalis yung mga upos ng yosi doon sa veranda na resulta ng aking mga walang kuwentang panic attacks.

Sa aming Dean na araw-araw kaming tinexan ng mga inspirational passages from the Bible na nakatulong din sa pagtahan ko sa aking paghahyperventilate.

Sa Nanay kong hindi na raw makatrabaho ng maigi dahil sa pag-aalala sa akin.

Sa mga naging roommates ko sa Cendet na tinanggap ang aking kakulitan at sandamakmak na  “Ano nga ba yung sagot sa…” kahit na naiistorbo ko rin ang kanilang pag-aaral. In fairness, may dilang anghel daw ako dahil karamihan ng mga tinanong ko, lumabas sa exam. Hehehe…

Sa bespren kong mahigpit kong niyakap at hinagulgulan pagkatapos kong hula-hulaan at ipag-bintut-bintut ang mga sagot sa karamihan ng mga tanong sa eksaminasyon sa Biochem at nagsabing “Hoy, lukaret! Ano ka ba? Ang drama mo!” 

Sa kabarkada kong duktora na walang sawang padalhan kami ng aking mga kaklase ng ice cream at magic Red Ribbon ensaymada na may powers daw na magpapass ng board exams. 

Sa Lola kong matagal ng yumao na malamang lumapit kay Lord at kinumbinsi siyang gumawa ng himala at dinggin ang mga dasal ko. Nakulitan siguro.  

Sa lalakeng nagsilbing Richard Gutierrez sa aking mala-When I Met You na love story dito sa Cebu. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng iyong mga “I miss you” at yung “Mwah” dun sa isang gabing tinext mo ako pero dahil kasalukuyan pa akong nag-aantay ng sign mula kay God tungkol sa ating dalawa kung kaya’t para sa ikabubuti ng nakararami, tukso, pwede ba? Layuan mo muna ako. 

Sa  mga kaibigan ko dito sa blogospero na hindi nagsawang magkumento kahit na halos dalawang buwan akong walang ni-Hi ni-Hoy sa kanilang mga blog.

Eto na ang kinalabasan ng aking hiatus. 

Maraming maraming salamat. 

INUMAN TAYO!

Asan Na Ang License Number Ko?

Yes!

PASADO NA AKO!

Maraming salamat sa mga nagdasal at sa lahat ng suporta ng aking mga naging kaibigan na rin dito sa blogosperyo. Sa totoo lang, may naihanda na talaga akong dalawang mala-nobelang posts kaso sa kasawian palad ay naiwan ko ang mga ito sa laptop ni Mader na dinala niya sa kanyang training seminar sa Pagadian. Sana lang, hindi niya iyon nabasa. Baka maiyak si Mader kasi sigurado akong matotouch siya. Hahaha… Ang yabang ko.  

Kaya eto na lamang sa ngayon at bibisitahin ko na lamang ang mga blog ninyo habang hindi pa umuuwi si Mader at ang laptop niya at may naiiwan pa akong konting baryang pang-Internet. Wala na kasi akong allowance ngayon. Huhuhu… At malas ko pa dahil aabutin pa ng ilang buwan bago ko mareceive ang aking license number kung kaya’t hindi pa ako pwedeng kumita ng pera. Ganyan kasi dito sa Zamboanga. Tatlong buwan bago mo makuha ang license mo. Mapapanis na ang novelty ng pagiging board passer mo dahil tatlong buwan ka ring magiging palamunin pa rin ng mga magulang mo. Badtrip… Hello! PRC! Naririnig mo ba ako? Yooohoooo…

Hirap pala nitong pasado ka na pero hindi ka pa makapagtrabaho. Gusto kong takpan ang aking pagmumukha lagi sa hiya kada beses na lalapit ako sa aking magulang upang humingi ng pera. In fairness, wala naman akong naririnig na hiyaw o anong mga parinig na reklamo mula sa aking magulang pero siyempre, ako na mismo ang nahihiya para sa sarili ko. Beinte-otso na rin ako. Dapat nga nag-asawa na ako sa edad kong ito. Hahaha, joke lang.  

O siya, mahaba na ito. Wala namang kabuluhan itong post ko. Hanggang sa muli!

 

P.S.

Kung sino man diyan ang mapadpad dito sa Zamboanga, tara na. Magpapainom ako. Hehehe… Ang yabang ko talaga. Alam ko namang wala ni isa sa inyong makakarating.  Hehehe… Joke lang. I missed you pips!!!