“Mamahalin Mo Pa Rin Kaya Ako Kahit Mataba Na Ako?” — Sam Milby (Big Love)

Belated Merry Christmas everybody!

Una sa lahat, may dalawang comments sa Kuwentong Kubeta na sa aking katangahan ay sa halip na iapprove ko ay accidentally ko pang nadelete. Sakali mang mapabisita ka ulit dito sa aking pamamahay at mapansin mong hindi ko naipost ang comment mo, sori talaga. Pasensya na. Paminsan talaga, hindi matatakpan ng aking kagandahan at alindog ng katawan (Wahaha! Pagbigyan niyo na ako. Christmas gift niyo na sa akin ang pagbigyan ako sa mga ilusyon ko!) ang aking pagiging tanga. Baka sabihin mo, suplada ako. Hinde ah. Tanga lang talaga. Pakisulat na lamang ulit ang iyong comment. Yan ay kung hindi ka lang naman tamarin.

So, kamusta naman ang mga pasko ninyo?

Masaya ako ngayong pasko dahil umuwi dito sa amin ang kapatid kong si Sis K. Sa Maynila kasi siya nagtratrabaho bilang isang social worker-slash-psychologist. At dahil Pebrero pa noong huli kaming nagkita, nagulantang na lamang ako sa laki niya ngayon. Tabain na si Sis K at kung sa pag-aakala naming papayat na rin siya sa wakas sa pagtratrabaho niya sa Maynila, eh, isa pala itong malaking pagkakamali dahil lalo lamang siyang tumaba ngayon. At ang masama pa nito, pagkakita niya sa akin ay ito ang una niyang sinabi sa akin:

“ANO NANG SIZE NG SHIRT MO NGAYON?”

Syetness. Obviously, kung ang mataba may nakikita nang kapintasan sa akin, isa lang ang ibig sabihin nito.

MATABA NA  RIN AKO.

Huhuhuhuhu…

May insecurity na nga ako dahil sa hindi ako rich kid at hindi ako naregaluhan nila Mader at Pader ng braces kung kaya’t lumaki akong sungki ang ngipin ko, pati ba naman sa katawan ko? Ano na lang ang magagamit kong pang-akit nito? Talino? Syet. Mas lalong wala ako non. Kayamanan? Pweh! Umalis ka na nga dito sa harapan ko! Kabaitan? Hay naku, mga babae lang ang naiinlab sa mga lalakeng pangit at mababait dahil bali-baligtarin man natin ang mundo, karamihan ng mga lalake ay superficial (O, wag nang magprotest. Mahahalata lang na guilty ka). Kahit kasya pa naman ang mga damit at pantalon ko, hindi ko maipagkakailang may kasikipan na rin ang mga ito sa akin. At kahit may mga namamansin pa rin naman sa aking boys, hindi ko ring maipagkakailang nabawasan na ang mga members ng Fan’s Club ko. Kung ano-anong tricks na yata ang natutunan ko upang takpan ang mga rolyo ng taba na namumuo sa aking waistline at sa kung saan-saang bahagi pa ng aking katawan. Andyan ang magsuot ng binders, mga empire-cut na blouse, jacket, blazers at iba pa, pero ang totoo, kung magpopost ako ng picture ko dito sa  na nakatwo piece ako, baka magsitakbuhan na kayong lahat at mawalan na ako ng readers dito sa blog ko.

Kaya huwag na kayong mag-alala, magkakamatayan muna tayo bago ko gagawin yun.

Paano naman kasi, kasabay ng pag-aaral ko para sa Board Exams ang kumain ng marami at uminom ng sandamakmak na kape. Siyempre, kailangan ng glucose ang ating mga brain cells dahil doon sila kumukuha ng enerhiya upang makapagfunction ng mabuti. Malamang yan rin ang dahilan kung bakit walang supermodel na rocket scientist, dahil kulang sa glucose ang kanilang mga brain cells. At may nabasa rin akong research dati na nagsasabing ang mga babae, upang makapag-aral ng mabuti, ay kinakailangang sabayin ang pagkain sa pag-aaral. Ang sabi pa nga sa akin ng kaibigan kong si HotNurse dati, mas mabuti nang tumaba ka at pumasa ka ng board exams kaysa sa pumayat ka at sumeksi pero bagsak ka naman.

Ewan ko na lang kung matutuwa pa si HotNurse kung makita niya ako ngayon. Mabuti na lang at nasa Dubai siya ngayon kung hinde ay malamang pagtataguan ko na siya.

Panahon na para mamaalam na ako sa mga panahong puwede pa akong magtago sa deskripsyong “chubby”. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko dahil magbabakasyon ako ng Maynila sa Marso at siguradong magugulantang ang mga kabarkada ko noon sa kolehiyo  pag nakita ako.

Kaya ayun, naisipan ko na lang magsimulang magjogging sa may oval araw-araw.

Hindi pala jogging. Madaya pa rin kasi ako. Brisk walking lang dahil kalahating round pa lang ng pagjojogging eh halos hikain na ako sa paghingal at kung hindi lang ako nahihiyang magpakita ng kahinaan sa mga jogging friends ko ay malamang napahiga na ako sa gitna ng racetrack sa sobrang pagod.

Noong isang araw, katatapos lamang ng klase at naglalakad na ako palabas ng eskuwelahan. Gawain ko na ang pumunta ng oval sa Grandstand araw-araw upang mag brisk walking/jogging ng isang oras pagkatapos ng klase. Habang naglalakad ako, timing namang  nakita ako ni Airsoft at pinara niya yung kanyang Ford sa tabi ko.

“Uy, Angel, hatid na kita.”

Nahiya naman ako. “Sige lang, Airsoft. Huwag na. Nakakahiya naman.”

“Ano ka ba? Halika na. On the way lang naman yung bahay niyo sa bahay namin.”

“Sige lang. Pupunta pa kasi ako ng GrandStand para magjogging.”

“Ganun ba? Sige, hatid na lang kita sa Grandstand.”

“Naku, baka ma-out of the way  ka na niyan.”

“Ano ka ba? Pwede naman akong dumaan ng Grand Stand tapos diretso pa rin yun papunta sa bahay namin.”

“Ay, huwag na, Airsoft. Nakakahiya naman.”

“Heh! Ano ka ba?”

“Huwag na. Thank you na lang.”

“O sige. Ikaw bahala.”

At humarurot na si Airsoft sakay ang kanyang gray na Ford, habang kinain ko na lamang ang abo ng kanyang pag-alis at pinagmasdan ang puwet ng kanyang magarang sasakyan.

Kung bakit pa kasi ako mahilig tumanggi ng grasya.

“Hoy, Airsoft, pakipot ko lang yun. Bumalik ka dito!”

Pero siyempre, hindi na niya ako narinig.

Katulad pa rin ng dati, pagdating kay Airsoft, nasa huli ang aking pagsisi.

P.S. Baka inaakala niyong nag-iinarte lang ako at hindi naman talaga ako mataba, o siya, magpopost ako ng picture ko. Pamasko ko na rin ito sa isang blogistang matagal ng nag-tag sa akin. Galing pa yan sa default pic ng Friendster ko. Kung sasabihin niyo pa ring nag-iinarte lang ako dahil hindi naman ako mukhang dambuhala dito, tol, nasa pagdadala lang yan (Insert EVIL LAUGH here). At syempre, blog ko to. Ang laki ko namang tanga kung magpopost ako ng litrato ko na ampangit-pangit ko. Hmph. Once in a lifetime lang mangyari to kaya, pwede ba? Pagbigyan niyo na lang ako. O siya, kunin niyo na ang inyong magnifying glass at eto na:

1_931323223l

Sa totoo lang, ampangit ko pala talaga. Hahaha… Ewan ko tuloy kung bakit ito ang naisip kong ipost. Bukod sa halata ang sungki ko eh nagmukha tuloy taghiyawat yang mga nunal nasa mukha ko. Oo, kung may nakilala kayong duktor sa ospital na inulan ng nunal sa mukha at sungki ang ngipin, ako na yun. Huwag niyo naman akong takbuhan at matakot na kayong magpakunsulta sa akin. Kailangan ko rin ng pangkain at pangload, okey?

At dahil abala ako sa pgtratrace ng pathway ng mevalonic acid na kinoconvert into 5-pyrophosphomevalonate which will be decarboxylated into isopentenyl pyrophosphate which will then be isomerized to 3,3-dimethylallyl pyrophosphate and then condensed to geranyl pyrophosphate, which will then be condensed to farnesyl pyrophosphate, which when combined with another molecule of farnesyl pyrophosphate will form squalene which will be converted to lanosterol which by shortening of the carbon chain from 30 to 27, removal of the two methyl groups at c-4, migration of the double bond from c-8 to c-5 and reduction of the double bond between C-24 and C-25 will finally result into cholesterol, at mukhang hindi na siguro ako magkakapanahon pang makabalik ulit dito sa blog ko bago magbagong taon, hayaan niyo na ring maaga akong babati sa inyong lahat ng:

HAPPY NEW YEAR!!!

P.P.S. Happy beerday nga pala sa ating blogistang friend na si Potpot na sa aking kamalasan ay nakadiskubre sa isa pa sa aking mga pinakatago-tagong blog. Hehehe. Sori po at hindi ako nakasama sa pakulo mo kahit nagpromise ako. Plug na lang kita dito sa blog ko, okey? At sana’y dumugin ka rin ng mga blogistang babati sayo. Happy beerday ulit! =)

P.P.P.S.  At baka magtampo sa akin ang kaguwapong si Brother Utoy na mas bata pala sa akin ng isang taon. Totoo ba yun? Hmmm… Pakita nga birth certificate, pwede? Happy birthday din sayo, Bro!!! Sigurado rin akong dudumugin ng mga babati sayo sa blog mo. Ang masasabi ko lang sayo: God Bless! Happy birthday ulit! =)

Advertisements

Bakit Ako Hindi Pumasok ng Klase

Hindi ako pumasok ng klase ngayon.

 

Dalawa hanggang tatlong oras lang ang board review class namin kada araw. Kada linggo ay hinahawakan ang klase ng isang duktor na eksperto sa paksang kasalukuyan naming inirereview. Pediatrics ang paksa sa buwang ito at ang pediatrician na itatago nating sa pangalang si Dra. Jolina ang humahawak sa klase sa linggong ito. Noong Lunes namin siya unang nakilala. 25 kaming lahat na pumasok ng klase. Pagkatapos ng dalawang oras, halos wala ng gustong pumasok sa klase niya sa mga sumusunod na araw. Dahil hindi tulad ng regular na klase sa medskul kung saan may checking of attendance, sa board review, wala na, at pwede ka ng umabsent o pumasok kung kailan mo gusto.

 

Ubod ng taray kasi si Dra. Jolina. Payat, seksi, matangkad, maputi, mahaba ang buhok at medyo may wrinkles na. Isa siyang matandang dalaga. Ewan ko lang kung nagmemenopause na siguro siya pero saksakan talaga ng taray ang bruha. Dinadaan nga sa landi at pagbibiro ang ilan sa kanyang mga hirit lalo na kapag lalake ang kanyang kausap, subalit halata pa ring umaalingasaw ang kanyang katarayan.

 

“Close your books. I don’t want you looking at your books. You should know these things already. Gradweyt na kayo.”

 

Natural, nagpalipitations ang karamihan ng aking mga kaklase at kinabahan ng pumasok ng eskuwela sa sumunod na mga araw.

 

Pero hindi ito ang dahilan kung bakit ako umabsent.

 

Hindi ako takot na tawagan niya ang pangalan ko at tapunan niya ako ng mga tanong na hindi ko alam ang sagot. Kung hindi ko alam, eh di okey, fine. Basahin ko mamaya pagkatapos ng klase at tiyak masasagot ko na siya bukas. Hindi naman ako mamamatay kung hindi ko alam ang sagot at wala naman kami sa ospital upang nakasalalay talaga ang buhay ng isang pasyente sa kung ano man ang isasagot ko sa kanya. Tanggap ko na may mga bagay na hindi ko alam o di kaya’y memoryado, at kung kailangan ko itong pag-aralan, sige, gagawin ko. Ang tunay na dahilan kung bakit ako pumasok ay dahil gusto kong ipakita na hindi ako sumang-ayon sa ginawa niya sa aking kaklaseng itatago natin sa pangalang Naruto.

 

Si Naruto ay kilala sa klase bilang isa sa mga matatalino pero tamad lang paminsan at mahilig magpalusot. Istilo niya ang sumagot ng mga tanong sa paraang madami pang dinadaanang pasikot-sikot at pasakalye at pagkatapos ng isang oras na pagsasagot sa tanong mo in confident English, ay saka mo marerealize na wala naman palang katutunan ang lahat ng sinabi niya at hindi pa rin niya talaga nasagot ang iyong tanong. Useless. Ganito rin ang istilo ni Naruto sa pagdidiskarte sa mga babae, at siyempre madami siyang nabibingwit na mga neneng bilib sa kanyang confidence at pag-Iingles at obviously ay nasa lebel na moronic ang IQ ng mga neneng ito dahil hindi marunong magread between the lines.

 

Tinanong ni Dra. Jolina si Naruto, “Okay. You. At what day can you say that a patient with Mumps becomes highly infective?”

 

Ang sagot ni Naruto. “In 5-7 days after the appearance of his symptoms.”

 

Confident sa sagot pero mali. Ewan ko naman kasi kung bakit may pagkagago din itong si Naruto at naisip yatang baka makalusot pag sakaling sasagutin niya ang tanong with confidence.

 

Ang sagot ni Dra. Jolina sa kanya, “Pataka lang ka, dong. What’s your surname? Where did you take up your internship? Graduate ka na ba? How could they even allow you to pass the department? Siguro, dinaan mo lang sa pagpapakyut at gandang lalake ang mga babaeng residente mo kung kaya ka pumasa.”

 

Para sa akin, isang low blow yung sinabi niya.

 

Oo, tama nga. May point sya. Gradweyt na kami at hindi na kami kailangang ibeybi,  ipaghele-hele o akbayan ng mga lisensyadong duktor ang aming bawat galaw. Oo, tama nga, dapat hindi na lamang nagpalusot ang kaklase ko. Kung ako yun, tatahimik na lang ako kung talagang hindi ko alam ang sagot. Pero para sa akin, hindi talaga tama ang ginawang panginginsulto ni Dra. Jolina kay Naruto dahil para niya na ring sinabing wala itong karapatang gumradweyt at umabot sa kung nasaan siya ngayon.

 

Palibhasa kasi, tulad ng paulit-ulit na sinasabi ko dito sa aking blog, karamihan ng mga duktor ay mayabang. Walang sense of humility. Akala mo, dahil mas marami na silang taong dinaanan sa pagprapraktis ng medisina ay may karapatan na silang yumurak ng pagkatao ng ibang mas nakakababa sa kanila, sa mga duktor na hindi pa lisensyado, mga estudyante ng medskul, mga nars, mga medtechs, mga janitor. Karamihan, ang tingin sa sarili ay diyos at wala silang pakundangan kung umalipusta ng mga taong hindi nila ka-lebel. Nakakabuwisit. Kung tutuusin, dinaanan na rin nila ang mga dinaanan namin, kung kaya’t mas nararapat siguro kung gabayan na lamang nila kami sa kung ano ang dapat naming gawin kaysa ang insultuhin kami na para kaming hindi nag-aral o di kaya’y nakagradweyt lamang gamit ang aming angking alindog o di kaya’y gandang lalake/babae.

 

Eh, kung tutuusin, wala naman kami non.

 

Palibhasa, wala ng pumapansin sayo, Dra. Jolina. Inggit ka lang.

 

PAAAAANNNGGGGEEEETTTTTTT!!!!    

 

Tumahimik na lamang si Naruto. Sige pa sa pagbirit ng mga kakornihan at kalandian si Dra. Jolina. Pero tahimik na rin ako. Nagbiro pa siya sa akin, kung kaano-kaano ko raw ang artistang kasing-apelyido ko. Sabi ko tiyuhin ko, kahit hindi naman. Pero hindi na ako ngumiti sa kanya. Ayokong magpakaplastik. Kung ayaw ko sayo, huwag mo nang piliting makuha pa ang kiliti ko.

 

Humanda ka, Dra. Jolina. Balang araw, mas marami pa akong alam sa’yo at luluhod ka ring magmamakaawa sa paanan ko.

 

Yabang ko talaga. Makabalik na nga sa pagbabasa.


Drowsy and Drifting. Drifting and Drowsy…

self-hypnosis 

 

 

Dahil mukha na siguro kaming mga ngarag at parang mga kontestant ng palakihan ng eyebags, isinalang ang buong klase ng board reviewers sa isang stress-debriefing. Pagkatapos ang isang nakakaburaot na Powerpoint presentation tungkol sa iba’t ibang stress at kung paano ito malalabanan, kung saan nakarelate ako dahil umaapaw ang aking mga gawaing pampaiwas sa stress (tulad ng pagbloblog, panonood ng TV, pagkain, pagsesex, pagteteks, at iba pa), pinaghiwa-hiwalay ni DocN ang upuan ng mga tsismosa at tsismosa (tulad ko at ang aking mga dakilang alipores), nagpatugtog ng soundtrack ng tubig sa batis (na parang gusto kong mag-Ma’am May I Go Out? kada beses na marinig ko ito) at sinimulan na ang aming sesyon gamit ang hipnotismo bilang isang relaxation technique. Sa bawat pangungusap na sambit ni DocN, humihirit naman ako sa isip ko na tila nagsusulat na ng maibloblog mag-isa.

 

 

“Close your eyes. Allow yourself to feel relaxed. Empty yourself of all your thoughts.”

 

 

Si Mader umagang-umaga kanina, tumatalak na naman… Siguro menopause na… Wala na pala akong pera. Huhuhu… shiyet. Hindi na bago yan ah. Makautang nga ulit kay SisterJ… Muntik pa sana akong maleyt ng pasok kaso buti na lang mas late si DocN… Hmmm… Siguro masarap itong iblog mamaya.

 

 

“Uncross your legs. Let your feet touch the floor. They are getting very heavy.”

 

Shiyet… Ang liit ko talaga. Di man lang umaabot ng sahig ang paa ko unless nakatingting ako.

 

 

“Feel the tension leave your neck and your shoulders and your back. Your shoulders are drooping. The muscles in your neck are relaxing.”

 

Paano ba masabing relaxed na ang aking leeg? Pag medyo nakabitin na lang ang ulo ko, parang ganito? (Head lag mode ala 2-month old) O parang ganito? (Zombie na nahuli sa pagdating at namiss ang Halloween) O baka naman ganito? (Tilt ng ulo konti, ngiti sabay hawak sa cellphone nang malayo sa mukha, ala-Friendster pose).

 

 

“Take a deep breath.”

 

Inhale…. Exhale….

 

 

“As you inhale, let the tension leave your body.”

 

 

Oh, shiyet. Di pa pala dapat nakaexhale. Bawi ang exhale. Inhale ulit…. 

 

“Now, exhale.”

 

Ngek, exhale na. Kaiinhale ko lang. Habol, Angel. Habol sa pagiinhale-exhale.

 

 

“Your cheeks and your forehead are relaxing.”

 

Hmmm… huwag ilabas ang mga wrinkles.

 

 

“You are getting drowsy… Drowsy and drifting… Drifting and drowsy…”\

ZZZZZZZZZZZZZZZZ…..

 

 

“Think of your happy place.”

 

Yung Videoke bar na madalas naming puntahan ng mga kaibigan ko dati. Mura ang beer at magsasawa ka sa kakaawit ng mga peborit mong kanta. I Will Survive, yeah!

 

 

“Think of your happy place as the best place for you to study.”

 

Erase-erase-erase ang Videoke bar. Ipasok ang kuwarto ng boyfriend ko na ubod ng gulo.

 

 

“Imagine yourself walking down the steps to your happy place. As you climb down each step, count each step as one, two, three and so on.”

 

Toink! Walang hagdanan sa bahay namin. One-story house yun. Bahala na. Imagine ko na lang na ginawan na ito ni Pader ng basement at nasa basement ang kwarto ko.

 

 

“When you finally reach your happy place, you will feel relaxed.”

 

I will feel relaxed. Uyyy… parang may ginintuang halo na bumabalot sa aking katawan.

 

 

“In your happy place, you feel you can do anything.”

 

Mag-aral, check. Magpalit ng damit, check. Magbati Magbabad sa telepono,  check.

 

 

“You will pass.”

 

 

I will pass.

 

 

“You are smart.”

 

I am smart.

 

 

“You are pretty.”

 

 

I am pretty… Joke! Eching ko lang yun. Di na sinabi yun ni DocN. As if naman kailangan pa niyang sabihin yun. Alam ko na yun, no? Noon pa sinasabi sakin ng Nanay ko yan.

 

 

“You now leave your happy place and slowly go back up the stairs.”

 

 

Lalalalala… Lalalalala… Pakanta-kanta pa ako habang paakyat kunwari ng imaginary hagdanan.

 

 

“You now become aware of your surroundings and slowly open your eyes.”   

 

Ito po talaga ang totoong nangyari.

 

 

Nakatulog po ang inyong lingkod pagkatapos sabihan ng drowsy and drifting, drifting and drowsy. Aber, ikaw nga ang makarinig ng mga katagang ito, ewan lang kung hindi ka rin dapuan ng antok:

 

 

Drifting and drowsy. Drowsy and drifting. Repeat 10,000 times. And then fade…

 

 

At sa mga kuwento lang ng mga kapwa ko kaklase nalaman ang sumunod na pangyayari ng sesyon na iyon dahil nga sa nagmistulang dead to the world na po ako.

 

 

Buti na nga lang talaga hindi ako napaHILIK.

 

 

 

 

*photo taken from Kafka On The Shore

 

Buhay Board Review

 

 

 

Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa ng blog ng iba pang mga andito nagpapatumblingtumbling sa blogosperyo ng tumunog ang “Lolli Lolli” ng Three Six Mafia sa cellphone ko. May text message.

Ate! Tama na ang bakasyon grande. Back to skul tayo 2mrw, class with DocK at 4pm

Bigla akong hindi makahinga.

Dyspnea attack. Oxygen! Kailangan ko ng oxygen mask. Mouth to mouth resuscitation. Preferably gwapo at may kissable lips.

Pucha! May pasok na daw bukas sa board review. Ang orihinal na schedule namin na sa halos 10 araw na walang pasok ay biglang umikli sa 7. Kinausap ko pa naman ang sarili ko na “Hello [Mistress]! Ang ganda mo! Sige ha, pagbibigyan kitang magbanjing-banjing ng isang linggo pero pagdating ng 27, balik mag-aaral na naman dapat ang beauty mo.” So, bukas na bukas din ay dapat magsisimula na ako ulit mag-aral. Kaso, may pasok na pala ulit so mukhang hindi ko na magagamit ang susunod na mga araw para basahin ang mga dapat sana ay inaaral ko na sa 7 araw na wala kaming pasok.

Paano naman kasi, inatake na naman ako ng sakit ko. Ang walang kalatoy-latoy na Stage 4 na Cancer sa buhay ko. Ang aking katamarang wala nang lunas.

Matalino ako. Alam ko yun. Nung bata pa ako, nagsawa ako sa kaaakyat ng stage para tumanggap ng mga multi-colored ribbons, certificates at medals. Nagsawa rin sila Mader at Pader sa pagpopompyang kung sino ba sa kanilang dalawa ang aakyat ng stage para makipagpicture sa akin. May picture pa nga ako na nakikipagkamayan ako sa principal namin at naka-knee length ang isang medyas ko habang naka-ankle length naman ang sa kabila, pero smile pa rin ako dahil siyempre, may award ang lola mo. Salutatorian ako nung gradeschool. Salu lang kasi poor lang kami at hindi naman ako nagpapalechon sa faculty pag Teacher’s Day. Nung highschool naman, medyo inatake na ako ng katamaran kaya hanggang fifth honorable mention lang. Nung college, mas lalo na. Sabi ko sa sarili ko, “Shiyet kayo! Mga valedictorian at salutatorian pala kayo! At galing pa sa mga eskuwelahang napapanood ko lang sa TV pag Battle of the Brains na! Pwes, bakit pa ako magpapagod makipagkumpetensiya sa inyo?” kaya ayun. Kuntento na ako sa mga 3 at 2.75 ko. Nakakapagkerengkeng pa ako at nakakanood ng sine tatlong beses sa isang linggo. At least, may life ako. Eh, sila? WALA.

Pagtuntong ko naman ng medisina, ayun. Plano ko talaga sanang magpabanjing-banjing ulit. Idaan na lang kumbaga sa pagpapacute sa mga matatandang duktor na sabik na may nakikipaglandiang dalaga sa kanila. Pero noooo! Tinubuan na ako ng guilty conscience. Tumatanda na ako at ganun din ang parents ko. Kung dapat sana ay nagpaalila na lang ako sa pagmamasahe sa mga Kano sa abroad para mabigyan ko na si Pader ng minimithi niyang Crosswind, eto, nagback to school pa ang lola mo. So, walang kamatayang gastos na naman sila para sa akin. Kaya ayun, medyo naisipan ko na ring magbuklat-buklat na lang ng books, manghoard ng yellow dermatograph sa mga bookstore at mag-aral. Sa awa naman ni Lord, medyo rumaratsada na naman ang katalinuhan ko at pinasa ko naman lahat ng exams kahit di ako umiinom ng Glutaphos o Sustagen Prime. At napaakyat ko na naman ng stage sila Mader at Pader, na medyo namimiss na raw nila.

Pero hindi pa pala tapos ang buhay estudyante ko dahil may putragis pang board exams.

Ilang buwan na rin akong nag-aaral. Sa sobrang kaaaral ko, bumigay na ang utak ko dahil parang wala ng space. Free memory: ZERO. Kapag sisimulan ko ng bumukas ng libro, parang aatakihin na ako ng asthma kahit hindi naman ako asthmatic. Pag sisimulan ko nang basahin ang isang pahina, kung saan-saang daydreams na napupunta ang isipan ko hanggang sa mapansin ko na lang na tatlong oras na pala ang lumipas at hindi pa rin ako umaalis sa pahinang iyon. At kapag nagsisimula na akong magconcentrate na mag-aral, wala pang 5 minutes eh, tulog na ang lola mo.

ZZZZZZZZZZZZZZZ…..

Sa totoo lang, dahil diyan, hindi na ako inaatake ng insomnia ngayon, di tulad ng dati.

At ewan ko ba kung talagang sinusubukan lang ako ni Lord pero parang gusto na yata niya akong tuluyan nang maloka. Pagbukas ko ng cabinet ng aking sandamakmak na books nung isang araw, at akmang kukuha na sana ng isa sa aking mga board reviewers, nagimbal ako ng nakita ko na ginawa na palang food for thought ng mga lecheng anay ang karamihan sa mga pahina ng aking beloved books at soft-bound na photocopies.

Siguro, mas matalino pa kaysa sa akin ngayon ang mga lecheng anay na yun.

Pangatlong beses na kasi nangyari yun sa akin. Kada beses na ilagay ko ang mga books ko dun sa shelf na yun, makalipas ang ilang buwan, nagiging anay-infested area na naman siya. Unti-unti na ngang nababawasan ang mga libro ko. Kung noong una ay nagsisikipan sila sa 4 shelves, ngayon 3 na lang ang naooccupy nila. Pinavarnish, pinatreatment, pinakulot at pinahot-oil ko na ang shelf na yun pero ganun pa rin ang nangyayari. At sa totoo lang, pagod na ako.

So, imbes na mag-Emo mode ako, humagulgol ng iyak at ipagluksa ang aking mga books, nilipat ko na lang yung mga books na hindi pa ginawang breakfast, lunch at dinner ng mga anay sa salas at hinayaan ko na lang na kainin nila yung ibang books na mukhang ginahasa na at pinagsamantalahan ng mga anay dahil sa latoy-latoy na ang mga pahina.

Ayun, andun pa ang lahat ng mga anay ngayon sa shelf. Di ko pa sila pinaalis.

Tinatamad pa kasi ako.

Hiatus

 

 

Ewan ko ba kung bakit ang sarap-sarap pakinggan ang salitang HIATUS.

 

HI-atus. Hi-A-tus. Hia-TUS. All together now, HAAAYAATUUUSSS.

 

Kung hindi mo pa nahuhulaan sa ngayon kung bakit ito ang title ng post ko sa ngayon, pwes, huwag mo ng sayangin ang iyong neurons sa pag-iisip at sasabihin ko na lang sayo. Ano nga ba ang dahilan kung bakit namemention ng isang blogger ang salitang hiatus? Obviously, kasi kailangan niyang mag-blog leave.

 

Yes. Tama ang iyong narinig. Ako ay kinakailangang magblog leave upang makapagfocus sa saking pag-aaral. Ako ay kasalukuyang kailangang magfocus sa pagrereview para sa board exams. Sa mundo kasi ng pagduduktor, ang isang nakapagtapos na ng apat na taon sa medisina at isang taon na internship ay matatawag nang General Practitioner. Subalit, hanggang sa hindi ka pa pumapasa ng board exams at wala ka pang lisensya, maraming mga ospital ang hindi mo pa pwedeng aply-an, hindi ka pa pwedeng magsimula ng iyong residency training, hindi ka pa ganap na matatanggap ng Medical Society at ang pinakaimportante sa lahat, dededmahin ka pa ng mga malalanding medrep (medical representatives) na nagbibigay ng free dinner, airline tickets, ballpen, prescription pad, at kung ano-anong giveaways at eklavus.    .  

 

Kaya ko naman actually ang isabay ang pagbloblog at ang pagrereview kasi alam ko, matalino ako. Naks. Yabang. Hehe. Pero hindi naman sa pagyayabang pero isa ako sa mga pinakamatalino sa klase. Well, 20 lang naman kami sa klase kaya statistically speaking, mas malaki talaga ang probabilities na mapunta ka sa Top 10. Hehehe. At kung ikukumpara sa kolehiyo kung saan mga valedictorian at salutatorian galing sa iba’t-iba’t-bang prestigious highschools in the Philippines ang mga kaklase ko kaya tuloy wala ako masyadong drive noon na makipagsabayan at makikompetensya sa kanila, iilan lang ngayon sa mga kaklase ko ang gumraduate ng college ng cum laude at karamihan pa ay galing sa kung saang uhuging unibersidad sa probinsya. Kaya hindi na nakapagtataka na kahit latak lang ako ng UP nung college (muntik pa nga akong hindi matanggap sa kursong gusto ko talaga dahil quota course siya at nandun ako sa mga last on their list. Salamat, kung sino ka mang nagdrop-out sa course ko at nag-enroll sa ibang school), isa naman ako sa mga pinakamatalino (daw) sa klase ngayon.

 

Ang pinakanakakabwisit lang kung nandun ka sa pinakatuktok ay hindi ang nagiging popular ka at maraming nagtitiliang fans pag pumapasok ka ng library. Hindi rin ang pressure na inihahain sayo araw-araw ng mga propesor at Dean ng school na kilala ka lang dahil sa pangalan mo na madalas na katabi ang highest grades sa mga exams doon sa bulletin board at hindi ka na kilala sa mukha pag dumaan ka sa harap nila at maggreet sa kanila ng “Good morning, doc.” Hindi rin ang ilusyon ng mga faculty at graduate ng school na malampasan mo ang pagtop ng isa sa mga graduates from last year’s batch na kumuha ng board exams.

 

Ang pinakanakakabuwisit pag nandon ka sa taas ay kapag may mga kaklase kang nakikipagplastikan sayo.

 

Close kami ng mga kaklase ko. As in, close na close to the maximum level. Halos wala na kaming nararamdamang malisya pag naghahalubilo ang mga babae at lalake dahil parang magkakapatid na lang ang turingan naming lahat. Kahit araw-araw pang maghubad sila ng T-shirt sa harap namin o makitaan ng mga boys ang mga kulay ng panty namin, sa sobrang close namin, halos wala na kaming nararamdamang libog sa isa’t-isa. Kaya nakapagtataka at nakakapanlumanay kung merong isa o dalawang makikipagplastikan sayo dahil sa matalino ka.

 

Dahil alam ko namang hindi niya ito mababasa, hayaan niyo na lang akong maglabas ng aking sama ng loob dito.

 

Tama ba naman na dahil sa lagi akong pumapasa ng exam ay hindi na siya magshashare sayo ng mga reading materials? Tama ba namang hindi na ako tinetext kung meron siyang librong iphophotocopy para sa susunod na exam? Tama ba naman na kahit na kusa kong pinapahiram sa kanila para ipaphotocopy ang mga books ko na pinabili ko pa sa aking mabutihing sister na nagtiyagang magkalkal sa mga inaalikabok na libro sa Recto, eh, nagkakanya-kanya naman ang ilan sa mga kaklase ko ngayon?

 

Where’s the justice in that?

 

Parang kasalanan ko pa ngayon na mas nag-aaral ako sa kanya.

 

Samahan pa natin ang kauna-unahang pagtanggap ko ng failing grade sa buong buhay ko sa medical school noong isang linggo sa aming mock-board exam sa Internal Medicine. At the end of each topic kasi, may pagsusulit na binibigay. Karaniwan 5-8 people lang ang pumapasa nito. Maliban sa Internal Medicine, 5 topics na ang natapos namin. Pasado ako sa lahat ng yun, ako ang nakakuha ng pinakamataas na grado sa 2 out of the 5 topics. So you can’t blame me if medyo nagdradrama ako ngayon at nasa-Emo mode dahil sa aking hindi pagpasa sa aming huling exam. Sa aking sobrang page-Emo, hindi ko tuloy malaman kung saan napunta ang aking English-spokening neurons kaya nagta-Tagalog na lang ako ngayon. Deadma na lang sa sangkatutak na mga red curly lines na hudyat ng Microsoft Word na masyado na akong maraming wrong spelling. Hindi ko talaga matanggap ang mga pangyayari na 42% lang ang nakuha ko, o 21 correct out of 50.  

 

Oo, sabihin mo mang ang OA ko kasi di pa naman yun totoong boards. Pero masakit pa rin yun para sa akin. Henyo ako, okey? Henyo ako! Hindi bumabagsak ang mga henyo!

 

Hehe. Joke lang. Average lang ang IQ ko, no?

 

Actually, tanggap ko na kasalanan ko naman talaga ang lahat. Masyado akong nagpabaya at imbes na magbasa ng photocopies ng mga medical books na inaanay na (Promise talaga. Kilala na ako sa class na nagdadala ng mga librong ginawa ng breakfast, lunch at dinner ng mga anay ang mga pahina), ako ay nagblog, gumimik, nagblog, lumandi, nanood ng TV, nagblog, kumerengkeng, nagblog, nanood ng maraming DVDs at nagblog. Kaya mukhang kailangan ko na talagang maghiatus at magfocus sa aking chosen career, kung gusto kong yumaman at magkapera para sa tuluyan kong pagpapasexy through Belo Medical Services balang araw.

 

Pero hindi ako magbloblog-leave. Heller! Ngayon ko nga lang binuksan tong bagong blog na ito dahil busy ako dun sa isa the past few days, tapos titigilan ko na? Kailangan ko lang tumigil, oo, pero malamang hindi ko rin gagawin. Kailan ba naman ako gumawa ng bagay na talagang dapat? Eh, ang tigas-tigas nga ng ulo ko.

 

Hanggang may Internet shop pa na nagpaparenta ng computer ng P10/hour, tuloy lang ang ligaya ni [Mistress]!!!