Mahal Ko Ang Trenta Pesos Ko

Katatapos ko lang magbayad ng aking tumataginting na P60 sa isang Internet shop nang naisip kong sumakay ng tricycle para umuwi sa amin. Liban sa bumigay na ang aking japeyks na Louise Vuitton bag na kung saan lumuluwa na ang aking mga pamalit na damit galing overnight, mga board reviewers at nagsisikapalang libro ng anatomy at surgery ay tinatamad na rin kasi akong lumakad kahit na medyo hindi naman kalayuan ang Internet shop na yun sa bahay namin.


Dahil katabi lamang ng Internet shop ang isang bus terminal kung saan maraming mga nakapark na tricycle, doon na ako lumapit at saka nagpapansin sa mga tricycle driver.


Isang mamang walang buhok ang lumapit sa akin. “Tricy?”


Tumango ako, umupo na sa kanyang sasakyan at sinabi ang address ng bahay namin.


“Trenta.”


Huwaaat? Bago pa magsilabasan ang kung ano-anong pagmumura sa bibig ko, napigilan ko pa ang sarili ko. Napatingin muna ako sa kanya, naninigurado kung tama ba ang sinabi niya sa akin.


“Ha?”


“Trenta lang.”


Oo, madalas napagkakamalan akong tanga. Tanga sa pag-ibig, tanga sa mga gawaing-bahay, tanga sa mga kabalastugan at kagontsohan ng mga taong mahilig umalipusta ng kanilang kapwa. Pero, hindi rin ako pinanganak na gago. Kagaguhan ang magbayad ng P30 para lang sa pamasahe na halagang P10-P15 lamang. Mas lalo nang kagaguhan ang humingi ng bayad na doble sa tunay na halaga nito.


Okey lang siya?


Hindi naman sa hindi ko kaya ang magbayad ng P30. Hindi naman ako ganon ka-poor at may pera naman ako. Pero kagaguhan ang gustong mangyari ng tricycle driver na yon. Malamang napagkamalan niya akong promdi dahil sa may harap ako ng bus terminal nanggaling, may dala akong malaking bag at mukha siguro akong uhuging bata dahil kulang ako sa tulog at kumakaway-kaway sa kanya ang aking naglalakihang eyebags, pero hindi pa rin yun sapat na dahilan upang mabigyan siya ng karapatang linlangin ako.


— Sali ako? —


Sabihin na nating, oo, tumaas na ngayon ang presyo ng gasolina. Pero tama ba namang kung kaninang umaga ay P15 lang ang binayad ko papuntang terminal, eh pagdating ng hapon ay doble na kaagad ang babayarin ko? May emergency increase na ba ng gasolina na hindi ko pa alam? Naghohoarding na ba sila ng langis sa ibang bansa kaya sobrang quickie ang pagtaas ng presyo ng gasolina? Nauubos na ba ang mga reservoir ng langis sa UAE at ganun na lang kabilis na tumaas ang presyo nito?


Kilala ang lungsod namin sa pagkakaroon ng pinakaganid at garapal na mga tricycle drivers. Noong napadpad ako sa Dipolog at Pagadian noong nakaraang taon ay hindi ang mga nagagandahang tourist spots ang nagpatibok sa puso ko, kundi ang mga tricycle drivers dito. Kras ko kayo, mga tricycle drivers ng Dipolog at Pagadian. Namangha talaga ako sa baba ng presyo ng pamasahe na sinisingil ng mga tricycle drivers doon. Hindi tulad dito sa amin. Sa isang araw, halos sa pamasahe ko sa tricycle lang nauubos ang allowance ko. Hindi na tuloy katakataka na baong oatmeal at tubig na lamang ang pinangtatanghalian ko pagdating ng lunch break. Hindi ko na nga alam kung saan ko pa nahuhugot ang pera pambili ng load at yosi. Sa savings ko ata. Malamang ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin umaabot ang aking ipon para maging sapat na ipangbangko.


Nabuwisit ako kay Manong. Para akong si Incredible Hulk na pagkatapos ng matagal na pagtitimpi, ay saka lamang nagkaroon ng lakas upang ilabas ang kanyang tunay na mga saloobin. Rumatsada na ang aking bibig na galit na galit na nagpuputak tungkol sa kanyang pagiging isang sakim. Habang abala ako sa aking paglilitanya tungkol sa kanyang walang pusong paggogontso sa isang hamak na estudyanteng tulad ko, na hindi man lang niya kayang bigyan ng 10% Student Discount fare, nagsibalik sa aking isip ang mga insidente at taong dati na ring nanggoyo sa akin at dahil isa akong peace-loving na tao (in short, loser) ay hindi man lang ako nagpumiglas ng goyohin nila ako.


Sa matandang bading na gumupit ng buhok ko nung isang taon at nagsabing “Ang ganda-ganda mo, Ate!” kahit nagmukha naman akong batang 80’s sa bangs na binigay niya sa akin. P.U.


Sa driver ng jeepney na nagkunwaring nakalimutan niyang ibigay ang sukli kong P1.50. P.U.


Sa kapitbahay naming nagparelax ng buhok ko sa halagang P3,000 na sabi niya ay tatagal ng anim na buwan. Apat na buwan pa lang ngayon, pero kumukulot na siya ulit. P.U.


Sa mga kaklase kong kuripot na hindi ako tineteks kung wala kaming pasok dahil Smart ako at Globe sila, kaya’t napapagastos ako ng pamasahe papuntang eskuwelahan kahit wala namang klase. P.U.


Sa teacher ko nung Grade 5 na araw-araw na nagcocollect ng pera para pambili daw ng pansit, floor wax, kurtina o di kaya’y Christmas tree para sa classroom daw namin na hindi man lamang namin nasilayan at napakinabangan at sa pagbebenta niya sa amin ng raffle tickets kapalit ng pagiging excempted daw namin sa periodic exam. P.U.


Sa mga professor ko dati sa UP na binagsak ako sa Chemistry 101 at Neuroanatomy, sinira niyo record ko. P.U.


Sa mga lalakeng nanggoyo ng aking puso. Isang tumataginting na P.U. sa inyo.


Kay Airsoft, ang hari ng pakipot. P.U.


At sa pasimuno at nagbigay inspirasyon sa blog na ito, ang kalbong mamang driver ng tricycle na pula na nakapark sa harap ng terminal kaninang alas-5 ng hapon, harinaway Diyos na ang bahala sa yo.


Pero, oo, P.U. din sayo.

* Photo taken from P.base.com


5 Tugon to “Mahal Ko Ang Trenta Pesos Ko”

  1. rio Says:

    naku…galit po ata kau…magtatago po muna ako..balik nalang po ako ulit sa sususnod..heheh

    relax lang po…=P

  2. siangelnawalangpakpak Says:

    ehehe… kunwari lang yun actually.

    sa tingin ko, gutom lang ito.

  3. taps Says:

    sugatan din pala ang puso mo… haha syet.

    anyways, ganyan talaga ang buhay parang life. hehe

  4. BURAOT Says:

    P.U. sabi ko na nga ba typo yung link mo sa blog ko. hehehhe. buti na lang hinulaan ko kung anong tamang url. di sana di ako napa P.U.

    apir!

  5. siangelnawalangpakpak Says:

    Taps: Ngek! Hindi lang sugatan. Warak na warak na. Joke… Ah! Pesting mga lalake, hmf!

    Buraot: Kuya, salamat at nagsayang ka pa ng oras na ikorek ang typo ng url ko. LOL. Excited kasi ako magpost ng comment kaya hindi ko nacheck ang spelling ng url ko. In fairness, natapos kong basahin ang buong blog mo. I liked it.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: