Dapat Namatay Na Lamang si Mr.Big

 

 

Kasalukuyan akong nagpapalipad-oras sa pagchachannelsurfing nang napansin ko na palabas pala sa Velvet ang reruns ng Sex and The City. Dahil isa ito sa aking mga paboritong palabas sa telebisyon, napagpasyahan kong panoorin muna ito kahit na ilang beses ko na itong napanood. Kasalukuyang pinapalabas noon ang isang eksena na kinabibilangan ni Mr. Big at ang bida ng palabas na si Carrie Bradshaw, kung saan iiwan na naman ni Mr. Big si Carrie, sa ika-pang ilang beses ng pagkakataon.

 

Kung hindi niyo pa napapanood ang Sex and The City: The Movie, hayaan ninyong sabihin ko na sa inyo ang ending: Nagpakasal rin sa bandang huli si Carrie at si Mr. Big.

 

Praise the Lord, hallelujah. Sigurado akong marami ang natuwa dahil matagal ng pinag-aabangan ang pangyayaring iyon, ang kung magkakatuluyan din ba talaga sa huli ang dalawang magsing-irog.

 

Nasambit sa aking isipan ang magmuni-muni ukol sa mga nagdaang episodes ng Sex and The City, hanggang sa kinahanatnan ng huling kwento nito ayon sa ipinalabas sa pelikula. Habang pinag-iisipan ko kung kailangan ko bang magmix ng Cosmopolitan habang isinasagawa ang pagmumuning yon, isa lang talaga ang pumasok sa isip ko.

 

GAGO SI MR. BIG.

 

Isa siyang malaking gago na pinaglaruan ang puso at pagmamahal ni Carrie sa loob ng anim na taon. Ang kanilang relasyon ay isang walang kamatayang kalokohan na sana ay matagal na nilang tinapos at hindi na pinayagang paulit-ulit na mabuhay pa. Dahil dito, paulit-ulit rin nilang pinaglaruan ang kanilang mga damdamin, ilang beses rin silang nasaktan at hinayaang magkandaleche-leche ang buhay ng isa’t-isa. Pumatol si Mr. Big kay Carrie kahit ito ay may asawa na. Si Carrie naman ay nagpakatanga, pabalik-balik na tinanggap si Mr. Big sa buhay niya. Kahit sabihin nating sila ay talagang itinakda ng tadhana para sa isa’t-isa, hindi pa rin natin maisakakatuwa na malaking kagaguhan ang paglaro ni Mr. Big sa puso ni Carrie ng anim na taon. Para sa akin, hindi na sila dapat nagpakasal at nabigyan ng happy ending.

 

Dapat namatay na lang si Mr. Big.

 

Hindi tama ang anim na taon mong paglalaruan ang puso ng isang babae. Kahit pa ba sabihin nating si Carrie ay hindi nagpakita ng katiting na lungkot at depresyon sa kada beses na umalis si Mr. Big sa buhay niya dahil nalusaw na sa alcohol at sa kaiinom ng Cosmopolitan ang utak ni Carrie kaya tanggap niya ng maluwag na mas masaya siya sa buhay single, alam naman nating lahat na commitment pa rin ang pinakahahangad ni Carrie at hindi kayang ibigay ni Mr. Big sa kanya sa loob ng anim na taon.     

 

Ewan ko ba kung bakit kinailangan pa nilang magmamaang-maangan na mahal talaga nila ang isa’t-isa. Walang gustong magparaya at maunang umamin na mahalaga ang isa sa buhay niya. Walang gustong gumawa ng pangunang hakbang upang sabihin sa isa na handa siyang magmahal ng taos-puso. Kaya sa loob ng anim na taon ay nahayaan nilang maging parang laro ng pingpong ang buhay nila, walang katapusang itinatanggap at ibinabalik, sinasalo at muling tinatapon.

 

Oo, madalas nating nakikitang ngumingiti lang si Carrie kada beses na umalis si Mr. Big. Oo, marami ring dumating na ibang lalake sa buhay ni Carrie nung wala si Mr. Big. Oo, tanga rin si Carrie dahil paulit-ulit siyang sumasakay na itim na limousine ni Mr. Big at  binubukas ang pintuan ng puso niya kada beses na nagpapacute na naman sa kanya si Mr. Big. Pero kung tutuusin, kung mahal mo ang isang tao, hindi mo naman talaga kasalanan na tanggapin siya kahit paulit-ulit ka na niyang sinaktan. Kung talagang mahal mo siya,  mahirap talaga ang pigilin ang iyong sarili na mahalin mo pa rin siya.

 

Para sa akin, ang tunay na gago ay kung sino ang paulit-ulit na umaalis at hindi ang paulit-ulit na tumatanggap.

 

Ang sarap sigurong tirisin si Mr. Big na parang kuto.

 

Oo, madrama ako ngayon. Malamang ito ay dahil napagdesisyonan ko nang tigilan ang isang relasyon sa buhay ko na walang katuturan. Mamamaalam na ako sa kanya. Ayokong maging katulad siya ni Mr. Big sa buhay ko. At mas lalong ayoko ring maging katulad ako ni Carrie sa buhay niya.

 

Ang problema ko na lang ngayon ay kung paano ko papalitan ang pangalan ko sa e-mail address at website. Ayoko nang maging si thefilipinamistress. Gusto ko nang maging si angelnawalangpakpak. Sa totoo lang, naging resulta ng aking pagkalulon sa pag-ibig sa lalakeng alam ko namang hindi kailanman maaring maging akin ang pagsusulat sa mga blog na ito. Dati akong isang matatawag na open book, palakwento, madaldal at masayahin. Pero magsimula nang magumon ako sa aking mga kalokohan sa mga walang kwentang lalakeng hinayaan ko lang na paglaruan ang puso ko, parang nag-iba na ako. Madalas na akong balisa at madaling daluyan ng lungkot. Ang dating masiglahin at kwelang si Angel aka [Mistress] ay naging isang closed-book, dahilan ng pagtatago ng masyadong maraming sikreto sa kanyang buhay. Ang resulta ng aking pagkalulon sa mga bawal na pag-ibig ay ang ang unti-unting paglaho ng aking tunay na pagkatao.

 

Ipagpapaliban ko na lamang ang buhay ko sa ngayon sa Diyos at susundin ko na lang muna ang paulit-ulit na binibilin ni Mader: BAWAL MUNA ANG MAGKA-BOYPREN.

 

Kailangan ko na munang makita ang sarili ko.

 

Kailangan ko na munang balikan ang tunay na ako.

 

Kailangan ko na munang angkinin ang tunay kong pagkatao.

 

Paalam Philip. Mas mahal ko ang sarili ko kaysa sa iyo…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: