Ang Gamot ng Tatay ko para sa High Blood

 

Hindi ako tulad ng ibang mga kaklase ko sa medical school na bata pa lamang ay pinangarap ng maging duktor. Naaalala ko pa tuwing tinatanong ako dati kung ano ang gusto kong maging paglaki ko ay paiba-iba ang sagot ko. Gusto kong maging nars, austronaut, titser, duktora, mang-aawit, housewife, madre, etcetera. Inayawan ko lang ang pagnanars dahil nalaman kong tagalinis daw sila ng puwet ng mga maysakit. Huli na ng malaman kong hindi naman pala sila ang gumagawa nito. Inayawan ko ang pagiging austronaut dahil nalaman kong wala naman palang kurso dito sa Pilipinas na pwede kong kunin para maging austronaut. Inayawan ko ang pagiging teacher dahil mababa daw ang sweldo. Mukha na kasi akong pera kahit bata pa ako. Inayawan ko rin ang pagiging mang-aawit dahil hindi naman mala Regine Velasquez o Celine Dion ang boses ko. Inayawan ko rin ang pagiging housewife dahil madali akong mabagot at ayokong magpataba lang ng pwet sa bahay. Inayawan ko ang pagduduktor dahil matagal bago ako makatapos at hindi naman ako anak-mayaman para makapag-afford nito. Inayawan ko ang pagmamadre dahil pasaway akong bata at ayokong mamatay na virgin. Masarap kaya magkasala magkapamilya.

Isa lang ang natatandaan kong ambisyon na medyo tumagal-tagal din sa isip ko, ang makapag-punta ng ibang bansa. Alam mo na, sosyal, ika nga, para sa akin dati ang maging OFW, mapa-DH ka man, seaman o kahit ano, basta nagtratrabaho ka sa abroad.

 

Noong 4th year highschool na ako at nag-fifill-up ako ng application form ko sa UPCAT, nakahiligan ko na ang panunulat at gusto ko na sanang mag-apply ng Creative Writing sa Diliman. Kaso ayaw ni Mader. Ang sabi niya, wala daw “future” sa pagiging isang manunulat at hindi daw ako sigurado na makakahanap kaagad ako ng magandang trabaho. Dahil alam niyang gusto kong makapag-abroad, inirekomenda niyang piliin ko na lamang ang kursong pinili ng aking pinsan na ngayon ay nagtratrabaho na sa Illinois at hindi na kailanman umuwi ng Pilipinas. Kung kaya’t nag-apply ako sa isa sa mga kurso ng College of Allied Medical Professions, at sa kabutihang palad, ay natanggap naman ako. Kahit quota course ito, napabilang ako sa mga natanggap. Akala ko dahil sa ganap na matalino lang talaga ako. Feeling talaga ano? Yun pala, ako pala ang nasa pinakahuli sa listahan at swerte ko lang dahil may hindi kumuha ng slot nila kaya ayun, pasok ako.

Nasa huling taon na ako ng aking kurso noong natatandaan kong tinanong ako ng kaklase kong si Lee Lee kung naisip ko raw bang magmedisina pagkagradweyt namin. Marami kasi sa aking mga kaklase ang nagplaplanong pumasok ng medical school at nag-aaply na sa UP PGH at UST. Alam rin naming dalawa na hindi pwedeng panghabambuhay na trabaho ang kursong tatapusin namin. Masyadong manual, tatanda rin kami balang araw, at hindi na makakayanan ng katawan namin ang ganoong trabaho. Isa pa, maliliit na babae kami at kung tutuusin, pang malalaking tao talaga ang kursong pinili namin. Sabi ko sa kanya, wala kaming pera para sa pagmemedisina. Oo, parang gusto ko pang ipagpatuloy ang pag-aaral ko, pero baka magmasteral na lang ako o di kaya’y mgtrabaho na lang muna at mag-ipon para pag sakaling may pera na ako, saka na ako pwedeng pumasok ng pagmemedisina.

Pagkatapos ko ng kolehiyo, kumuha ako ng board exams at pumasa naman ako. Binigyan ako nila Mader at Pader ng isang buwan sa Manila para maghanap ng trabaho tapos pinabalik na ako sa amin. Doon ko pa nalaman na hindi naman pala ganun kadali ang maghanap ng trabaho. Kailangan mo pa ng hospital experience, ilang buwang pagvovolunteer ng walang bayad, mga TOEFL o IELTS para masabihang marunong ka namang magsalita ng Igles, BLS training at kung anu-anong certificates ng iyong pagdadalo sa kung ano-anong lecture o training-seminar para sabihing marami kang alam (kahit na wala naman). Wala pa diyan ang sangkatutak na perang kakailanganin mo para placement fee sa mga agencies para umareglo sa iyong pag-aaplyang trabaho sa ibang bansa.

Nainip ako. Nahihiya na rin ako sa magulang ko. Sabi ko sa sarili ko, pag-iipunan ko na lamang ang pang placement fee ko sa pamamagitan ng pagtratrabaho bilang teacher sa isa sa mga eskuwelahan dito sa amin. Nag-apply ako doon, pero kinailangan ko pa munang maghintay dahil sa pasukan pa raw magkakaroon ng job opening. Kaya’t nagvolunteer muna ako sa isang rehabilitation center sa isang pribadong ospital sa amin. Apat na oras, anim na araw kada linggo, tatlong buwan, walang bayad kung hindi certificate lamang na magsasabing nagkaroon ka ng 3 months hospital experience. Doon ko rin nakilala ang aking naging ex-syotang si Rockstar.

Ewan ko kung anong kagaguhan ang pumasok sa kukote ng aking ex-syotang si Rockstar pero napag-isipan niyang bigla na pumasok daw ng Law School. Hindi naman siya ganun kagaling mag-Ingles. Dahil alam kong matagal pa bago siya makatapos ng pag-aabogado, naisip ko na baka makakaalis na lang ako ng bansa ay hindi pa rin siya gumagradweyt. Natakot tuloy ako dahil baka hindi namin makakayanan ang maging isang long-distance relationship (Tanga pa kasi ako nung mga panahong iyon). Sinuggest niya na pumasok na lamang daw ako ng medical school para parehas kaming nandidito lang sa bansa. Dahil wala naman kami masyadong pera ng aking pamilya, pinagpaliban ko ang ideyang iyon. Hanggang sa isang araw, may duktor na pumunta ng rehabilitation center upang magdistribute ng mga brochures ng medical school sa amin. Sinabihan niya ako tungkol sa mga scholarships na binibigay nila at nang sinabi ko kung saan kolehiyo ako nakapagtapos at halos ibenta ko na ang sarili ko sa kanya, inencourage niya akong magapply.

Naisip ko, baka yun na ang sign. So, pumasok ako ng medical school.

Nakakaloka sa medical school. Pero diyan ko narealize na ito naman pala talaga ang gusto kong gawin habang-buhay. Kung kaya’t natututunan ko ang magself-study. Ang mag-aral ng tatlo o apat na libro ang nasa harap mo. Ang matulog ng 1-2 hours lang sa isang gabi. Kahit hindi na tinapos ni Rockstar ang kanyang pag-aaral sa Law school, tinuloy ko pa rin ang aking pagmemedisina. Kahit nagbreak rin kami, andun pa rin ako. Hanggang sa nakatapos. Hanggang sa eto na ako ngayon, nagrereview para sa board exams.

Mahirap makisalamuha bilang isang duktor sa iba’t-ibang tao at iba’t-ibang pasyente. Isama na natin ang mga residente mong masungit, mga pasyenteng sobrang kulit, mga watcher na inis sayo dahil hindi mo alam ang lahat ng bagay. Ang hindi alam ng mga tao, hindi kami Diyos. And that medicine is a constantly evolving science. Hindi lahat ng aspeto ng medisina ay alam namin. Bawat araw, may nadidiskubreng bagong medisina. Bawat taon, may lumalabas na updated version ng aming mga medical books. Medicine is evidence-based. Ibig sabihin ang pinakaepektibong gamut para sa isang sakit ay sinasabing epektibo base sa mga inilabas na journal ukol sa pageeksperimento nito sa ibang mga pasyente na merong ganitong sakit at sa kalaunan, kung may darating na panibagong mga journals na magsasabing iba ang epektibong gamut para sa sakit na ito, ay saka pwedeng baguhin ang gamut na binibigay para sa sakit na ito.

Kung kaya’t wag kayong magtataka kung hindi lahat ng bagay ay alam ng mga duktor. Maraming mga sakit na pare-parehas ang lumalabas na sintomas. Mayroon ring mga sakit na hindi talaga kayang agapan ng lunas. Hindi rin sa lahat ng panahon ay nalalaman namin ang tungkol sa mga breakthroughs. Sa dami ng taong may sakit, hindi lahat ng duktor ay nagkakaroon ng oras upang makapagbasa at makapag-aral ng mga bagong labas na medisina. Huwag niyo ring pag-isipang walang kuwenta ang inyong duktor kung kinailangan niyang sumilip sa kanyang MIMS para tingnan ang dosage o frequency ng gamot na kanyang irereseta (katulad ng paminsang ginagawa ko). Hindi yun katangahan (Ehehehe… Defensive!) Masyado lang kasing marami ng gamut ang lumalabas ngayon at hindi lahat ng mga iyon ay memorisado namin ang dosage o frequency. Ang sabi nga sa amin, walang katapusan na pag-aaral ang iyong gagawin kung napagdesisyonan mong maging doctor dahil nga sa dahilang medicine is a constantly revolving science.

Mabuti na lamang, lagi akong suportado ng aking mga magulang. Kahit alam ko namang pangarap talaga ni Pader na magkaroon ng anak na nagtratrabaho sa abroad, at kung ginawa ko na lang sana yun ay sana’y may Crosswind na siya ngayon, alam ko namang proud pa rin sila sa akin. Yun nga lang, ewan ko ba kung ano pang gagawin ko para maniwala sila sa sasabihin ko. Siguro dahil nga sa anak lang nila ako at sila pa rin ang magulang at mas nakakatanda. Paminsan tuloy, hindi ko alam kung sadya lang ba talagang matigas ang ulo nila o wala lang silang bilib sa akin kung kaya’t hanggang taga-kuha ng blood pressure lang ang ginagampanan ko bilang isang duktor sa bahay. Tulad na lang nung isang araw, medyo masama ang pakiramdam ni Pader. Nagpakuha siya sa akin ng BP. 150/90. Positibo sa pagkakaroon ng high-blood pressure. Ang sabi ko sa kanya:

“Pa, dapat kasi may iniinom ka ng maintenance na gamut para sa high blood. Ang taba mo kasi at tumatanda ka na. Madalas ng tumataas ang BP mo. Sandali, pabili tayo ng Captopril doon sa labas.

At ang sabi ng aking magaling na Pader:

“Anak, wag na. Iinom na lang ako ng Coke para bumaba ang BP ko.”

Toink! Saang libro ba makikita na nakakapangbaba ng blood pressure ang softdrinks? Sa katunayan nga, nakakadagdag ng calories yan sa katawan at sa kalaunan, maari pang lalong tumaas ang iyong BP.

“Pa, ano ka ba? Hindi naman nakakapangbaba ng BP ang Coke ah.”

“Mas marunong ka pa sa akin. Mas alam ko ang katawan ko. Kada beses na napaparami ako ng kain ng lechon at medyo nahihilo na ako, pag umiiinom ako ng Coke, mas gumiginhawa na ang pakiramdam ko. Nakakababa ng BP ko ito.”

Tumahimik na lang ako. Dahil alam kong kahit anong gawin ko, hindi pa rin siya makikinig sa akin. Bale wala ang aking diploma bilang Duktor sa Medisina pag kaharap ko na ang tatay ko. Siya ang Diyos sa bahay namin. Kung takot ako sa pagbubunganga ng Nanay ko, mas takot ako sa Tatay ko.

“Pa, duktor ako. Mas alam ko kung ano gagawin pag high blood.”

“Tumigil ka na nga diyan kundi makakatikim ka ng palo sa akin.”

At dahil kahit matanda na ako ay takot pa rin akong mapalo, ibinili ko na lang si Pader ng Coke.

Ang resulta makalipas ang kalahating oras pagkatapos niyang uminom ng Coke: bumaba na sa 130/70 ang BP niya.

Hmmm… Ayoko na lang magsalita. Baka mapagkamalan pa akong nag-eendorse ng softdrinks. Ayoko nga. Hindi nila ako binabayaran. Ano to? Libreng endorsement? Excuse me lang, no? Wala ng libre ngayon sa mundo. Wala!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.