Bente-otso
Dalawampu’t walong taon ang nakaraan. Kasalukuyang naggrogrocery si Mader at Pader sa Welcome Rotonda ng biglang bumaha sa paanan ni Mader habang siya ay namimili kung anong klaseng tutpaste ang bibilhin niya. Magkatapos sabihan si Pader ng “Dad, my waterbag broke,” nagmadali na ang dalawa upang pumunta ng ospital. Magkatapos ang ilang oras ng pag-iire kasabay ng kanyang pagtatae (na malamang dahilan kung bakit paminsan ay tila isip-tae ako sa sobrang katangahan) at matapos putulin ang umbilical cord na dalawang beses pumulupot sa aking leeg, lumabas na rin sa wakas ang kras ng bayan, este, salot ng lipunan.
Oh yes, dats me. Ako na nga yun.
Ipinagdiwang ko ang aking ika-dalawampu’t walong kaarawan noong Huwebes, ika-11 ng Disyembre, kasama ang aking mga kaklase sa isang popular na gimikan sa aming lugar. Billiards, Videoke, inuman at kulitan hanggang sa mamaos ang aming boses at manghina ang aming katawan sa katatawa. Taon-taon kong nililibre ang aking mga kaklase tuwing kaarawan ko. Paminsan nga, feeling ko namimihasa na ang mga ito at medyo nahihiya na rin ako sa aking mga magulang dahil ilang taon na rin akong hindi makapagdiwang ng aking kaarawan kasama ang aking pamilya. Paano ba naman, sa sobrang ingay naming magkaklase ay sinisiguro ko na lang na hindi ako sa bahay namin magpapainom dahil maiistorbo ang beauty sleep ng mga kasambahay ko dahil parang mga kuwago pa sa pagdilat ng mga mata ang mga kaklase ko pag nakainom kese hodang alas-dos na ng umaga at maaga pa kaming lahat pipila sa PRC kinabukasan. Paminsan nga, naisip ko, papansinin pa kaya ako ng mga kaklase ko kung hindi ako magdidiwang ng aking kaarawan sa taong ito? Natutukso akong sorpresahin sana sila at hindi na lamang magpakita noong kaarawan ko pero dahil lab ko ang mga damuhong iyon, hindi ko rin sila matiis at ayan, nagpainom nga ako.
Sensya na at hindi ko na kayo naimbitahan. Padadalhan ko na lang kayo ng serbesa. Antayin niyo lang yung isang case ng SMB na pinadala ko by LBC. Wala pa ba diyan? Baka itinungga na ng kartero at ng mga manggagawa sa Post Office. Oh, well. Sori. Next year ulit.
So, matanong niyo, ano ba ang wish ko sa beerday ko? Madami, actually. Pero kung ililista ko ito lahat ay baka antukin na kayo sa haba ng listahan. Eto na lang ang pinaikling bersyon. At dahil malapit na rin ang Pasko, may panahon pa para tulungan niyo akong matupad ito. Hindi naman ako namimilit, baka lang kasi kako may mga koneksyon kayo. O siya, dami pang satsat. Eto na nga.
1. Pumasa ng board exams. Obvious ba? Nakakapagod kaya mag-aral. Ikaw nga magtake two, ewan ko lang kung hindi ka maburn out sa kaaaral at mas gugustuhin na lang maging magsasaka at magtanim ng kamote. Pwede ring alternative career ang maging online stripper, yung tipong “See Me Strip for only $5/minute” pero baka iprotest ng madla ang pangangatawan ko at bayaran na lang akong magbihis sa halip na maghubad kaya, on hold na muna ang alternative career na yan… At dahil sa ibinalita na yata ni Mader at Pader sa buong opisina ng regional office ng DSWD at sa lahat ng mga kamag-anak naming nakakalat sa buong archipelago ng Pilipinas na kukuha ako ng board exams sa Pebrero, hindi ko alam kung may pagmumukha pa akong maihaharap sa kanila kung hindi ako pumasa. Baka mapilitan tuloy akong magstokwa na lang papuntang Sabah, Malaysia at manirahan na lamang doon bilang isang domestic helper.
2. Panibagong boypren. Masarap kasing ilunod na lamang sa kumunoy ang aking kasalukuyang boylalu (aka lalakeng kalandian). Tama ba namang makalimutan ang petsa ng aking kaarawan at sa 12, sa halip na 11, na ako binati? Pasalamat siya at nasa kabilang probinsya siya ng mga oras na iyon kung hinde, pinasabugan ko na yung bahay nila. Sarap sakalin. At wala man lang pinadalang maski Sampaguita o kuwintas na gawa sa Everlasting man lamang. Hay naku. Ayoko na lang magsalita.
3. Mga kaibigang may kwenta. Marami ako nito lalo na sa blogosphere actually (Tulad niyo. Ahaha. Sipsip ko no? Hehehe, joke!) pero naiisip ko rin paminsan na sa dami ng aking mga kaibigang may kwenta ay dumadami na rin ang pumapaligid sa aking mga nagkukunwaring kaibigan. Yung tipong nagsasaya kapag nakita nilang 2 out of 10 ka lang sa quiz habang nakachamba silang makakuha ng 3 out of 10. Yung tipong kung makatingin sayo, akala niya siya na ang pinakamaganda sa klase eh, kung tutuusin kung hindi lang inayos yung cleft palate niya nung bata pa siya eh, sigurado namang hindi siya papansinin ng manliligaw niyang kamukha ni Pacquaio (no offense sa mga Pacquaio fans diyan). Yung tipong dalawang linggo bago ang aking kaarawan eh papipilitan akong sumagot sa inumin sa bertdey parti ng anak niya dahil sabay naman daw kaming magdidiwang ng aming kaarawan kahit na hindi pa naman ako sigurado kung manlilibre nga ako sa mga kaibigan ko dahil hindi ko naman gawain ang kusang humingi ng pera kila Mader at Pader pag beerday ko. Hello! Wala na ako sa highschool!. Gawaing bata lang ang namimilit, no?… Okey, isang tao lang yun actually. Hindi ko lang alam kung paano ko siya sasabihan na tantanan na niya ako… Oo na, aaminin ko. Paminsan-minsan, nagpapaka-Tupperware din ako.
4. Kalusugan para sa aking mga magulang. Diabetic si Mader. Si Pader naman, kahit hindi ko na ipa-lab test ang kanyang Serum Cholesterol ay halata naman sa itsura pa lang na mataas ito. Yoko silang magkasakit. Hindi lang dahil sa mapipilitan silang magretiro na mula sa trabaho (na matagal nang inaalok sa kanila ng gobyerno ng Pilipinas subalit dahil may mga anak pa silang nagtratrabaho ay ayaw pa nilang matukso sa alok na ito), hindi rin dahil sa magastos ang magkasakit (Heller! May Philhealth namang sasalo sa kanila. Ehehe, joke!), pero dahil sa ayoko silang namamalagi lang sa bahay namin. Bukod sa magiging sedentary ang lifestyle nila (at makakadagdag sa kanilang pagiging high-risk sa mga sakit) ay mapapadalas din ang kanilang pagpuna sa mga kalokohan at pakikialam sa mga desisyon sa buhay naming magkakapatid. Don’t get me wrong, mahal ko ang mga magulang ko. Pero maliban kay BBBro na nasa hayskul pa, halos lahat kaming magkakapatid ay masasabing may sariling nang pag-iisip. Kung 24 oras ay namamalagi lamang sa aming pamamahay ang aking mga magulang ay sigurado akong mamimiss ni Mader ang pagiging bosing sa opisina, mababanas sa pakikipag-usap sa kanyang mga orchids at mapapadalas ang pagbubunganga sa aming magkakapatid. Ewan ko na lamang kung anong gagawin ni Pader pag mamamalagi na lamang siya sa bahay subalit nag-aalala akong isiping baka gamitin niya ang panahong ito upang patayin kami sa nerbyos sa kanyang paggugol sa naudlot niyang midlife crisis. Sigurado ring babaha ang mga ubod sa kakornihan niyang patawa na niplagiarize niya mula kay Gary Lising.
Lab yu, Ma at Pa. Hihihi…
Hindi na ako magwiwish ng mga materyales na bagay dahil pag pumasa ako ng board exams at matanggap sa trabaho ay siguradong mabibili ko na rin ang mga ito baling araw. Hindi rin naman talaga ako mahilig sa mga mamahaling bagay. Basta umaandar ang cellphone, nakakateks, tawag at nakakakuha ng letrato, solb na ako. Tumatakbo pa rin naman yung DVD player sa bahay at 1 Gig naman ang memory ng cellphone ko kung kaya’t hindi ko rin kailangan ng Ipod Nano. Gustuhin ko man ng sariling laptop na may Internet access, upang hindi na kami mag-uunahan sa bahay sa paggamit ng computer lalong-lalo na kay Pader na adik sa paglaro ng Hearts at Spider Solitaire, kahit lumuha pa siguro ako ng dugo sa harap ng magulang ko ay hindi pa rin nila ako marereguluhan nito. Ilusyonada!
Okey, fine. Pag-iipunan ko na lang ang mga ito.
Naisip ko, sa susunod na taon, malamang hindi ko na makakasama ang mga kaklase ko sa pagdiwang ng beerday ko. Siyempre, kanya-kanyang buhay na pagkatapos ng board exams. Nakakalungkot isipin na malamang hindi na mabubuo ang aming barkada sa pagdiwang ko ng aking kaarawan sa susunod na taon. Wala ng tawanang nakakapanghina ng katawan. At wala na ring mga matatamis na sandaling tulad nito:
Ang sweet nila no? Ginawa nilang gaybar ang beerday ko. Hindi daw yan sila naghahalikan, sabi nila. Mukha lang daw. Hmmm… Palusot.


