Mr. X

Kasalukuyan akong nagbabacktrack sa aking personal blog sa Friendster nang nakita ko ang isa sa mga una kong naisulat, noong mga taong clerk pa ako sa ospital. Dahil English ko ito sinulat ng mga panahong iyon, minabuti ko na lamang itranslate ito sa Tagalog nang hindi naman siya masyadong out-of-place dito sa blog ko. Pagpasensyahan niyo na kung mayroong mga katagang hindi ko na alam kung paano maitranslate sa Tagalog. Sa totoo lang, Filipino kasi talaga ang lowest subject ko nung hayskul at kahit nag-aral nga ako sa unibersidad na pinagmomodelan ng lolo ni Fernando Poe, wala naman kaming kinuhang Filipino subject nung nasa kolehiyo na ako.

 

Pero bago ang lahat, ito muna ang Definition of Terms upang mas maintindihan niyo ang aking post:

 

Clerk – medical student na atchay ng intern

 

Intern – gradweyt na ng medical school, hindi pa pumapasa sa board exams at sya ring atchay ng residente

 

Residente – lisensyadong duktor na siya namang kasalukuyang nagtratraining sa kanyang field of specialization at pinapasweldo na ng hospital subalit atchay naman ng consultant

 

Consultant – ang pinakabosing na duktor sa isang departamento, na sa sobrang taas na ng ihi ay nakakayanan ng iwaldas ang karamihan ng kanyang oras sa paggogolf (para sa mga kalalakihan) o di kaya’y sa pagbebelly-dancing (para sa mga kababaihan)

 

Watcher – Kasamahan ng pasyenteng pumupunta sa ospital, maaaring  kapamilya, kamag-anak, kapitbahay, kaibigan, kalaguyo o kahit sinong kakilala na makapagsasabi ng kahit pangalan man lamang ng pasyente. Karaniwang nagiging tagabili ng gamut sa pharmacy, tagalakad ng lab requests ng pasyente sa kabilang building kung nasaan ang laboratory at tagalimos ng discount para sa pasyente sa MSS (Medical Social Services)

 

 

Mr. X

 

 

 

dying_candle_0Hindi ako kumportable kapag konsepto na ng kamatayan ang pag-uusapan.

 

Oo nga, noong isa pa akong neneng nagrerebelde nung kapanahunan pa ng aking mga growing up years, tulad ng isang ordinaryong tinedyer, napagtanto ko at namuni-muni ko rin ang magpakamatay at mamatay ng bata pa. Subalit datapwat ngunit, sino ba namang kinse anyos ang seryoso sa kagustuhang magpakamatay at hindi nagpapapansin lamang?

 

Hindi pa naman uso ang Emo nung mga panahong iyon.

 

Sa katunayan, takot talaga akong tumingin sa mga bangkay sa loob ng mga bukas na kabaong. Tuwing mga lamay, sinisigurado kong maglaan ng distanyang dalawang metro mula sa sarili ko at sa kabaong. Nakayanan ko ring magkunwaring matapang tuwing kinakaharap ko ang mga umaalingasaw sa formalin na cadaver sa Anatomy Lab, sa halip na kumaripas ng takbo palabas ng gusali.

 

Ngunit ito yata ay sadyang isang bagay na kinailangan ko talagang harapin.

 

Sa alas-kwatro ng umagang iyon, sa kauna-unahang pagkakataon, nakasaksi ako ng isang taong namatay mismo sa harap ko…

 

Noong clerk pa ako sa Surgery Department, isang di kilalang matandaang lalake na pinangalan naming Mr. X ang dinala sa ER. Wala siyang watcher na kasama at siya ay natagpuan lamang daw sa gitna ng kalye, isang hinihinalaang biktima ng hit and run. Habang unti-unting naglipana na ang mga student nurses na nakiusisero sa pasyenteng nasa stretcher (kasi nga, mukhang hindi naman pala nila ito magagamit para sa cases na kanilang inilalagay sa kanilang index cards), saka ko pa nakita ang kanyang kalahatan. Nakasplint ang parehas na binti, mula sa hip joint hanggang sa sakong, sangkatutak na mga sariwang sugat ang pumapalibot sa kanyang katawan, at habang may mga gurgling sounds na maririnig mula  sa kanyang lalamunan, patuloy na umaagos ang sariwang dugo mula sa kanyang bunganga. Dilated ang kanyang mga pupils, 20 palpable lang ang kanyang blood pressure at halos hindi na marinig ang tibok ng kanyang puso.

 

Hinigop namin ang dugo mula sa kanyang lalamunan gamit ang suction machine, pinilit na ipasok ang oxygen sa kanyang baga sa pamamagitan ng Ambu-bagging, nag-CPR, hanggang sa halos magkanda pagod at nginig na ang aming mga kalamnan. Subalit kahit anong gawin namin upang manatili lamang siyang buhay, pagkatapos ng kinse minutos, nalagutan din siya ng hininga at namatay. Ang mamang ito, who could have been someone’s lolo, tatay o asawa, ay namatay mag-isa nang wala man lang kamag-anak na kasakasama sa tabi niya hanggang sa kanyang huling paghinga. Ni wala man lang siyang pangalan na maisusulat man lamang namin sa kanyang death certificate. Malay natin, sa mga oras na iyon ay hinahanap na siya ng kanyang anak, asawa o apo na wala man lang kaalam-alam na patay na pala ang hinahanap nila. 

 

Wala na akong mas nakita pang kalunos-lunos na pangyayari liban diyan.

 

Si Mr. X ngayon ay naging isa na lamang malamig na bangkay sa ilalim ng puting kumot. Naisip kong ang lungkot siguro ng mamatay nang walang pangalan, walang kasamang pamilya, nang walang identity, nang walang kadigni-dignidad.  

 

Tinabihan ko na lamang ang bangkay niya, hinawakan ang kanyang malamig na kamay at nag-sign of the cross ako.

 

Mr. X, sana nalagay ka na rin sa tahimik.

 

Ipinaskil sa Emo mode . Mga Marka: , , , . 15 Puna »