Mga ilang buwan na rin ang nakalipas mula noong nagduduty pa ako sa ospital. Namimiss ko na ito. Kahit na madalas ay halos kumakapa-kapa lang yata ako at nagdudunong-dunungan, iba pa rin talaga kapag tinuturing kang duktor at tila nabibigyang halaga ang apat na taong ginugod ko sa pag-aaral ng medisina. Kada beses na sinusuot ko ang aking puting blazer, feeling ko para akong isang superhero na nagsuot ng costume na may tatak na SD as in Super Doctora, ang Alagad ng Kalusugan, tagatuli ng mga supot, tagapanganak ng mga buntis, tagapaggamot ng mga nagtatae, tagapagtanggol ng mga sinisipon laban sa kampon ng mikrobyo.
Namimiss ko ang mga makukulit na pasyente na kahit lasing, duguan ang mga mukha at sumasabit na lamang ang natitira nilang dadalawang ngipin sa kanilang ngalangala at kasalukuyan kong hinahanda ang silk 3.0 na ipantatahi ko sa mukha nila para magic-in ang kanilang pagiging mukhang tao uli ay nakakaya pa nilang lumandi at tanungin kung pwede ba nila akong maging textmate. Namimiss ko ang mga Samal na nanay na linggo-linggo ay nagdadala ng mga anak nilang nagtatae, habang karga-karga ang kanilang bunsong anak at sunud-sunuran pa sa laylayan ng kanilang palda ang isang dosena nilang mga anak na lahat mukhang uhugin at ilang araw ng hindi naliligo, na sa dami ng mga anak nila, kung tatanungin mo kung kailan pinanganak ang mga ito o pang-ilan ito sa magkakapatid ay hindi ka nila masagot dahil hindi nila matandaan. Namimiss ko ang mainit-init pang Cheesebread na laging shineshare sa akin ng mga nars sa ER (O ayan, anakngpiso, sabi ko sayo, lab ako ng mga nars sa amin. Hehehe. Hindi naman ako defensive, no?) sa tuwing gabing nagduduty ako. Namimiss ko ang masabihan ng mga nanay na “Doktora, may boyfriend ka na? May anak akong binata. Bagay na bagay kayo,” na para bang halos lahat na lang yata ng mga inang may binatang anak ay nangangarap na magkaroon ng manugang na duktora. Namimiss ko ang mapagsabihan ng “Salamat talaga, duktora” at ang makasalamuha sa mga tao bilang isang ginagalang na manggamot, na sa pamamagitan lamang ng pagsuot ko ng aking puting blazer ay tila napapatransform ako mula sa isang ordinaryong babaeng masyado pa raw mukhang bata para maging duktor, sa isang kagalang-galang na duktora na magbibigay lunas sa mga sinasambit ng kanilang katawan.
Dinaanan ko na yata ang lahat ng mga kadramahan ng pagiging isang duktor, mula sa mga mala-Emo na “Bakit pa ba ako nagduktor? Sana nag-abroad na lang ako. Mas madali pa yata matutong magsalita ng Arabo kaysa magduktor” ek-ek, sa mga PU moments na kinakausap ko ang aking konsensya at sinasabi kong “Shyet. Hindi ko alam ang gagawin ko. Bahala na. Trial and error na lang ito. Wag na lang magpahalata. Dapat confi para hindi obvious sa pasyente na nagkukunwari lang akong may alam,” sa mga pagpapacute ko at pajoke-joke-joke tuwing endorsements para sakaling makalusot at hindi mahalatang hindi ko naman talaga alam ang sagot sa tinatanong sakin ng residente ko. Nadaanan ko na rin ang mga pagdurusa at ang mga paghihinagpis, ang masigaw-sigawan ng watcher ng pasyente habang nakamasid ang buong ER dahil pinaantay ko raw sila ng matagal (na hindi ko naman talaga kasalanan kung hindi kasalanan ng residente ko), ang sukdulang ipahiya ako ng aking residente sa harap ng aking mga co-intern na bilib na bilib pa naman sana sa akin sa dahilang pinagtataka ko pa rin hanggang ngayon, ang hindi makatingin ng maayos sa watcher ng pasyente dahil hindi ko makayanang sabihing wala pang gamut na naimbento sa buong mundo na makapagpagaling sa kamag-anak nila, ang matulog ng nakatayo, nakaupo, nakadekwatro, nakabaliktad, nakasirko-sirko, o kahit ano pang posibleng posisyon basta lang makaidlip sandali, ang mawalan ng social layp, lablayp, family layp, at pati na rin sexlayp, este, text layp.
Sa dami-dami na ng dinaanan ko sa aking kagustuhang maging karapat-dapat sa MD na nasa dulo ng pangalan ko, iisa lang ang hanggang ngayon ay hindi nagbabago.
Hanggang ngayon, feeling ko, wala pa rin akong alam.
Normal daw iyon, sabi ng mga ibang duktor. Wala naman talagang duktor na alam ang lahat. Kaya nga ginawa ang sistema ng pagrereferral sa mga karapat-dapat na fields of specialization dahil ang kakayahan at talino ng tao ay may hangganan. May limitasyon. Hindi lahat ng kaalaman sa mundo ng medisina ay kayang higupin ng utak ng isang karaniwang tao. Kung may kakilala kayong duktor na nagsasabing marami silang alam, hay naku. Wag kayong magpagamot sa kanila. Hindi lang siya mayabang, nagdudunong-dunungan pa siya. Marami ring duktor ang ganyan. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako mahilig makipaglandian sa kapwa ko duktor, mga know-it-all kasi ang karamihan (hindi lahat, ha? Pero karamihan lang naman) sa mga lalakeng duktor. Kung si Socrates nga na isang tanyag na pilosopo ay nakilala dahil sa kanyang pag-aaming wala talaga siyang alam, matuto rin dapat ang isang duktor na umamin na hindi niya alam ang lahat.
Kaya umaamin ako, wala akong masyadong alam. Kung may alam man ako, madalas nakakalimutan ko rin ito.
Bakit ba nakakalimutan ko lagi ang dosage ng Trimethoprim-Sulfamethoxazole? Ano nga ba ang makikita sa X-ray pag Osteosarcoma at sa Osteoid Osteoma? Anong mga gamut ang binibigay kapag nagchechemotherapy sa isang may Wilm’s Tumor? Ano nga bang enzyme ang wala ang mga batang may Tay-Sach’s Disease? Ilang taon na nga ba ang isang karaniwang sanggol na Filipino upang maging marunong na siyang magdrowing ng kros?
Yan ay ilan lamang sa aking mga binabasa at pinag-aaralan ngayong nagrereview ako para sa Board Exams. Iilan lang yan sa mga kababasa ko lang at memoryado ko pa noong isang linggo na ngayon ay hindi ko na naman matandaan.
Syetness. Memory gap.
Sabi ko na nga ba. Ito na nga yata ang epekto ng aking pagiging isang double-coil cord baby noong pinanganak ako.